Leviticus 17

Ipinagbawal ang Pagkain ng Dugo

1Sinabi ng Panginoon kay Moises,

2“Sabihin mo kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki, at sa lahat ng mga Israelita: ‘Ito ang iniutos ng Panginoon :

3Ang sinuman sa inyo na maghahandog ng baka, tupa, o kambing sa ibang lugar,

4-5sa halip na sa Toldang Tipanan ay katulad ng taong nakapatay ng kapwa, kaya ititiwalag siya ng sambayanan. Ang tuntuning itoʼy ginawa para ang paghahandog ay gagawin ninyo malapit sa may pintuan ng Tolda at hindi sa ibang lugar. Ang inyong mga handog pangkapayapaan ay ibibigay ninyo sa pari na siyang maghahandog nito sa Panginoon .

6Iwiwisik ng pari ang dugo ng handog na hayop sa altar na pinaghahandugan para sa Panginoon malapit sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Pagkatapos, susunugin niya ang taba ng mga hayop. Itoʼy handog na pagkaing nakalulugod ang samyo sa Panginoon .

7Kaya hindi na kayo dapat maghandog sa mga demonyo na mukhang kambing, dahil ito ang maglalayo sa inyo sa Panginoon . Ang tuntuning ito ay dapat ninyong sundin, kayo at ang susunod pang mga henerasyon.[#17:7 : O diyos-diyosang kambing.]

8“ ‘Kayong mga Israelita at ang mga dayuhang naninirahang kasama ninyo, tandaan ninyo ito:

“ ‘Ang sinuman sa inyo na maghahandog ng handog na sinusunog o anumang uri ng handog sa ibang lugar

9sa halip na dalhin sa may pintuan ng Tolda upang ihandog sa Panginoon ay hindi na ituturing na bahagi ng sambayanan.

10“ ‘Ang sinuman sa inyo na kakain ng dugo ay magiging kalaban ng Panginoon at huwag na ninyong ituring na kababayan.

11Sapagkat ang buhay ng bawat nilalang ay nasa dugo nito at iniutos sa inyo ng Panginoon na ang dugo sa altar ay gamitin ninyo bilang pantubos sa inyong mga kasalanan, dahil ang dugo ang nagbibigay ng buhay, ang siyang pantubos ng tao sa kanyang mga kasalanan.

12Ito ang dahilan kung bakit sinabi ng Panginoon sa inyong mga Israelita na hindi kayo dapat kumain ng dugo, gayundin ang sinumang dayuhang naninirahan sa inyo.

13“ ‘Ang sinuman sa inyong huhuli ng hayop o ibon na maaaring kainin, dapat niyang patuluin ang dugo at tabunan ng lupa,

14dahil ang buhay ng bawat nilalang ay nasa kanyang dugo. Kaya nga sinabi sa inyo ng Panginoon na huwag kayong kakain ng dugo ng anumang nilalang. Ang sinuman sa inyong kakain ng dugo ay huwag na ninyong ituring na kababayan.

15“ ‘Ang sinuman sa inyo; katutubong Israelita man o dayuhang kumain ng hayop na namatay o pinatay ng kapwa hayop, kailangan niyang labhan ang kanyang damit at maligo. Ituturing pa rin siyang marumi hanggang sa paglubog ng araw, at pagkatapos ay ituturing na siyang malinis.

16Kapag hindi niya nilabhan ang kanyang damit at hindi naligo, may pananagutan siya.’ ”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.