Malakias 3

1Makinig kayo sa sinasabi ng Panginoon ng mga Hukbo: “Ipapadala ko ang aking mensahero. Mauuna siya sa iyo upang ihanda ang dadaanan mo. At ang Panginoon na inyong hinihintay ay biglang darating sa kanyang templo. Darating ang inyong pinakahihintay na sugo na magsasagawa ng aking kasunduan.”

2Ngunit sino ang makatatagal sa araw ng kanyang pagdating? Sino ang makakaharap sa kanya kapag nagpakita na siya? Sapagkat para siyang apoy na nagdadalisay ng bakal o parang sabon na nakakalinis.

3Kikilos siyang tulad ng tagapagdalisay ng pilak at susunugin niya ang dumi nito. Lilinisin niya ang mga paring Levita at dadalisayin niya sila tulad ng pagdalisay ng pilak at ginto, upang silaʼy maging mga taong nagdadala ng mga karapat-dapat na handog sa Panginoon .[#3:2‑3 upang … : O upang maghandog sila ng tamang mga handog sa .]

4Sa ganoon, muling malulugod ang Panginoon sa mga handog ng mga taga-Juda at taga-Jerusalem, gaya ng dati.

5Sinabi ng Panginoon ng mga Hukbo sa mga Israelita, “Darating ako upang hatulan kayo. Sasaksi agad ako laban sa mga mangkukulam, sa mga nangangalunya, sa mga sinungaling na saksi, sa mga nandaraya sa sahod ng kanilang mga manggagawa, sa mga nanggigipit sa mga biyuda at mga ulila, at sa mga hindi makatarungan sa mga dayuhan. Gagawin ko ito sa inyo na mga walang takot sa akin.”

Ang Panawagan ng Pagsisisi

6Sinabi pa ng Panginoon ng mga Hukbo, “Ako, ang Panginoon , ay hindi nagbabago. Kaya nga kayong mga lahi ni Jacob ay hindi lubusang nalipol.

7Tulad ng inyong mga ninuno, hindi kayo sumunod sa aking mga tuntunin. Manumbalik kayo sa akin at manunumbalik ako sa inyo,” sabi ng Panginoon ng mga Hukbo.[#3:7 : O tutulong.]

“Ngunit itinatanong ninyo, ‘Paano kami manunumbalik sa inyo?’

8“Magtatanong din ako sa inyo, maaari bang nakawan ng tao ang Diyos? Parang imposible. Subalit ninanakawan ninyo ako.

“At itinatanong ninyo, ‘Paano namin kayo ninanakawan?’

“Ninanakawan ninyo ako dahil hindi ninyo ibinibigay ang inyong mga ikapu at mga handog.

9Iyan ang dahilan kung bakit ko isinumpa ang buong bansa.

10Pero ngayon, hinahamon ko kayo na subukan ninyo ako,” sabi ng Panginoon ng mga Hukbo. “Dalhin ninyo nang buo ang inyong mga ikapu sa bodega ng templo upang may pagkain sa aking templo. Kapag ginawa ninyo ito, padadalhan ko kayo ng ulan at ibubuhos ko ang sobra-sobrang pagpapala.[#3:10 : Sa literal, bubuksan ko ang mga bintana ng langit. Tingnan ang kahulugan nito sa Gen. 7:11.]

11Hindi ko papayagang sirain ng peste ang inyong mga pananim o malagas ang bunga ng inyong mga ubas bago pa mahinog ang mga ito,” sabi ng Panginoon ng mga Hukbo.

12“Tatawagin kayong mapalad ng lahat ng bansa, dahil napakabuting tirhan ang inyong lupain. Ako, ang Panginoon ng mga Hukbo, ang nagsasabi nito.”[#3:12 : O pinagpala.]

Nagmayabang ang Israel laban sa Panginoon

13“Masasakit ang pinagsasabi nʼyo tungkol sa akin,” sabi ng Panginoon ng mga Hukbo.

“Ngunit tinatanong ninyo, ‘Ano ang pinagsasabi naming masasakit tungkol sa inyo?’

14“Sinabi ninyo, ‘Walang kabuluhan ang maglingkod sa Diyos. Ano ba ang mapapala natin kung susundin natin ang kanyang mga utos? At ano ang mapapala natin kung nagmumukha tayong nagsisisi sa ating mga kasalanan sa harapan ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo.

15Masasabi pa nga natin na mapalad ang mga taong mayabang. Sapagkat sila na gumagawa ng masama ay umuunlad. At kahit na sinusubukan nila ang Diyos, hindi sila pinarurusahan.’ ”

16Pagkatapos, nag-usap-usap ang mga taong may takot sa Panginoon . Pinakinggan ng Panginoon ang mga sinabi nila. Isinulat sa kanyang harapan ang isang aklat tungkol sa mga taong may takot sa kanya at iginagalang ang kanyang pangalan.

17Sinabi ng Panginoon ng mga Hukbo, “Sa araw ng paghatol ko, silaʼy magiging akin, at ituturing ko silang isang natatanging kayamanan. Hindi ko sila parurusahan, tulad ng isang amang kinahahabagan ang kanyang anak na naglilingkod sa kanya at hindi niya ito parurusahan.

18At muli ninyong makikita ang pagkakaiba ng taong mabuti at ng taong masama, at ang pagkakaiba ng naglilingkod sa Diyos at ng hindi.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.
0:00-0:00