The chat will start when you send the first message.
1“Sa araw na iyon, ang paghahari ng Langit ay maihahalintulad sa sampung dalagang lumabas na may dalang ilawan para salubungin ang lalaking ikakasal.
2Ang lima sa kanilaʼy mangmang, at ang limaʼy matatalino.
3Ang limang mangmang ay nagdala ng ilawan ngunit hindi nagdala ng reserbang langis,
4habang ang limang matatalino naman ay nagdala ng reserbang langis para sa kanilang mga ilawan.
5Natagalan ang pagdating ng lalaking ikakasal kaya ang mga dalaga ay inantok at nakatulog sa paghihintay.
6“Nang hatinggabi na, biglang may sumigaw, ‘Nariyan na ang ikakasal! Halikayoʼt salubungin ninyo!’
7“Nagising ang sampung dalaga at inihanda ang kani-kanilang ilawan.
8Sinabi ng mga mangmang sa marurunong, ‘Pahingi naman ng kaunting langis; malapit na kasing mamatay ang mga ilawan namin.’
9“Sumagot sila, ‘Hindi puwede, dahil hindi magkakasya sa atin ang langis. Pumunta na lang kayo sa tindahan at bumili ng para sa inyo.’
10“Kaya umalis ang mga mangmang na dalaga para bumili ng kanilang langis. Habang wala sila, dumating ang lalaking ikakasal. Ang limang nakahanda ay sumáma sa kanya sa handaan. Pagpasok nila, isinara ang pintuan.
11“Maya-mayaʼy dumating na ang limang mangmang na dalaga at nagsisigaw, ‘Panginoon, panginoon! Papasukin nʼyo po kami.’
12“Ngunit sumagot ang lalaki, ‘Hindi ko kayo kilala.’
13“Kaya magbantay kayo, dahil hindi ninyo alam ang araw o oras ng aking pagbabalik.
14“Ang Kaharian ng Langit ay maihahalintulad sa kuwentong ito: May isang taong papunta sa malayong lugar. Kaya tinawag niya ang kanyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang ari-arian.
15Binigyan niya ang bawat isa ayon sa kani-kanilang kakayahang magnegosyo. Binigyan niya ang isa ng limang libong salaping ginto, ang isa naman ay dalawang libong salaping ginto, at ang isa pa ay isang libong salaping ginto. Pagkatapos ay umalis na siya.[#25:15 Sa Griyego, 5, 2, 1 talento. Ang isang talento ay katumbas ng 20 taóng sahod ng karaniwang manggagawa.]
16Ang alipin na binigyan ng limang libo ay kaagad na umalis at ginamit sa negosyo ang pera. At tumubo siya ng limang libo.
17Ganoon din ang ginawa ng alipin na binigyan ng dalawang libo. At tumubo siya ng dalawang libo.
18Ngunit ang alipin na binigyan ng isang libo ay humukay sa lupa at itinago roon ang perang ibinigay ng kanyang panginoon.
19“Pagkalipas ng mahabang panahon, bumalik ang amo nila at ipinatawag sila para magbalita tungkol sa perang ipinagkatiwala sa kanila.
20Lumapit ang alipin na nakatanggap ng limang libo at sinabi, ‘Panginoon, heto po ang limang libo na ibinigay nʼyo sa akin, at ang karagdagang limang libo na tinubo ko.’
21“Sumagot ang amo niya, ‘Magaling! Isa kang mabuti at tapat na alipin! At dahil naging matapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, ipapamahala ko sa iyo ang mas malaki pang halaga. Halikaʼt makibahagi sa aking kaligayahan!’
22“Pagkatapos, lumapit naman ang alipin na binigyan ng dalawang libo at sinabi niya, ‘Panginoon, heto po ang dalawang libo na ibinigay nʼyo sa akin, at ang karagdagang dalawang libo na tinubo ko.’
23“Sumagot ang kanyang amo: ‘Magaling! Isa kang mabuti at tapat na alipin! At dahil naging matapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, ipapamahala ko sa iyo ang mas malaki pang halaga. Halikaʼt makibahagi rin sa aking kaligayahan!’
24“Lumapit din ang alipin na binigyan ng isang libo at sinabi sa kanyang amo, ‘Alam ko pong mabagsik kayo at walang awa. Inaani ninyo ang hindi ninyo itinanim, at kinukuha ninyo ang pinaghirapan ng iba.
25Natakot po ako kaya ibinaon ko ang pera nʼyo sa lupa. Heto po ang isang libo na ibinigay nʼyo sa akin.’
26“Sumagot ang kanyang amo, ‘Masamá at tamad na alipin! Alam mo palang inaani ko ang hindi ko itinanim, at kinukuha ko ang pinaghirapan ng iba.
27Bakit hindi mo na lang idineposito sa bangko ang pera ko para sa pagbalik ko ay may makuha akong interes?’
28“ ‘Kunin ninyo sa kanya ang isang libo at ibigay sa mayroong sampung libo.
29Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa ng mas marami, ngunit ang wala, kahit ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa.
30Itapon ninyo ang walang silbing alipin na ʼyan sa labas, doon sa kadiliman kung saan siyaʼy tatangis at magngangalit ang kanyang ngipin.’
31“Kapag ang Anak ng Tao ay dumating na bilang Hari, kasama ang lahat ng anghel, uupo siya sa kanyang dakilang trono.
32Titipunin niya sa kanyang harapan ang lahat ng lahi sa mundo. Pagbubukud-bukurin niya sila, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at kambing.
33Ang mga tupa ay ilalagay niya sa kanyang kanan, at ang mga kambing, sa kanyang kaliwa.
34“Pagkatapos, ang Hari ay magsasabi sa mga tao sa kanyang kanan, ‘Halikayo, kayong mga pinagpala ng aking Ama. Tanggapin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang mundo.
35Sapagkat nang nagutom ako ay pinakain ninyo ako, at nang nauhaw ako ay pinainom ninyo. Nang naging dayuhan ako ay pinatuloy ninyo ako sa inyong tahanan,
36at nang wala akong maisuot ay binihisan ninyo ako. Nang may sakit ako ay inalagaan ninyo ako, at nang nasa kulungan ako ay dinalaw ninyo ako.’
37“Sasagot ang mga matuwid, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom?
38Kailan namin kayo nakitang naging dayuhan at aming pinatuloy o walang maisuot at aming binihisan?
39Kailan namin kayo nakitang may sakit o nasa kulungan at aming binisita?’
40“At sasagot ang Hari, ‘Sinasabi ko sa inyo ang totoo, nang ginawa nʼyo ito sa pinakahamak kong mga kapatid, ginawa ninyo ito para sa akin.’
41“Pagkatapos, sasabihin naman ng Hari sa kanyang kaliwa, ‘Lumayo kayo sa akin, kayong mga isinumpa ng Diyos! Doon kayo sa walang katapusang apoy na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon na mga anghel.
42Sapagkat nang nagutom ako ay hindi nʼyo ako pinakain, at nang nauhaw ako ay hindi nʼyo ako pinainom.
43Nang naging dayuhan ako ay hindi nʼyo ako pinatuloy sa inyong tahanan, at nang wala akong maisuot ay hindi nʼyo ako binihisan. Nang may sakit ako at nasa kulungan ay hindi nʼyo ako inalagaan.’
44“At sasagot naman sila, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, naging dayuhan, walang maisuot, may sakit o nasa kulungan at hindi namin kayo tinulungan?’
45“At sasagot din ang Hari, ‘Sinasabi ko sa inyo ang totoo, nang hindi ninyo tinulungan ang pinakahamak kong mga kapatid, ako ang hindi ninyo tinulungan.’
46“Itataboy ko ang mga taong ito sa walang hanggang kaparusahan, ngunit bibigyan ko ang mga matuwid ng buhay na walang hanggan.”