Mga Panaghoy 5

1Panginoon , alalahanin po ninyo ang nangyari sa amin.

Masdan nʼyo ang aming dinanas na kahihiyan.

2Kinuha ng mga dayuhan

ang aming mga lupaʼt bahay.

3Naulila kami sa ama,

kaya nabiyuda ang aming mga ina.

4Kinakailangang bayaran namin ng pilak ang tubig na aming iniinom

at ang kahoy na aming panggatong.

5Pinagtatrabaho kaming parang mga hayop

at hindi man lang pinagpapahinga.

6Nagpasakop kami sa mga taga-Ehipto at Asiria

para magkaroon ng pagkain.

7Ang aming mga ninunoʼy nagkasala,

ngunit silaʼy pumanaw na

at kami ang nagdurusa ng parusang dapat ay para sa kanila.

8Napailalim kami sa mga alipin

at walang makapagligtas sa amin

mula sa kanilang mga kamay.

9Sa paghahanap namin ng pagkain, nanganib ang aming mga buhay

sapagkat laganap ang karahasan sa mga ilang.

10Nilalagnat kami dahil sa matinding gutom,

at ang aming katawan ay kasing-init ng pugon.

11Pinagsamantalahan ang aming mga asawa sa Jerusalem

at ang aming mga anak na babae sa mga bayan ng Juda.

12Ibinitin sa pamamagitan ng pagtali sa kamay ang aming mga tagapamahala

at hindi iginalang ang aming matatanda.

13Ang aming mga kabataang lalaki ay parang aliping sapilitang pinagtrabaho sa mga gilingan

at ang mga batang lalaki ay susuray-suray sa pagpasan ng mabibigat na kahoy.

14Ang matatanda ay hindi na umuupo sa mga pintuan ng lungsod upang magbigay ng payo

at ang mga kabataang lalaki ay hindi na tumutugtog ng musika.

15Wala na kaming kagalakan.

Sa halip na magsayaw, kamiʼy nagdadalamhati.

16Wala na rin kaming karangalan.

Nakakaawa kami dahil kami ay nagkasala.

17Dahil dito, nasasaktan ang aming damdamin

at nagdidilim ang aming paningin.

18Dahil napakalungkot na ng Jerusalem

at mga asong-gubat na lamang ang gumagala rito.

19O Panginoon , maghahari kayo magpakailanman.

Ang inyong paghahari ay magpapatuloy sa lahat ng salinlahi.

20Bakit palagi nʼyo kaming kinakalimutan?

Bakit kay tagal nʼyo kaming pinabayaan?

21Ibalik nʼyo kami sa inyo, Panginoon ,

at kami ay magbabalik katulad noong una.

Ibalik nʼyo kami sa dati naming kalagayan.

22Talaga bang sobra na ang galit ninyo sa amin

kaya itinakwil nʼyo na kami?

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.