Micas 1

1Ito ang salita ng Panginoon na ipinahayag niya kay Micas na taga-Moreset patungkol sa Samaria at Jerusalem noong mga panahong naghahari sa Juda sina Jotam, Ahaz, at Hezekias.[#1:1 : Ang Samaria ay kabisera ng Israel at kumakatawan sa buong kaharian ng Israel. Ang Jerusalem ay kabisera ng Juda at kumakatawan sa buong kaharian ng Juda.]

Sinabi ni Micas:

2“Makinig kayong mabuti,

lahat kayong mga mamamayan

sa buong mundo.

Sapagkat sasaksi

ang Makapangyarihang Panginoon

laban sa inyo mula

sa kanyang banal na Templo.

Ang Hatol Laban sa Israel at Juda

3“Makinig kayo!

Lalabas ang Panginoon

mula sa kanyang tahanan.

Bababa siya at lalakad

sa matataas na bahagi ng mundo.

4Ang mga bundok na kanyang malalakaran

ay matutunaw na parang mga kandila

na nadikit sa apoy,

at magiging lubak-lubak ang mga patag

na parang dinaanan ng tubig na umagos

mula sa matatarik na lugar.

5Mangyayari ang lahat ng ito

dahil sa mga kasalanan

ng mga mamamayan

ng Israel at Juda.

Ang mga taga-Samaria

ang nag-udyok sa ibang

mga mamamayan ng Israel

upang magkasala.

At ang mga taga-Jerusalem naman

ang nag-udyok sa ibang

mga mamamayan ng Juda

upang sumamba sa mga diyos-diyosan.

6“Kaya gigibain ko ang Samaria

at tataniman na lang ito ng mga ubas.

Pagugulungin ko ang mga bato nito

papunta sa kapatagan

hanggang sa makita

ang mga pundasyon nito.

7Lahat ng diyos-diyosan nito

ay madudurog,

at ang upa ng mga babaeng bayaran

sa templo nito ay masusunog.

Wawasakin ko ang mga imahen nito.

Sapagkat galing sa upa

ng mga babaeng bayaran

ang mga handog na naipon,

at muling gagamitin bilang upa

para sa ibang babaeng bayaran.”

Pagtangis at Pagluluksa

8Dahil sa pagkawasak ng Samaria,

iiyak ako at hahagulgol.

Maglalakad ako

nang nakapaa at nakahubad.

Aalulong ako tulad ng asong-gubat

at tataghoy akong tulad ng kuwago.

9Sapagkat ang pagkagiba ng Samaria

ay parang sugat na hindi na gagaling,

at mangyayari din ito sa Juda

hanggang sa Jerusalem

na siyang kabisera na lungsod

ng aking mga kababayan.

10Huwag ninyo itong ipamalita sa Gat.

Huwag kayong tatangis

kahit isang patak man lang.

Sa Bet-leafra kayo maglupasay sa abo.

11Mga mamamayan ng Shafir,

bibihagin kayo

at dadalhing nakahubad,

kaya mapapahiya kayo.

Ang mga mamamayan ng Zaanan

ay matatakot lumabas sa kanilang bayan.

Ang mga taga-Bet-ezel

ay hindi rin makakatulong sa inyo

dahil sila rin ay umiiyak.

12Ang mga taga-Marot ay hindi mapakali,

naghihintay sila ng saklolo,

sapagkat dumating na ang kapahamakang

mula sa Panginoon

at umabot na hanggang

sa bungad ng Jerusalem.

13Mga mamamayan ng Laquis,

isingkaw ninyo ang mga kabayo

sa karwahe

at tumakas kayo.

Ginaya ninyo ang kasalanang ginawa

ng mga taga-Israel,

at dahil sa inyoʼy nagkasala rin

ang mga taga-Zion.

14Kaya, kayong mga mamamayan ng Juda,

magpadala kayo

ng mga regalong pamamaalam

sa Moreset-gat.

Lilinlangin ng bayan ng Aczib

ang mga hari ng Israel.

15Kayong mga mamamayan ng Maresa,

padadalhan kayo ng Panginoon

ng kalabang sasakop sa inyo.

Mga taga-Juda, ang inyong mga pinuno

ay magtatago sa Adulam.

16Kukunin sa inyo

ang pinakamamahal

ninyong mga anak

at dadalhin sa ibang bayan,

kaya magluluksa kayo para sa kanila

at ipapakita ninyo ang inyong kalungkutan

sa pamamagitan ng pagpapakalbo

na parang ulo ng agila.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.