Lucas 5

Ang mga Unang Alagad ni Hesus

(Mat. 4:18‑22; Mar. 1:16‑20)

1Isang araw, nakatayo si Hesus sa baybayin ng Lawa ng Galilea, at nagsisiksikan sa kanya ang napakaraming tao upang makinig ng salita ng Diyos.[#5:1 : O Lawa ng Genesaret.]

2May nakita siyang dalawang bangka sa baybayin. Nakababa na sa bangka ang mga mangingisda at naghuhugas na ng mga lambat nila.

3Sumakay siya sa bangkang pag-aari ni Simon at nakiusap dito na itulak iyon nang kaunti sa tubig. Naupo si Hesus sa bangka at nagturo sa mga tao.

4Pagkatapos niyang mangaral, sinabi niya kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat ninyo.”

5Sumagot si Simon, “Guro, magdamag po kaming nangisda pero wala kaming nahuli. Ngunit dahil sinabi ninyo, ihuhulog ko ulit ang mga lambat.”

6Nang magawa na nila ito, nakahuli sila ng napakaraming isda hanggang sa halos masira na ang kanilang mga lambat.

7Kaya kinawayan nila ang kanilang mga kasama na nasa isa pang bangka para magpatulong. Tinulungan sila ng mga ito at napuno nila ng isda ang dalawang bangka, hanggang sa halos lumubog na sila.

8Nang makita iyon ni Simon Pedro, nagpatirapa siya sa paanan ni Hesus at sinabi, “Lumayo po kayo sa akin, Panginoon, dahil makasalanan ako.”

9Namangha siyaʼt natakot, pati ang mga kasamahan niya dahil sa dami ng nahuli nila,

10gayundin sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo, na mga kasosyo ni Simon.

“Huwag kang matakot,” sabi ni Hesus kay Simon. “Mula ngayon, hindi na isda ang huhulihin mo kundi mga tao na.”

11Nang maidaong na nila ang kanilang mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Hesus.

Pinagaling ni Hesus ang Isang Lalaking May Sakit sa Balat

(Mat. 8:1‑4; Mar. 1:40‑45)

12Minsan, habang nasa isang bayan si Hesus, may isang lalaking may malubhang sakit sa balat na lumapit sa kanya. Lumuhod ito sa harap niya at nagmakaawa. Sinabi niya, “Panginoon, kung gugustuhin po ninyo, mapapagaling nʼyo ako upang maituring akong malinis.”

13Hinawakan siya ni Hesus at sinabi, “Gusto ko. Gumaling ka!” At agad na nawala ang kanyang sakit sa balat.

14Sinabihan siya ni Hesus, “Huwag mo itong sasabihin kahit kanino. Sa halip, pumunta ka sa pari at magpasuri. Pagkatapos, maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises bilang patunay na malinis ka na.”

15Subalit lalo pang kumalat ang balita tungkol kay Hesus, kaya dumating ang napakarami pang mga tao upang makinig sa mga aral niya at mapagaling sa kanilang mga sakit.

16Ngunit laging pumupunta si Hesus sa ilang at doon nananalangin.

Pinagaling ni Hesus ang Isang Paralitiko

(Mat. 9:1‑8; Mar. 2:1‑12)

17Isang araw habang nangangaral si Hesus, may mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo malapit sa kanya. (Nanggaling sila sa ibaʼt ibang bayan ng Galilea at Judea, at maging sa Jerusalem.) At taglay ni Hesus ang kapangyarihan ng Panginoon para magpagaling ng mga may sakit.

18Noon din ay may mga taong dumating na buhat-buhat ang isang lalaking paralitiko na nasa higaan. Sinikap nilang ipasok ito sa bahay upang mailagay sa harap ni Hesus.

19Ngunit hindi sila makapasok dahil sa dami ng tao, kaya umakyat sila sa bubong at bumaklas ng bahagi nito. Pagkatapos, ibinaba nila sa harap ni Hesus ang paralitikong nasa kanyang higaan.

20Nang makita ni Hesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Kaibigan, pinatawad na ang iyong mga kasalanan.”[#5:20 : Sa literal, Lalaki.]

21Sinabi ng mga Pariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan sa kanilang sarili: “Sino ba ang taong ito na lumalapastangan sa Diyos? Tanging Diyos lamang ang nakakapagpatawad ng kasalanan!”

22Alam ni Hesus ang iniisip nila, kaya tinanong niya ang mga ito, “Bakit ganyan ang iniisip ninyo?

23Alin ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ‘Tumayo ka at lumakad’?

24Ngunit upang malaman ninyo na may kapangyarihan ang Anak ng Tao dito sa lupa na magpatawad ng kasalanan, papatunayan ko ngayon sa inyo.” At sinabi niya sa paralitiko, “Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at umuwi!”[#5:24 Titulong madalas gamitin ni Hesus para sa kanyang sarili.]

25Bumangon nga agad ang paralitiko sa harap ng lahat, binuhat ang kanyang higaan, at umuwing nagpupuri sa Diyos.

26Namangha ang lahat at pinuri nila ang Diyos. Napuno sila ng takot at sinabi nila, “Kamangha-mangha ang mga bagay na nakita natin ngayon!”

Tinawag ni Hesus si Levi

(Mat. 9:9‑13; Mar. 2:13‑17)

27Pagkatapos nito, umalis si Hesus at nakita niya ang maniningil ng buwis na ang pangalan ay Levi. Nakaupo ito sa lugar kung saan siya naniningil ng buwis. Sinabi ni Hesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.”

28Tumayo si Levi, iniwan ang lahat at sumunod kay Hesus.

29Nagdaos si Levi sa kanyang bahay ng malaking handaan para kay Hesus. Maraming maniningil ng buwis at iba pang mga tao ang dumalo at nakisalo sa kanila.

30Nang makita ito ng mga Pariseo at ng mga kasama nilang mga tagapagturo ng Kautusan, nagreklamo sila sa mga alagad ni Hesus. Sinabi nila, “Bakit kayo kumakain at umiinom kasama ang mga maniningil ng buwis at iba pang mga makasalanan?”

31Sinagot sila ni Hesus, “Hindi ang mga taong walang sakit ang nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit.

32Naparito ako hindi upang tawagin ang mga taong matuwid, kundi ang mga makasalanan upang magsisi sila.”

Ang Katanungan tungkol sa Pag-aayuno

(Mat. 9:14‑17; Mar. 2:18‑22)

33May mga tao roon na nagtanong kay Hesus, “Ang mga alagad ni Juan na Tagapagbaustimo at ng mga Pariseo ay madalas mag-ayuno at manalangin. Bakit ang mga alagad mo ay panay lang ang kain at inom?”

34Sumagot si Hesus, “Mapag-aayuno ba ninyo ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Siyempre, hindi!

35Ngunit darating ang araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal, at saka sila mag-aayuno.”

36Sinabi rin ni Hesus sa kanila ang talinghagang ito: “Hindi ginugupit ang bagong damit para ipangtagpi sa luma. Kapag ginawa ito, masisira ang bagong damit, at ang telang itinagpi ay hindi babagay sa lumang damit.

37Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapag ginawa ito, papuputukin ng bagong alak ang sisidlan. Matatapon ang alak at masisira ang sisidlan.

38Sa halip, inilalagay ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat.

39Wala ring taong nakainom na ng lumang alak ang maghahanap ng bagong alak, dahil tiyak na sasabihin niya, ‘Mas masarap ang luma.’ ”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.