Leviticus 27

Ang Pagtubos ng mga Bagay na Inihandog sa Panginoon

1Sinabi ng Panginoon kay Moises,

2“Sabihin mo sa mga Israelita: ‘Kung may mamamanata na maghahandog siya ng tao sa Panginoon sa pamamagitan ng pagbabayad ng karampatang halaga,

3ang magiging halaga ng isang lalaki na may edad dalawampu hanggang animnapung taón, ay limampung pirasong pilak ayon sa timbangang ginagamit sa Tabernakulo.

4Kung babae naman ay tatlumpung pirasong pilak.

5Kapag lalaki naman na edad lima hanggang dalawampung taon, dalawampung pirasong pilak at sampung pirasong pilak naman kapag babae.

6Kapag lalaking isang buwan hanggang limang taon ang edad, limang pirasong pilak at tatlong pirasong pilak naman kung babae.

7Kung mahigit nang animnapung taon, labinlimang pirasong pilak kung lalaki at sampung pirasong pilak naman kung babae.

8“ ‘Kung dukha ang namanata at hindi kayang magbayad ng nasabing halaga, dadalhin niya sa pari ang taong ipinanata niyang ihahandog sa Panginoon , at ang pari ang siyang magbibigay ng halaga ayon sa makakayanan ng tao.

9“ ‘Kung ang panatang handog ay hayop na maaaring ihandog sa Panginoon , ang hayop na iyon ay sa Panginoon na.

10Iyon ay hindi na niya maaaring palitan kahit mas maganda pa ang kanyang ipapalit. Kapag pinalitan niya ito, ang hayop na kanyang ipinanata pati ang ipinalit ay parehong sa Panginoon na.

11Kung ang kanyang panatang hayop ay itinuturing na marumi at hindi maaaring ihandog sa Panginoon , dadalhin niya iyon sa pari.

12Titingnan iyon ng pari kung mabuti ba ito o hindi, at bibigyan niya ito ng halaga at hindi na maaaring baguhin pa.[#27:12 : Upang ito ay maipagbili at ang pera ay gagamitin sa Tolda o sa Toldang Tipanan.]

13Kung babawiin ng may-ari ang hayop. Kinakailangang bayaran niya ang halaga ng hayop at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ng halaga nito.

14“ ‘Kung bahay naman ang panatang handog sa Panginoon , titingnan muna ng pari ang kalidad ng bahay, at saka niya ito bibigyan ng halaga, at hindi na iyon maaaring baguhin.

15Kung ang namanata ng bahay ay nagnanais na bawiin ang kanyang panata, kailangang bayaran niya ang halaga ng bahay at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ng halaga nito, at saka pa lamang ibabalik sa kanya ang bahay.

16“ ‘Kung ang inihandog naman sa Panginoon ay bahagi ng lupaing minana sa kanyang mga magulang, itoʼy bibigyan ng halaga ng pari ayon sa dami ng binhing maaaring ihasik sa lupaing iyon: Sa bawat kalahating sako ng binhing maihahasik, ang halaga ng lupa ay dalawampung pirasong pilak.

17Kung ihahandog niya ang kanyang bukid pagkatapos ng Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, ganoon pa rin ang halaga nito.

18Ngunit kung sa bandang huli na niya ihahandog, bibigyan ito ng halaga ng pari ng mas mababa, batay sa dami ng taon na natitira hanggang sa susunod na Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli.

19Kung babawiin ng may-ari ang kanyang bukid, kinakailangang bayaran niya ang halaga ng bukid at dadagdagan pa niya ng dalawampung porsiyento ng halaga nito. At saka ibabalik sa kanya ang bukid.

20Ngunit kung ipagbili niya ang bukid nang hindi pa niya natutubos, hindi na niya ito mababawi.

21At pagsapit ng Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, ituturing na itong nakatalaga sa Panginoon , at hindi na niya mababawi pa. Iyon ay magiging pag-aari na ng mga pari.

22“ ‘Kung ang inihandog naman sa Panginoon ay lupang binili, at hindi pag-aari ng pamilya ng naghandog,

23itoʼy bibigyan ng halaga ng pari ayon sa dami ng natitirang taon bago dumating ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. Dapat itong tubusin ng taong iyon. At ang halagang itinubos ay sa Panginoon na.

24Sa Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, ang nasabing lupain ay isasauli sa may-ari na nagbenta ng lupaing iyon.

25Ang lahat ng halaga ng mga ito na inihandog sa Panginoon ay kinakailangang ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari.

26“ ‘Ang panganay na anak ng hayop ay sa Panginoon na, kaya itoʼy hindi na maaaring ihandog sa kanya. Ito ay sa Panginoon , maging baka man ito o tupa.

27Ngunit kung ang hayop ay itinuturing na marumi, iyon ay maaaring tubusin ng may-ari. Babayaran niya ang halaga ng hayop at dadagdagan pa niya ng dalawampung porsiyento ng halaga nito. Ngunit kung iyon ay hindi tutubusin ng may-ari, ipagbibili iyon ng pari ayon sa itinakdang halaga.

28“ ‘Ang anumang bagay na lubusang itinalaga sa Panginoon ay hindi na maaaring ipagbili o tubusin maging itoʼy tao o hayop o lupaing minana dahil iyon ay itinalaga na bilang napakabanal na handog sa Panginoon .[#27:28 : Ang ibig sabihin, ang anumang bagay na itinalaga sa ay hindi na maaaring bawiin pa dahil itoʼy sa mga pari na magpakailanman.]

29“ ‘Ang taong lubusang inihandog sa Panginoon ay hindi na maaaring tubusin. Dapat siyang patayin.

30“ ‘Ang ikasampung bahagi ng lahat ng ani ay sa Panginoon .

31Kung tutubusin ng sinuman ang ikasampung bahagi ng kanyang ani, kinakailangan niyang bayaran ang halaga at dadagdagan pa ng dalawampung porsiyento ng halaga nito.

32Kung bibilangin ninyo ang inyong mga baka, tupa, o kambing, lahat ng ikasampung bahagi ay ibibigay ninyo sa Panginoon .

33Hindi ninyo ito dapat piliin o palitan. Kung papalitan ninyo ito, ang inyong ipinalit na hayop at ang pinalitan nito ay parehong ilalaan sa Panginoon na at hindi na maaaring tubusin.’ ”

34Ito ang mga utos na ibinigay ng Panginoon kay Moises doon sa bundok ng Sinai para sa mga Israelita.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.