The chat will start when you send the first message.
1Sinabi pa ng Panginoon kay Moises,
2“Kung may taong nagkasala at hindi naging tapat sa Panginoon dahil sa pandaraya nito sa kanyang kapwa tungkol sa bagay na ipinatago o iniwan sa kanya, o pagnanakaw ng mga bagay na iyon, o pagsasamantala,
3o pagsisinungaling tungkol sa isang bagay na nawala na hindi raw niya nakita, o pagsumpa ng kasinungalingan na hindi niya nagawa ang alinman sa mga kasalanang nabanggit.
4Kapag napatunayan na talagang nagkasala siya, kinakailangang ibalik niya ang kanyang ninakaw, o ang anumang nakuha niya sa pandaraya, o ang mga bagay na iniwan o ipinatago sa kanya, o ang mga bagay na nawala na nakita niya,
5o anumang bagay na ayon sa kanyang panunumpa ay wala sa kanya, pero ang totoo ay nasa kanya. Kinakailangan niya itong ibalik sa may-ari na walang kulang at dadagdagan pa ng 20 porsiyento ng halaga nito. Ibibigay niya ito sa may-ari sa araw na maghahandog siya bilang pambayad sa kanyang kasalanan.
6Magdadala siya sa pari ng isang tupang walang kapintasan, at ihahandog niya ito sa Panginoon bilang kabayaran sa kanyang kasalanan. At kinakailangang ang halaga nito ay ayon sa bigat ng pilak sa timbangan na ginagamit ng mga pari.
7Sa pamamagitan ng gagawing ito ng pari, matutubos ang tao sa kanyang kasalanan, at siyaʼy patatawarin ng Panginoon sa alinmang kasalanang nabanggit na kanyang nagawa.”
8Sinabi ng Panginoon kay Moises,
9“Ibigay mo kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki ang utos na ito: ‘Ito ang mga tuntuning kailangang sundin tungkol sa handog na sinusunog. Ang handog na ito ay kinakailangang iwanan sa altar hanggang umaga, at kinakailangang patuloy ang pagningas ng apoy sa altar; huwag itong pabayaang mamatay.
10Pagkaumaga, isusuot ng pari ang mga kasuotan niyang gawa sa telang lino: ang damit pang-ilalim na tatakip sa kanyang kahubaran at ang damit-panlabas. Kukunin niya ang abo ng handog na iyon at ilalagay sa tabi ng altar.
11Pagkatapos, magpapalit siya ng damit at dadalhin niya ang abo sa labas ng kampo sa itinuturing na malinis na lugar.
12Kinakailangang ang apoy sa altar ay patuloy na nagniningas. Huwag itong papatayin. Tuwing umagaʼy gagatungan ito ng pari, at aayusin nang mabuti ang mga handog na sinusunog sa itaas ng mga panggatong pati na ang mga taba ng hayop mula sa inialay na handog pangkapayapaan.
13Patuloy na paniningasin ang apoy sa altar, at huwag itong pabayaang mamatay.
14“ ‘Ito ang mga tuntuning kailangang sundin tungkol sa handog na pagkaing butil: Ang mga anak ni Aaron ang magdadala nito sa Panginoon sa harap ng altar.
15Dadakot ang pari sa handog na harinang may halong langis ng olibo at insenso, dadalhin niya ito sa altar at sunugin bilang tanda na ito ay handog para sa Panginoon . Itoʼy handog na pagkaing nakalulugod ang samyo sa Panginoon .
16-17Ang natitirang harina ay kakainin ni Aaron at ng kanyang mga anak angkan. Ngunit kailangang itoʼy lulutuin nang walang pampaalsa, at doon nila kakainin sa banal na lugar sa bakuran ng Toldang Tipanan. Inilaan iyon ng Panginoon para sa kanila bilang bahagi ng pagkaing handog na inialay sa kanya. Ito ay napakabanal, katulad ng handog para sa kasalanan, at handog bilang kabayaran ng pagkakasala.
18Ang lahat ng lalaking mula sa angkan ni Aaron hanggang sa kahuli-hulihang angkan ay maaaring kumain nito, dahil ito palagi ang kanilang bahagi sa pagkaing handog na inialay sa Panginoon hanggang sa susunod pang mga henerasyon. Ang sinumang hahawak ng mga handog na ito ay magiging banal.’ ”[#6:18 : O dapat banal Ganito rin sa 6:27.]
19Sinabi pa ng Panginoon kay Moises,
20“Ito ang iaalay sa akin ni Aaron at ng kanyang mga anak sa araw ng paghirang sa kanya bilang punong pari, at siya ring gagawin ng angkan niyang papalit sa kanya. Maghahandog siya ng dalawang kilo ng magandang klase ng harina. Ito ay handog na pagkaing butil para sa Panginoon na dapat gawin magpakailanman. Ang kalahati nitoʼy ihahandog niya sa umaga at ang kalahati naman ay sa hapon.
21Ang harinang ito ay hahaluan ng mantika at lulutuin sa kawali, pagpipira-pirasuhin at ihahandog sa Panginoon bilang handog na pagkaing butil. Itoʼy handog na pagkaing nakalulugod ang samyo sa Panginoon .
22Kinakailangang sunugin itong lahat, dahil itoʼy handog para sa Panginoon . Dapat itong sundin magpakailanman. Kailangang gawin ito ng angkan ni Aaron na papalit sa kanya bilang punong pari.
23Ang lahat ng handog na pagkaing butil ng mga pari ay kinakailangang sunugin, hindi ito maaaring kainin.”
24Sinabi pa ng Panginoon kay Moises,
25“Sabihin mo ito kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki: ‘Ito ang mga tuntuning kailangang sundin tungkol sa handog para sa kasalanan: Ang handog para sa kasalanan ay kinakailangang patayin sa harapan ng Panginoon doon sa patayan ng handog na sinusunog. Ang handog para sa kasalanan ay napakabanal.
26Ang paring maghahandog nito ang siyang dapat kumain nito sa isang banal na lugar sa bakuran ng Toldang Tipanan.
27Ang lahat ng hahawak nito ay magiging banal. Ang damit na matatalsikan ng dugo ng handog na itoʼy dapat labhan sa isang banal na lugar.
28Ang palayok na pinaglutuan ng handog na ito ay dapat basagin. Ngunit kung kaldero, itoʼy dapat kuskusin at hugasang mabuti ng tubig.
29Ang lahat ng lalaki sa sambahayan ng pari ay maaaring kumain. Itoʼy napakabanal na handog.
30Ngunit kung ang dugo ng handog para sa kasalanan ay dinala roon sa Banal na Lugar sa loob ng Tolda para sa kapatawaran ng kasalanan, hindi maaaring kainin ang natirang karne na inihandog. Kailangang sunugin ito.’ ”