Leviticus 15

Ang mga Karumihang Lumalabas sa Katawan ng Tao

1Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron,

2“Sabihin ninyo ito sa mga Israelita: ‘Kung may lumalabas sa ari ng lalaki dahil sa kanyang sakit, ang lumalabas na iyon ay itinuturing na marumi.

3At kahit na magpatuloy ang pagtulo o hindi, ituturing pa rin siyang marumi.

4“ ‘Ituturing na marumi ang anumang mahigaan o maupuan niya.

5Ang sinumang makahipo sa kanya ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo, ngunit ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.

6Ang sinumang uupo sa anumang inupuan ng isang lalaking may tulo ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo, ngunit ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.

7“ ‘Ang sinumang makahipo sa kanya ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo, ngunit ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.

8“ ‘Kapag ang isang taong itinuturing na malinis ay dinuraan ng taong ito, kailangang labhan nila ang kanilang damit at maligo. Ngunit silaʼy ituturing pa ring marumi hanggang sa paglubog ng araw.

9-10“ ‘Ang anumang maupuan ng taong ito, katulad ng upuang ginagamit kapag sumasakay sa kabayo ay magiging marumi. Ang sinumang makahipo ng mga bagay na iyon ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo, pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.

11“ ‘Ang sinumang makahipo sa taong iyon habang hindi pa siya nakakapaghugas ng kanyang kamay ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo, pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.

12“ ‘Ang palayok na mahihipo ng taong iyon ay dapat basagin, at ang mga bagay na gawa sa kahoy ay dapat hugasan.

13“ ‘Kapag gumaling na ang maysakit na ito, maghihintay siya ng pitong araw. Pagkatapos, lalabhan niya ang kanyang damit at maliligo ng tubig na galing sa bukal. Sa gayoʼy maituturing siyang malinis.

14Sa ikawalong araw, kinakailangang magdala siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato sa presensya ng Panginoon malapit sa pintuan ng Toldang Tipanan. At ibibigay niya sa paring maghahandog noon.

15Ang isaʼy bilang handog para sa kasalanan at ang isaʼy bilang handog na sinusunog. Ito ang gagawin ng pari para sa lalaking may sakit na tulo, upang maituring na malinis ang taong iyon sa harapan ng Panginoon .

16“ ‘Kung ang isang lalaki ay nilabasan ng kanyang binhi, kinakailangang maligo siya pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.

17Ang alinmang damit o gamit na yari sa balat na natuluan ng binhi ay kinakailangang labhan, pero iyon ay ituturing pa ring marumi hanggang sa paglubog ng araw.

18Kapag nagsiping ang lalaki at babae, at nilabasan ang lalaki ng binhi, kinakailangang maligo silang dalawa, pero ituturing pa rin silang marumi hanggang sa paglubog ng araw.

19“ ‘Kung ang isang babae ay may buwanang dalaw, ituturing siyang marumi sa loob ng pitong araw, at ang sinumang makahipo sa kanya ay ituturing ding marumi hanggang sa paglubog ng araw.

20Ang anumang mahigaan o maupuan niya habang siyaʼy may buwanang dalaw ay magiging marumi.

21-22-23Ang sinumang makahipo sa kanyang hinigaan o inupuan ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit at maligo, at ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.

24“ ‘Kung ang lalaki ay sumiping sa babaeng may buwanang dalaw, ituturing siyang marumi sa loob ng pitong araw. At ang anumang kanyang mahigaan ay ituturing na marumi.

25“ ‘Kung ang babae ay dinudugo nang hindi pa panahon ng buwanan niyang dalaw o pagtatapos ng buwanan niyang dalaw, ituturing siyang marumi katulad ng kung siyaʼy may buwanang dalaw. At ituturing siyang marumi habang dinudugo siya.

26Ang anumang mahigaan niya at maupuan habang siyaʼy dinudugo ay magiging marumi katulad ng kung siyaʼy may buwanang dalaw.

27At ang sinumang makahipo ng mga iyon ay magiging marumi, kinakailangang maglaba siya ng kanyang damit at maligo, pero ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw.

28“ ‘Kung huminto na ang buwanang dalaw ng babae, maghihintay siya ng pitong araw at ituturing na siyang malinis.

29Sa ikawalong araw, kinakailangang magdala siya sa pari ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan.

30Ihahandog ng pari ang isa bilang handog para sa kasalanan at ang isaʼy bilang handog na sinusunog. Ganito ang paraan na gagawin ng pari sa presensya ng Panginoon upang maalis ang karumihan ng babae dahil sa buwanan niyang dalaw at magiging malinis na siya.

31“ ‘Kailangang ilayo ninyo ang mga Israelita sa mga bagay na magpaparumi sa kanila, upang hindi sila mamatay kapag lumapit sila sa aking Tolda, na nasa gitna ng kampo.

32“ ‘Ito ang mga tuntunin tungkol sa lalaking naging marumi dahil may lumalabas sa ari niya dahil sa sakit o kayaʼy nilalabasan ng kanyang binhi,

33at tungkol sa babaeng dinudugo sa panahon ng buwanang dalaw o dinudugo bago ang kanyang buwanang dalaw, at tungkol sa lalaking sumisiping sa babaeng itinuturing na marumi.’ ”[#15:32‑33 : Ang ibig sabihin, hindi maaari para sa isang babae ang makisama sa kanilang seremonyang panrelihiyon.]

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.