Micas 2

Ang Hatol Laban sa Mayayamang Mang-aapi

1Nakakaawa kayong mga nagpupuyat

sa pagpaplano ng masama;

palaging nag-iisip nang hindi mabuti

kahit na kayoʼy nakahiga.

Kinaumagahan ay isinasagawa ninyo

ang inyong masamang plano

dahil may kakayahan kayong gawin iyon.

2Inaagaw ninyo ang mga bukid

at mga bahay na inyong nagugustuhan.

Dinadaya ninyo ang mga tao

upang makuha ang kanilang bahay

o lupaing minana.

3Kaya ito ang sinasabi

ng Panginoon , “Makinig kayo!

Pinaplano kong parusahan kayo

at hindi kayo makakaligtas.

Hindi na kayo makapagmamalaki

dahil sa panahong iyon

ay lilipulin kayo.

4Sa araw na iyon,

kukutyain kayo ng mga tao

sa pamamagitan

ng malungkot na awitin:

‘Lubusan na kaming nalipol!

Kinuha ng Panginoon

ang aming mga lupain

at ibinigay sa mga traydor.’ ”

5Kaya wala na kayong bahagi sa lupain

kapag hahatiin ito

sa palabunutang mangyayari

sa pagpupulong ng bayan ng Panginoon .

Mga Bulaang Propeta

6“Huwag na kayong magpropesiya,”

sabi ng mga tao.

“Ang mga propeta

ay hindi dapat magpropesiya

tungkol sa mga bagay na ito;

hindi kami gagawing kahihiyan

ng Diyos.”

7Ito ba dapat ang sinasabi ninyo,

kayong lahi ni Jacob?

“Hindi mauubos

ang pasensya ng Panginoon

kaya hindi niya gagawin ang mga iyon?”

Ito ang sagot ng Panginoon ,

“Kung sinusundan lang sana ninyo

ang mga utos ko,

matatanggap ninyo

ang aking mga biyaya.

8Ngunit nilulusob ninyo

ang aking mamamayan

na para bang mga kaaway.

Akala nila, pag-uwi nila sa kanilang bayan

mula sa digmaan ay ligtas na sila,

ngunit iyon palaʼy aagawan ninyo sila

ng kanilang balabal.

9Pinapalayas ninyo ang kanilang mga kababaihan

sa mga tahanang minamahal nila.

At inaagaw ninyo ang mga pagpapalang

ibinigay ko sa kanilang mga anak,

kaya mawawala na ito

sa kanila magpakailanman.

10Kaya ngayon,

umalis na kayo rito!

Sapagkat hindi na kayo makakapagpahinga dito

dahil itoʼy nadungisan

na ng inyong mga kasalanan;

nasira na ito at wala nang lunas.

11Ang gusto ninyong mangangaral

ay iyong nangangaral

nang walang kabuluhan,

manlilinlang at sinungaling,

at ganito ang sinasabi:

‘Sasagana kayo sa alak

at iba pang mga inumin.’ ”

Ang Ipinangakong Kaligtasan

12Sinabi ng Panginoon ,

“Kayong natitirang mga mamamayan

ng Israel at Juda,

titipunin ko kayo gaya

ng mga tupa sa kulungan

o kawan ng mga hayop sa pastulan.

Mapupuno ng mga tao

ang inyong lupain.

13Bubuksan ko ang pinto

ng lungsod na bumihag sa inyo,

at pangungunahan ko kayo

sa inyong paglabas.

Ako, ang Panginoon na inyong hari,

ang mangunguna sa inyo.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.