The chat will start when you send the first message.
1Pagkatapos ipangaral ni Hesus ang mga bagay na ito, umalis siya sa Galilea at pumunta sa lalawigan ng Judea sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan.
2Maraming tao ang sumunod sa kanya at pinagaling niya sila sa kanilang mga sakit.
3May mga Pariseong pumunta sa kanya para subukin siya. Kaya nagtanong sila, “Ipinapahintulot ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang asawa niya sa kahit anong dahilan?”
4Sumagot si Hesus, “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan na sa simula pa lang, nang likhain ng Diyos ang mundo, ‘ginawa niya ang tao na lalaki at babae’?[#19:4 Gen. 1:27; 5:2.]
5At sinabi pa niya, ‘Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang amaʼt ina, at magsasama sila ng kanyang asawa. At silang dalawa ay magiging isa.’[#19:5 Gen. 2:24.]
6Hindi na sila dalawa kundi isa na lang. Kaya hindi dapat paghiwalayin ng tao ang pinagsama ng Diyos.”
7Nagtanong uli ang mga Pariseo, “Ngunit bakit sinabi ni Moises na pinapayagang hiwalayan ng lalaki ang asawa niya, bastaʼt bigyan niya ito ng kasulatan ng paghihiwalay?”[#19:7 Deu. 24:1.]
8Sumagot si Hesus sa kanila, “Ipinahintulot ito ni Moises sa inyo dahil sa katigasan ng ulo ninyo. Ngunit hindi iyan ang layunin ng Diyos mula sa simula.
9Kaya sinasabi ko sa inyo, kung hiwalayan ng lalaki ang asawa niya sa anumang dahilan maliban sa seksuwal na imoralidad, at pagkatapos ay mag-asawa ng iba, nagkasala siya ng pangangalunya. [ At ang nag-asawa ng babaeng hiniwalayan ay nagkasala rin ng pangangalunya.]”[#19:9 Wala ang mga salitang ito sa ilang manuskrito.]
10Sinabi ng mga alagad ni Hesus, “Kung ganyan po pala ang panuntunan sa pag-aasawa, mabuti pang huwag na lang mag-asawa.”
11Sumagot si Hesus, “Hindi matatanggap ng lahat ang katuruang ito, maliban na lang sa mga taong pinagkalooban nito.
12May ibaʼt ibang dahilan kung bakit may mga taong hindi nag-aasawa. Mayroong ipinanganak na may kapansanan; ang iba namaʼy sinadyang kapunin ng ibang tao; at ang ibaʼy pinili nilang hindi mag-asawa alang-alang sa kaharian ng Langit. Ang sinumang may kayang tumanggap sa aral na ito, dapat niya itong tanggapin.”
13May mga taong nagdala ng maliliit na bata kay Hesus para ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay at ipanalangin. Ngunit sinaway sila ng mga alagad ni Hesus.
14Sinabi ni Hesus sa mga alagad niya, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pigilan, dahil ang mga katulad nila ang makakapasok sa kaharian ng Langit.”
15Ipinatong nga niya ang kanyang kamay sa mga bata at pinagpala niya sila, at pagkatapos nitoʼy umalis siya.
16May isang lalaki naman na lumapit kay Hesus at nagtanong, “Guro, ano po ang mabuti kong gawin para magkaroon ng buhay na walang hanggan?”
17Sumagot si Hesus, “Bakit itinatanong mo sa akin kung ano ang mabuti? Iisa lang ang mabuti, at walang iba kundi ang Diyos. Kung gusto mong magkaroon ng buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos niya.”
18“Alin po sa mga ito?” tanong ng lalaki.
Sumagot si Hesus, “Huwag kang papatay, huwag kang mangangalunya, huwag kang magnanakaw, huwag kang sasaksi ng kasinungalingan,
19igalang mo ang iyong mga magulang, at ‘mahalin mo ang kapwa mo tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.’”[#19:19 Exo. 20:12‑16; Deu. 5:16‑20.; #19:19 Lev. 19:18.]
20Sinabi ng lalaki, “Sinusunod ko po ang lahat ng iyan. Ano pa po ang kulang sa akin?”
21Sumagot si Hesus, “Kung nais mong maging ganap, umuwi ka at ipagbili ang iyong mga ari-arian at ipamigay mo ang mapagbebentahan sa mga mahihirap. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.”
22Nang marinig iyon ng binata, umalis siyang malungkot, dahil napakayaman niya.
23Kaya sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, napakahirap para sa isang mayaman ang makapasok sa kaharian ng Langit.
24Mas madali pang makapasok ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa makapasok ang isang mayaman sa kaharian ng Diyos.”
25Nabigla ang mga alagad nang marinig nila ito, kaya nagtanong sila, “Kung ganoon po, sino na lang ang maliligtas?”
26Tiningnan sila ni Hesus at sinabi, “Imposible ito sa tao; ngunit sa Diyos, ang lahat ay posible.”
27Nagsalita si Pedro, “Paano naman po kami? Iniwan namin ang lahat para sumunod sa inyo. Ano po ang mapapala namin?”
28Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, darating ang araw na babaguhin ng Diyos ang mundo, at ang Anak ng Tao ay uupo sa kanyang dakilang trono. At kayong mga alagad ko ay uupo rin sa labindalawang trono upang husgahan ang labindalawang lahi ng Israel.
29At ang sinumang iniwan ang kanyang bahay, mga kapatid, mga magulang, mga anak, o mga lupa dahil sa akin ay tatanggap ng mas marami pa kaysa sa kanyang iniwan, at tatanggap din siya ng buhay na walang hanggan.
30Maraming dakila ngayon ang magiging hamak, at maraming hamak ngayon ang magiging dakila.”