Leviticus 14

Paglilinis ng Gumaling sa Sakit sa Balat

1Sinabi ng Panginoon kay Moises,

2Ito ang mga tuntunin tungkol sa paglilinis ng taong gumaling sa malubhang sakit sa balat kapag sila ay iniharap sa pari:

3Lalabas ang pari sa kampo at susuriin niya ang katawan ng taong iyon. Kung gumaling na nga ito sa kanyang sakit,

4magpapakuha ang pari ng dalawang malinis na ibong buhay, ilang kahoy na sedro, panaling pula, at isang kumpol ng halamang isopo.[#14:4 : Ang ibig sabihin, itoʼy maaaring kainin o ihandog sa .]

5Ipapapatay ng pari ang isang ibon sa ibabaw ng palayok na may tubig na galing sa isang bukal.

6Pagkatapos, kukuha siya ng buháy na ibon, kahoy na sedro, taling pula, at halamang isopo, at ilulubog lahat sa tubig na may dugo ng pinatay na ibon.

7At ang tubig na may dugo ay iwiwisik niya ng pitong beses sa taong gumaling sa sakit sa balat, at ipapahayag niya na malinis na ang taong iyon. At pagkatapos, pakakawalan ng pari ang buháy na ibon sa bukid.

8“Ngunit bago ituring na malinis ang taong gumaling, kinakailangang labhan muna niya ang kanyang damit, magpaahit ng kanyang buhok at balahibo, at maligo. Pagkatapos nito, maaari na siyang pumasok sa kampo pero hindi pa rin siya makakatira sa loob ng kanyang tolda sa loob ng pitong araw.

9Sa ikapitong araw, muli niyang ipapaahit ang kanyang buhok at balahibo, lalabhan ang kanyang damit at maliligo, at silaʼy ituturing na malinis.

10“Sa ikawalong araw, kinakailangang magdala siya ng dalawang lalaking tupa at isang babaeng tupa na isang taóng gulang, at walang kapintasan. Magdala rin siya ng tatlong kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis ng olibo bilang handog na pagkaing butil sa Panginoon . At magdala rin siya ng isang basong langis ng olibo.

11Pagkatapos, dadalhin ng pari ang tao at ang kanyang handog sa presensya ng Panginoon malapit sa pintuan ng Toldang Tipanan. Ang paring ito ang magsasabi kung malinis na siya.

12“Kukunin ng pari ang isang lalaking tupa at ang isang basong langis ng olibo, at ihahandog niya ito bilang handog na kabayaran ng pagkakasala. Pagkatapos, itataas niya ito sa presensya Panginoon bilang handog na itinataas.

13At papatayin niya ang tupa sa banal na lugar, doon sa katayan ng mga handog para sa kasalanan at handog na sinusunog. Ang tupang ito ay napakabanal, at ito ay para sa mga pari, katulad ng handog bilang kabayaran ng pagkakasala.

14Pagkatapos, kukuha ang pari ng dugo ng tupang handog bilang kabayaran ng pagkakasala at ipapahid ito sa ibabang bahagi ng kanang tainga ng taong naghandog upang maituring siyang malinis, gayundin sa kanyang kanang hinlalaki sa kamay at paa.

15Kukuha rin ang pari ng langis ng olibo at magbubuhos sa kanyang kaliwang palad,

16at ilulubog niya sa langis ng olibo ang mga daliri niya sa kanang kamay at iwiwisik ng pitong beses sa presensya ng Panginoon .

17Ang natitirang langis ng olibo sa kanyang palad ay ipapahid niya sa taong lilinisin, sa ibabang bahagi ng kanang tainga at kanang hinlalaki ng kamay at paa kung saan ipinahid ang dugo ng handog para sa pagkakasala.

18Ang natitira pang langis ng olibo sa palad ng pari ay ipapahid niya sa ulo ng taong lilinisin at ito ang magsisilbing kabayaran sa kasalanan ng taong iyon sa harapan ng Panginoon .

19“Pagkatapos nito, iaalay ng pari ang handog para sa kasalanan upang maituring na malinis ang taong iyon at saka pa lang kakatayin ng pari ang handog na sinusunog.

20Ihahandog niya ito sa altar pati ang handog na pagkaing butil. Ganito ang gagawin ng pari sa presensya ng Panginoon para matubos ang karumihan ng tao at pagkatapos ay maituturing na siyang malinis.

21“Ngunit kung mahirap ang tao at hindi niya kayang maghandog ng mga ito, magdala siya ng isang lalaking tupa bilang handog bilang kabayaran ng pagkakasala. Itataas niya ang handog na ito sa Panginoon para matubos siya sa kanyang kasalanan. Magdadala rin siya ng dalawang kilo ng magandang klaseng harina na may halong langis ng olibo bilang handog na pagkaing butil sa Panginoon . At magdadala pa siya ng isang basong langis ng olibo.

22Magdadala rin siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato, alinman ang makayanan niya sa mga ito. Ang isaʼy bilang handog para sa kasalanan at ang isa naman ay bilang handog na sinusunog.

23“Sa ikawalong araw, ang lahat ng handog na itoʼy dadalhin niya sa may pintuan ng Toldang Tipanan upang linisin, sa harapan ng Panginoon . At ibibigay niya ito sa pari.

24Kukunin ng pari ang tupang ihahandog bilang kabayaran ng pagkakasala at ang isang basong langis ng olibo, at itataas niya iyon sa presensya ng Panginoon bilang handog na itinataas.

25Pagkatapos, papatayin niya ang tupa at kukuha siya ng dugo nito at ipapahid sa ibabang bahagi ng kanang tainga ng taong nililinis at sa hinlalaki nito sa kanang kamay at paa.

26Pagkatapos, maglalagay ang pari ng langis ng olibo sa kanyang kaliwang palad,

27at ilulubog niya sa langis ng olibo ang mga daliri sa kanang kamay at iwiwisik ng pitong beses sa presensya ng Panginoon .

28Ang ibang langis ng olibo sa kanyang palad ay ipapahid niya sa ibabang bahagi ng kanang tainga ng taong nililinis at sa hinlalaki nito sa kanang kamay at paa, doon mismo sa pinahiran ng dugo.

29Ang natirang langis ng olibo sa palad ng pari ay ipapahid sa ulo ng taong nililinis. Ito ang gagawin ng pari upang matubos ang kasalanan ng taong iyon sa harapan ng Panginoon .

30Pagkatapos, ihahandog ng pari ang dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato, depende sa kakayanan ng taong nag-aalay;

31ang isaʼy handog para sa kasalanan at ang isaʼy handog na sinusunog. Ihahandog din niya ang handog na pagkaing butil. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang taong nililinis sa kanyang kasalanan, sa harapan ng Panginoon .”

32Ito ang mga tuntunin tungkol sa paglilinis ng taong may sakit sa balat na walang kakayanang ibigay ang nararapat na handog para sa kasalanan.

Seremonya ng Paglilinis kapag may Amag sa Bahay

33Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron

34“Kapag nasa Canaan na kayo, sa lugar na ibibigay ko sa inyo bilang inyong lupain, at dumating ang panahon na aamagin ang inyong mga bahay sa lupaing iyon,

35at mapupuna ng may-ari ng bahay na nagkakaamag ang kanyang bahay, dapat niya itong ipaalám sa pari.

36At bago pumasok ang pari sa bahay na iyon, ipag-uutos niyang ilabas lahat ang kagamitan sa loob ng bahay, dahil baka pati iyon ay maibilang na marumi. Pagkatapos, papasok ang pari sa bahay

37at titingnan niya ang amag. Kapag nakita niyang ang dingding ay parang kulay berde o namumula, at parang makapal ang tagos sa dingding,[#14:37 : O kinakain ang loob ng dingding.]

38lalabas ang pari sa bahay na iyon at ipapasara niya ang bahay sa loob ng pitong araw.

39Sa ikapitong araw, babalik ang pari at muling titingnan ang amag sa bahay. At kung iyon ay kumalat pa sa ibang bahagi ng dingding,

40ipapatanggal niya ang mga dingding na may amag at ipapatapon sa labas ng bayan, doon sa pinagtatapunan ng mga bagay na itinuturing na marumi.

41At ipababakbak niya ang lahat ng bahagi ng dingding sa loob ng bahay at ang lahat ng binakbak ay ipapatapon din niya sa labas ng bayan, doon sa lugar na pinagtatapunan ng mga bagay na itinuturing na marumi.

42At ipag-uutos niya na palitan ang lahat ng bahagi ng dingding na tinanggal.

43“Ngunit kung pagkatapos nitoʼy muling magkaamag ang bahay,

44pupuntahan niyang muli ang pari at muling ipapasuri ito. Kung ang amag ay kumakalat, ituturing na marumi na naman ang bahay na iyon dahil pabalik-balik ang amag sa bahay.

45Kaya dapat nang gibain ang bahay at ang mga gamit nitoʼy ipatapon sa labas ng bayan, doon sa lugar na pinagtatapunan ng mga bagay na itinuturing na marumi.

46“Ang sinumang pumasok sa bahay na iyon na ipinasara ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw.

47At ang sinumang kumain o matulog sa bahay na iyon ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit.[#14:47 Tingnan ang talababa sa 11:24‑28b.]

48“Ngunit kung sa pagsusuri ng pari ay hindi na nagkaamag ang bahay pagkatapos palitan ang mga bahagi ng dingding na may amag, ipapahayag ng pari na malinis na ang bahay dahil wala nang amag.

49At para maituring na malinis ang bahay, kinakailangan ng pari ang dalawang ibon, kahoy na sedro, pulang panali, at halamang isopo.

50Papatayin niya ang isang ibon sa ibabaw ng palayok na may tubig mula sa bukal.

51At kukunin niya ang kahoy na sedro, ang pulang panali, halamang isopo, at ang buháy na ibon. At ilulubog niyang lahat ito sa tubig sa palayok na may dugo ng ibong pinatay. At ang tubig na may dugo ay iwiwisik niya ng pitong beses sa bahay.

52Kaya sa pamamagitan ng dugo ng ibon, tubig na galing sa bukal, buháy na ibon, kahoy na sedro, halamang isopo, at ng pulang panali, malilinis ng pari ang bahay.

53Pagkatapos, pakakawalan niya ang buháy na ibon sa labas ng bayan. Ganito ang paraan na gagawin ng pari para maalis ang karumihan sa bahay at magiging malinis na ito.

54-55-56-57“Ito ang mga tuntunin tungkol sa sakit sa balat na nakakahawa at kumakati, o namamaga, o may butlig o namumuti, at tungkol sa amag ng damit at amag sa bahay. At sa pamamagitan ng mga tuntuning ito, malalaman ninyo kung alin ang malinis at marumi.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.