Lucas 13

Magsisi o Mamatay

1May ilang tao roon na nagbalita kay Hesus tungkol sa mga taga-Galileang ipinapatay ni Pilato habang naghahandog sila sa Templo.

2Sinagot sila ni Hesus, “Ang akala nʼyo baʼy mas makasalanan sila kaysa sa ibang mga taga-Galilea dahil sa nangyari sa kanila?

3Hindi! Ngunit tinitiyak ko sa inyo: Mapapahamak din kayo tulad nila kung hindi ninyo pagsisisihan ang inyong mga kasalanan.

4Ganoon din ang labingwalong nabagsakan ng tore ng Siloam at namatay, ang akala ba ninyoʼy mas makasalanan sila kaysa sa ibang mga taga-Jerusalem?

5Hindi! Ngunit tinitiyak ko sa inyo: Mapapahamak din kayo tulad nila kung hindi nʼyo pagsisisihan ang mga kasalanan ninyo.”

6Pagkatapos, ikinuwento ni Hesus ang talinghaga na ito: “May isang taong may tanim na puno ng igos sa ubasan niya. Pinuntahan niya ito upang tingnan kung may bunga, pero wala siyang nakita.

7Kaya sinabi niya sa tagapag-alaga ng kanyang ubasan, ‘Tatlong taon na akong pabalik-balik dito para tingnan kung may bunga na ang igos na ito, pero wala pa akong nakikita kahit isa. Putulin mo na ang punong iyan! Sayang lang ang lupang kinatatayuan niyan.’

8“Ngunit sumagot ang tagapag-alaga, ‘Hayaan nʼyo na lang po muna ang puno ngayong taon. Huhukayan ko po ang palibot nito at lalagyan ng pataba.

9Baka sakaling magbunga sa susunod na taon. Kung hindi pa rin, saka natin putulin.’ ”

Pinagaling ni Hesus ang Babaeng Baluktot ang Katawan

10Isang Araw ng Pamamahinga, habang nagtuturo si Hesus sa isa sa mga sinagoga,

11may isang babae roon na labingwalong taon nang may karamdaman dahil sa ginawa sa kanya ng masamang espiritu. Baluktot ang katawan niya at hindi siya makatayo nang tuwid.

12Nang makita siya ni Hesus, tinawag siya at sinabi, “Babae, malaya ka na sa sakit mo.”

13Pagkatapos, ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa babae, at noon din ay naituwid ng babae ang kanyang katawan at nagpuri siya sa Diyos.

14Ngunit nagalit ang namumuno sa sinagoga dahil nagpagaling si Hesus sa Araw ng Pamamahinga, kayaʼt sinabi niya sa mga tao, “May anim na araw kayo para magtrabaho. Sa mga araw na iyon kayo pumarito upang magpagaling, at huwag sa Araw ng Pamamahinga.”

15Sinagot siya ng Panginoon, “Mga pakitang-tao! Hindi baʼt kinakalagan ninyo ang inyong mga baka o asno at dinadala sa painuman kahit Araw ng Pamamahinga?

16Kung sa mga hayop nga ay naaawa kayo, bakit hindi sa babaeng ito na mula rin sa lahi ni Abraham? Labingwalong taon na siyang ginapos ni Satanas, kaya nararapat lang na palayain siya kahit na Araw ng Pamamahinga.”

17Napahiya ang lahat ng kumakalaban kay Hesus sa sinabi niyang ito. Natuwa naman ang mga tao sa mga kahanga-hangang bagay na ginawa niya.

Ang Paghahalintulad sa Buto ng Mustasa

(Mat. 13:31‑32; Mar. 4:30‑32)

18Nagpatuloy si Hesus sa pagtuturo niya, “Saan kaya maihahalintulad ang paghahari ng Diyos? Saan ko ito maihahambing?

19Katulad ito ng isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang taniman. Tumubo iyon at naging punongkahoy, at pinamugaran ng mga ibon ang mga sanga nito.”[#13:19 : Itoʼy isang uri ng mustasa na mataas.]

20Sinabi pa ni Hesus, “Saan ko pa kaya maihahambing ang paghahari ng Diyos?

21Katulad ito ng pampaalsang inihalo ng isang babae sa malaking palanggana ng harina, at napaalsa nito ang buong masa ng harina.”

Ang Makipot na Pintuan

(Mat. 7:13‑14, 21‑23)

22Nagpatuloy si Hesus sa paglalakbay niya papuntang Jerusalem. Dumaan siya sa mga bayan at nayon at nagturo sa mga tao roon.

23May isang nagtanong sa kanya, “Panginoon, kakaunti po ba ang maliligtas?”

Sumagot si Hesus,

24“Pagsikapan ninyong makapasok sa makipot na pintuan. Tandaan ninyo: Marami ang magsisikap na pumasok ngunit hindi makakapasok.

25Kapag isinara na ng may-ari ang pinto, maiiwan kayo sa labas na nakatayo, kumakatok at tumatawag, ‘Panginoon, papasukin nʼyo po kami!’

“Ngunit sasagutin niya kayo, ‘Hindi ko kayo kilala!’

26“At sasabihin ninyo, ‘Nakasama po ninyo kaming kumain at uminom, at nagturo po kayo sa mga lansangan sa bayan namin.’

27“Sasagot naman siya, ‘Hindi ko kayo kilala. Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng masama!’

28“Iiyak kayo at magngangalit ang inyong ngipin kapag nakita ninyo sa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac, Jacob at ang lahat ng propeta, habang kayo naman ay itataboy sa labas.[#13:28 : Maaaring dahil sa galit o hinagpis.; #13:28 : O hindi napabilang.]

29Maraming tao mula sa ibaʼt ibang dako ng mundo ang darating at silaʼy makakasalo sa handaan sa kaharian ng Diyos.

30May mga hamak ngayon na magiging dakila, at may mga dakila ngayon na magiging hamak.”

Ang Pag-ibig ni Hesus sa mga Taga-Jerusalem

(Mat. 23:37‑39)

31Nang mga sandaling iyon, dumating ang ilang Pariseo at sinabi kay Hesus, “Umalis na po kayo rito dahil gusto kayong ipapatay ni Herodes.”

32Sumagot si Hesus, “Sabihin ninyo sa asong-gubat na iyon na patuloy akong magpapalayas ng masasamáng espiritu at magpapagaling ng may sakit ngayon at bukas, at sa ikatlong araw ay tatapusin ko na ang gawain ko.[#13:32 : O mandaraya.]

33Bastaʼt kailangan kong ipagpatuloy ang aking paglalakbay ngayon, bukas at sa makalawa, dahil hindi dapat mamatay ang isang propeta sa labas ng Jerusalem.

34“Kayong mga taga-Jerusalem, binabato ninyo at pinapatay ang mga propetang isinugo ng Diyos sa inyo. Maraming beses ko na kayong gustong tipunin gaya ng isang inahing manok na nagtitipon at nagkakanlong ng kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, ngunit ayaw ninyo.

35Kaya bahala na kayo sa sarili ninyo. Sapagkat hindi nʼyo na ako makikita hanggang sa dumating ang panahon na sabihin ninyo, ‘Pinagpala ang dumarating sa ngalan ng Panginoon.’”[#13:35 Salmo 118:26.]

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.