The chat will start when you send the first message.
1Sinabi ng Panginoon kay Moises,
2“Sabihin mo sa mga Israelita: ‘Ang sinuman sa inyo o sinuman sa mga dayuhang naninirahan kasama ninyo na maghahandog ng kanyang anak sa diyos-diyosang si Molec ay dapat batuhin ng taong-bayan hanggang sa mamatay.
3Kasusuklaman ko ang taong iyon at ititiwalag ko siya sa inyong sambayanan. Sapagkat dahil sa paghahandog niya ng kanyang anak kay Molec, dinungisan niya ang aking santuwaryo at nilapastangan niya ang aking banal na pangalan.
4At kung hahayaan lamang ng taumbayan ang taong iyon na ihandog ang isa sa kanyang mga anak kay Molec at hindi nila ito papatayin,
5ako mismo ang uusig sa kanya, at sa sambahayan niya, at sa lahat ng sumusunod sa kanya sa paghahandog kay Molec. Pagtataksil ito sa akin kayaʼt ititiwalag ko sila sa sambayanan.’ ”
6“ ‘Kasusuklaman ko ang sinumang sumasangguni at sumusunod sa mga espiritistang kumakausap sa mga kaluluwa ng patay at sa mga manghuhula. Pinagtaksilan niya ako sa pagsunod sa mga ito kayaʼt ititiwalag ko siya sa sambayanan.
7“ ‘Italaga ninyo ang inyong sarili para sa akin at magpakabanal kayo dahil ako ang Panginoon na inyong Diyos.
8Sundin ninyo ang aking mga tuntunin dahil ako ang Panginoon na nagtalaga sa inyo para maging bayan ko.
9“ ‘Ang sinumang lumapastangan sa kanyang ama o ina ay papatayin. Mananagot siya sa paglapastangan niya sa kanila.
10“ ‘Kung ang isang lalaki ay sumiping sa asawa ng iba, siya at ang babae ay dapat patayin.
11“ ‘Kung ang isang lalaki ay sumiping sa asawa ng kanyang ama, nilalapastangan niya ang kanyang ama. Kaya siya at ang babae ay dapat patayin. Sila ang responsable sa sinapit nilang kamatayan.
12“ ‘Kung ang isang amaʼy sumiping sa kanyang manugang na babae, siya at ang babae ay dapat patayin, dahil masama ang kanilang ginawa. Sila ang responsable sa sinapit nilang kamatayan.
13“ ‘Kung ang isang lalaki ay sumiping sa kapwa lalaki, pareho silang dapat patayin dahil pareho silang gumawa ng kasuklam-suklam. Sila ang responsable sa sinapit nilang kamatayan.
14“ ‘Kung ang isang lalaki ay sumiping sa mag-ina, silang tatlo ay dapat sunugin dahil masama ang kanilang ginawa. Ang kasamaang ito ay dapat mawala sa inyo.
15“ ‘Kung ang isang lalaki ay sumiping sa hayop, patayin siya pati na ang hayop.
16“ ‘Kung ang isang babae ay sumiping sa hayop, patayin siya patayin pati na ang hayop. Sila ang responsable sa kanilang kamatayan.
17“ ‘Kung ang isang lalaki ay magpakasal sa kapatid niyang babae at sumiping dito, maging itoʼy kapatid niya sa ama o sa ina, inilalagay niya ang kanyang kapatid sa kahihiyan kaya dapat siyang managot. At dahil masama ang ginawa nila, huwag na silang ituring na kababayan ninyo.
18“ ‘Kung ang lalaki ay sumiping sa babaeng may buwanang dalaw dahil gusto rin ng babae, silang dalawa ay huwag na ninyong ituring na kababayan.
19“ ‘Kung ang isang lalaki ay sumiping sa kanyang tiyahin, inilalagay niya sa kahihiyan ang kanyang tiyahin. Silang dalawa ay dapat managot sa kanilang ginawa.
20“ ‘Kung ang isang lalaki ay sumiping sa asawa ng kanyang tiyuhin, inilalagay niya ang kanyang tiyuhin sa kahihiyan. Silang dalawa ay dapat managot at mamatay na walang anak.
21“ ‘Kung ang isang lalaki ay sumiping sa asawa ng kanyang kapatid, inilalagay niya ang kanyang kapatid sa kahihiyan. At dahil masama ang ginawa nila, mamamatay silang dalawa na walang anak.
22“ ‘Sundin ninyo ang lahat ng tuntunin at utos upang hindi kayo paalisin sa lupaing pagdadalhan ko sa inyo para roon kayo manirahan.
23Ang mga taong paaalisin ko sa lupaing iyon ay gumagawa ng mga kasamaang ito, at dahil dooʼy itinatakwil ko sila. Kaya huwag ninyong gagayahin ang ginagawa nila.
24At ayon na rin sa aking sinabi sa inyo, magiging inyo ang kanilang lupain. Ibibigay ko sa inyo ang lupaing iyon na maganda at sagana sa ani para maging pag-aari ninyo. Ako ang Panginoon na inyong Diyos na humirang sa inyo mula sa mga tao.[#20:24 : Sa literal, dumadaloy ang gatas at pulot.]
25“ ‘Dapat ninyong malaman kung aling mga hayop at mga ibon ang malinis o marumi. Huwag ninyong dudungisan ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagkain ng mga maruming hayop na ipinagbawal ko.
26Kayoʼy magpakabanal dahil ako, ang Panginoon ay banal. At kayoʼy hinirang ko mula sa ibang mga bansa para maging akin.
27“ ‘Kung mayroong espiritista sa inyo na nakikipag-usap sa mga kaluluwa ng patay, kailangang batuhin ninyo siya hanggang sa mamatay. Siya ang responsable sa kanyang kamatayan.’ ”