Leviticus 5

1“ ‘Kung ang isang taoʼy nagkasala dahil tumanggi siyang tumayo bilang saksi sa hukuman para sa pangyayaring kanyang nakita o nalalaman, may pananagutan siya.

2“ ‘Kung ang isang taoʼy nakahipo ng anumang bagay na itinuturing na marumi, katulad ng mga patay na hayop, maamo man o hindi, o kayaʼy ang mga hayop na gumagapang, siyaʼy naging marumi at nagkasala rin kahit wala siyang malay na nakahipo siya.[#5:2 : Ang ibig sabihin, hindi siya maaaring makilahok sa kanilang seremonyang panrelihiyon.]

3Kung siyaʼy nakahipo ng mga maruming bagay ng tao, kahit hindi niya alam na siyaʼy naging marumi, ituturing pa ring siyaʼy nagkasala kapag nalaman niya.[#5:3 : Tingnan ang kabanata 12‑15.]

4Kung ang isang tao ay nanumpa nang padalos-dalos, mabuti man o masama ang isinumpa niya, siyaʼy nagkasala kapag nalaman niya ang kanyang ginawa.

5Kapag nalaman ng isang tao na nagkasala siya ng alinman sa mga nabanggit, kinakailangang ipahayag niya ang kanyang kasalanan.

6At bilang kabayaran sa kasalanang nagawa niya, mag-aalay siya sa Panginoon ng babaeng tupa o kambing bilang handog para sa kasalanan. Ihahandog ito ng pari upang matubos ang nag-alay sa kanyang kasalanan.[#5:6 : O handog bilang kabayaran ng pagkakasala . Ganito rin sa talata 10|LEV 5:10, 13|LEV 5:13, 16|LEV 5:16, at 18|LEV 5:18.]

7“ ‘Ngunit kung walang kakayahan ang isang tao na mag-alay ng tupa, maaari siyang mag-alay ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato sa Panginoon bilang handog para sa kasalanan. Ang isaʼy bilang handog para sa kasalanan at ang isaʼy bilang handog na sinusunog.

8Dadalhin niya ito sa pari at ang unang ihahandog ng pari ay ang handog para sa kasalanan. Pipilipitin ng pari ang leeg ng ibon pero hindi ito puputulin.

9At ang dugo nitoʼy iwiwisik niya sa paligid ng altar, at ang natitirang dugo ay ibubuhos sa ilalim ng altar. Ito ang handog para sa kasalanan.

10Ihahandog din ng pari ang isa panghandog bilang handog na sinusunog ayon sa paraan ng paghahandog nito. Ganito ang paraan na gagawin ng pari para matubos ang tao sa kanyang kasalanan at siyaʼy patatawarin.

11“ ‘Subalit kung wala siyang kakayahang mag-alay ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato, maaari siyang mag-alay ng dalawang kilo ng magandang klaseng harina bilang handog para sa kasalanan. Hindi niya ito dapat lagyan ng langis ng olibo at insenso dahil itoʼy handog para sa kasalanan.

12Dadalhin niya ito sa pari at babawasan ng pari ng isang dakot bilang tanda na iyon ay handog sa Panginoon . Ang isang dakot na iyon ay susunugin ng pari sa altar pati ang iba pang mga pagkaing handog na inialay sa Panginoon . Ito ang handog para sa kasalanan.

13Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang tao sa anumang kasalanang nagawa niya at siyaʼy patatawarin. Ang natirang handog na harina ay sa pari na, gaya ng ginagawa sa handog na pagkaing butil.’ ”

Ang Handog para sa Kasalanang Di-sinasadya

14Ibinigay din ng Panginoon ang utos na ito kay Moises:

15“Kapag ang isang taoʼy lumabag sa utos ng Panginoon dahil nakalimutan niyang ibigay ang alin man sa mga bagay na nauukol sa Panginoon , kailangang mag-alay siya ng lalaking tupa na walang kapintasan bilang kabayaran ng kanyang pagkakasala. Maaari rin siyang magbayad ng pilak na katumbas ng halaga ng lalaking tupa ayon sa pamantayan ng Tabernakulo. Itoʼy handog bilang kabayaran ng pagkakasala.[#5:15 Ang katumbas nito ay 12 gramo.]

16Kinakailangan niyang bayaran ang hindi niya naibigay na nauukol sa Panginoon , at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ng halagang hindi niya naibigay. Ibibigay niyang lahat ito sa paring maghahandog ng tupa bilang kabayaran ng kanyang pagkakasala at siyaʼy patatawarin.

17“Kung may tao namang lumabag sa utos ng Panginoon nang hindi niya nalalaman, siyaʼy nagkasala pa rin at may pananagutan sa Panginoon .

18Bilang handog na kabayaran ng kanyang pagkakasala, kinakailangang magdala ang taong iyon sa pari ng lalaking tupa na walang kapintasan o kayaʼy bumili sa katumbas na halaga ng lalaking tupa ayon sa bigat ng pilak sa timbangan na ginagamit ng mga pari. Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, lilinisin ang tao sa kanyang kasalanang di-sinasadya upang siyaʼy ituring na matuwid ng Diyos at siyaʼy patatawarin.

19Ang handog na itoʼy magsisilbing handog bilang kabayaran ng pagkakasala sapagkat nagkasala ang taong iyon sa Panginoon .”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.