Leviticus 11

Tungkol sa Malinis at Maruming Pagkain

(Deu. 14:3‑21)

1Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron,

2“Sabihin ninyo sa mga Israelita: ‘Sa lahat ng mga hayop na nabubuhay sa lupa, ito ang mga puwede ninyong kainin:

3ang anumang hayop na naglalakad sa lupa na biyak ang kuko at nginunguyang muli ang kinain nito.

4-5-6-7-8“ ‘Ngunit huwag ninyong kakainin ang mga hayop na nginunguyang muli ang kinain nito pero hindi naman biyak ang mga kuko katulad ng kamelyo at kuneho. Huwag din ninyong kakainin ang baboy dahil kahit biyak ang kuko nito, hindi naman nginunguyang muli ang kinain nito. Ituring ninyo na maruruming hayop ang mga ito. Huwag kayong kakain ng karne ng mga ito o hihipo ng mga patay na hayop na ito.[#11:4‑8 : Ang ibig sabihin nito ay hindi maaaring kainin o ihandog ang mga ito sa .]

9“ ‘Sa lahat ng mga hayop na nabubuhay sa tubig, sa dagat man o tubig-tabang, puwede lamang ninyong kainin ang mga may palikpik at kaliskis.

10-11-12Ngunit anumang nasa dagat o tubig-tabang na walang palikpik at kaliskis ay hindi dapat kainin. Ang mga nilalang na ito ay dapat ituring na marumi. Hindi ninyo sila dapat kainin at huwag din ninyong hipuin ang bangkay ng mga hayop na ito.

13-14-15-16-17-18-19“ ‘Huwag ninyong kakainin ang mga ibong katulad ng agila, uwak, buwitre, lawin, kuwago, ibong naninila, ibong dumadagit ng isda, tagak, at paniki. Ituring ninyong kasuklam-suklam ang mga ganitong uri ng ibon.[#11:13‑19 Ang ibang nabanggit na ibon dito na nakasulat sa tekstong Hebreo ay mahirap kilalanin.; #11:13‑19 : O paniking-bahay. Itinuturing itong ibon ng mga Israelita.]

20-21-22-23“ ‘Puwede nʼyong kainin ang mga kulisap na may apat na paa, na lumilipad at lumalakad nang palundag, katulad ng balang, kuliglig, at tipaklong. Ngunit huwag ninyong kakainin ang iba pang mga kulisap na lumilipad at gumagapang. Ituring ninyong kasuklam-suklam ang mga ito.

24-25-26-27-28“ ‘Huwag kayong hihipo ng bangkay ng hayop na hindi biyak ang kuko at hindi nginunguyang muli ang kinain nito. Huwag din kayong hihipo ng bangkay ng mga hayop na apat ang paa at may kukong pangkalmot. Ituring ninyong marumi ang mga hayop na ito. Ang sinumang makahipo ng bangkay nila ay dapat maglaba ng kanyang damit, ngunit ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.[#11:24‑28 Ito ay isang ritwal na ginagawa ng mga Israelita para sila ay maging malinis at karapat-dapat makibahagi sa mga seremonyang panrelihiyon nila.]

29-30-31“ ‘Ituring ninyong marumi ang mga hayop na gumagapang katulad ng mustela, daga, butiki, tuko, bayawak, buwaya, bubuli at hunyango. Ang sinumang makahipo ng mga bangkay nito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw.

32Ang alinmang bagay na mahulugan ng patay na katawan nito ay magiging marumi, maging itoʼy yari sa kahoy, tela, balat, o sako at ginagamit kahit saan. Itoʼy dapat hugasan ng tubig, ngunit ituturing pa ring marumi hanggang sa paglubog ng araw.[#11:32 : Ito ay ritwal ng paglilinis sa isang bagay upang itoʼy maaring magamit.]

33Kung ang isang palayok o banga ay nahulugan ng patay na hayop na ito, ang lahat ng laman sa loob nito ay marumi na, at itoʼy dapat nang basagin.

34Ang lahat ng pagkain na nilagyan ng tubig mula sa bangang iyon ay marumi na. At marumi na rin ang anumang inumin na nasa bangang iyon.

35Ang alinmang mahulugan ng patay na katawan ng mga iyon ay magiging marumi. Kapag ang nahulugan ay pugon o palayok, ituring ninyong marumi iyon at dapat basagin.

36Ang batis o balon na mahulugan ng kanilang patay na katawan ay mananatiling malinis, ngunit ang sinumang makahipo ng patay na katawan na iyon ay magiging marumi.

37Ang alinmang binhi na mahulugan nito ay mananatiling malinis,

38ngunit kung ang binhi ay nakababad na sa tubig, ang binhing iyon ay magiging marumi na.

39“ ‘Kung mamatay ang alinmang hayop na maaaring kainin, ang sinumang humipo nito ay ituturing na marumi, hanggang sa paglubog ng araw.

40Ang sinumang kukuha at kakain nito ay dapat maglaba ng kanyang damit pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa lumubog ang araw.[#11:40 Tingnan ang mga talababa sa talata 24‑28|LEV 11:24‑28.]

41-42“ ‘Huwag ninyong kakainin ang anumang hayop na gumagapang dahil kasuklam-suklam ito: ang anumang gumagapang sa pamamagitan ng kanyang tiyan o apat na paa o maraming paa dahil iyon ay marumi.

43-44Huwag ninyong dudungisan ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagkain ng alinman sa mga ito, dahil ako ang Panginoon na inyong Diyos. Italaga ninyo ang inyong sarili para sa akin at kayoʼy magpakabanal dahil akoʼy banal.

45Ako ang Panginoon na naglabas sa inyo sa Ehipto para akoʼy maging Diyos ninyo. Kaya dapat kayong mamuhay nang banal dahil akoʼy banal.

46“ ‘Ito ang mga tuntunin tungkol sa lahat ng hayop, ibon, isda, at bawat buháy na nilalang na gumagalaw sa tubig at bawat nilalang na gumagapang sa lupa.

47Sa pamamagitan ng mga tuntuning ito, malalaman ninyo kung alin ang malinis at marumi, ang puwede at hindi puwedeng kainin.’ ”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.