Leviticus 4

Ang Handog para sa Kasalanan

1Sinabi ng Panginoon kay Moises,

2“Sabihin mo ang mga tuntuning ito sa mga Israelita. Ganito ang gagawin ninyo sa taong nagkasala nang di-sinasadya, kung saan ay nakalabag siya ng alin man sa mga utos ng Panginoon :

3“ ‘Kung ang punong pari ang nagkasala nang di-sinasadya at dahil dito ay nadamay ang mga tao, maghahandog siya sa Panginoon ng isang batang toro na walang kapintasan bilang handog para sa kasalanan.

4Dadalhin niya ang toro sa presensya ng Panginoon doon sa pintuan ng Toldang Tipanan. At ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng toro at saka niya ito papatayin.

5Kukuha ng dugo ng toro ang punong pari at dadalhin niya sa loob ng Tolda.

6Ilulubog niya ang kanyang daliri sa dugo at iwiwisik ng pitong beses sa harap ng kurtina na tumatabing sa Pinakabanal na Lugar, sa presensya ng Panginoon .

7Pagkatapos, papahiran niya ng dugo ang parang sungay sa mga sulok ng altar kung saan sinusunog ang insenso sa loob ng Tolda sa harapan ng Panginoon . At ang natitirang dugo ng toro ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar na kung saan sinusunog ang ng handog na sinusunog. Ang altar na itoʼy malapit sa pintuan ng Tolda.

8Pagkatapos, kukunin niya ang lahat ng taba sa lamang-loob ng toro,

9ang mga bato at ang taba nito, pati na ang maliit na bahagi ng atay.

10Ganito rin ang gagawin sa hayop na handog pangkapayapaan. Pagkatapos, ang mga itoʼy susunugin ng pari sa altar kung saan sinusunog ang handog na sinusunog.

11-12Ngunit ang natitirang bahagi ng hayop, katulad ng balat, laman, ulo, mga paa at nasa loob ng tiyan, pati na ang lamang-loob, ay dadalhin sa labas ng kampo at susunugin sa lumalagablab na siga ng mga kahoy, doon sa itinuturing na malinis na lugar na pinagtatapunan ng abo.[#4:11‑12 : O dumi.]

13“ ‘Kung ang buong mamamayan ng Israel ay lalabag sa utos ng Panginoon nang di-sinasadya, sila ay nagkasala pa rin kahit hindi nila ito nalalaman.

14Kapag alam na nila na silaʼy nagkasala nga, ang lahat ng mamamayan ay maghahandog ng batang toro bilang handog para sa kasalanan. Dadalhin nila ang toro sa Toldang Tipanan.

15Pagkatapos, ipapatong ng mga tagapamahala ng Israel ang kanilang kamay sa ulo ng toro at saka papatayin sa presensya ng Panginoon .

16Kukuha ng dugo ng toro ang punong pari at dadalhin niya sa loob ng Tolda.

17At ilulubog niya ang kanyang daliri sa dugo at iwiwisik ng pitong beses sa kurtina na tumatabing sa Pinakabanal na Lugar, sa presensya ng Panginoon .

18Pagkatapos, papahiran niya ng dugo ang parang sungay sa mga sulok ng altar na nasa loob ng Tolda sa presensya ng Panginoon . At ang natitirang dugo ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar kung saan sinusunog ang handog na sinusunog. Ang altar na itoʼy malapit sa pintuan ng Tolda.

19-20-21At ang gagawin niya sa toro na itoʼy katulad din ng ginawa niya sa torong handog para sa kasalanan. Kukunin niya ang lahat ng taba ng toro at susunugin sa altar, at susunugin ang toro sa labas ng kampo. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng punong pari, ang mga Israelita ay matutubos sa kanilang mga kasalanan at patatawarin sila ng Panginoon . Ito ang handog para sa kasalanan ng buong sambayanan ng Israel.

22“ ‘Kapag ang isang pinuno ay nakalabag ng utos ng Panginoon na kanyang Diyos nang di-sinasadya, nagkasala pa rin siya.

23At kapag nalaman niya na siya pala ay nagkasala, maghahandog siya ng isang lalaking kambing na walang kapintasan.

24Ito ay handog para sa kasalanan. Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng kambing at papatayin ito sa presensya ng Panginoon sa dakong patayan ng mga hayop na inihahandog bilang handog na sinusunog.

25Pagkatapos ay ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo ng kambing na handog para sa kasalanan at ipapahid sa parang sungay sa mga sulok ng altar kung saan sinusunog ang handog na sinusunog. At ang natitirang dugo ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar.

26Susunugin niya ang lahat ng taba sa altar katulad ng kanyang ginawa sa mga taba ng hayop na handog pangkapayapaan. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang tao sa kanyang mga kasalanan at siyaʼy patatawarin.

27“ ‘Kung ang isang pangkaraniwang tao ay makalabag sa alinmang utos ng Panginoon nang di-sinasadya, nagkasala pa rin siya.

28At kapag nalaman niyang siyaʼy nagkasala, maghahandog siya ng babaeng kambing na walang kapintasan para sa nagawa niyang kasalanan.

29Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng kambing na handog para sa kasalanan, at papatayin niya ito sa may Tolda, sa dakong patayan ng mga hayop na handog na sinusunog.

30Ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo ng kambing at ipapahid sa parang sungay sa mga sulok ng altar kung saan sinusunog ang handog na sinusunog. At ang natitirang dugo ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar.

31Pagkatapos, kukunin niya ang lahat ng taba ng kambing katulad ng ginawa niya sa hayop na handog pangkapayapaan. At susunugin niya sa altar ang taba bilang handog na nakalulugod ang samyo sa Panginoon . Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, lilinisin ang tao sa kanyang mga kasalanan at siyaʼy patatawarin.

32“ ‘Kapag tupa naman ang iaalay ng tao bilang handog para sa kasalanan, kinakailangang itoʼy babaeng tupa na walang kapintasan.

33Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng tupa at papatayin ito bilang handog para sa kasalanan sa dakong patayan ng mga hayop na handog na sinusunog.

34Ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo ng tupang handog para sa kasalanan at ipapahid sa parang sungay sa mga sulok ng altar kung saan sinusunog ang handog na sinusunog. Ang natitirang dugo ay ibubuhos niya sa ilalim ng altar.

35Pagkatapos, kukunin niya ang lahat ng taba ng tupa katulad ng ginawa niya sa tupang handog pangkapayapaan. At susunugin niya ang taba sa altar pati na ang iba pang mga pagkaing handog na inialay sa Panginoon . Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang tao sa kanyang mga kasalanan at siyaʼy patatawarin.’ ”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.