The chat will start when you send the first message.
1Sinabi ni Micas:
Kahabag-habag ako!
Para akong isang gutom na naghahanap
ng natitirang bunga ng ubas o igos
ngunit walang makita
ni isang kumpol nito.
2Wala na akong nakitang tao sa Israel
na tapat sa Diyos.
Wala nang natirang taong matuwid.
Ang bawat isa ay naghahanap
ng pagkakataon
upang patayin
ang kanyang kababayan,
tulad ng taong naghahanda ng bitag
para sa hayop na kanyang huhulihin.
3Bihasa silang gumawa ng kasamaan.
Ang mga pinuno at mga hukom
ay tumatanggap ng suhol.
Sumusunod lamang sila
sa gusto ng mga taong tanyag
at makapangyarihan.
Nagkakaisa sila
upang baluktutin ang katarungan.
4Ang pinakamabuti sa kanila
ay parang dawag na walang silbi.
Dumating na ang panahon
ng pagpaparusa ng Diyos
sa mga taong ito,
gaya ng kanyang babala sa kanila
sa pamamagitan ng mga propeta
na parang mga guwardiya sa tore.
Dumating na ang panahon
ng kanilang pagkalito.
5Huwag na kayong magtiwala
sa inyong kapwa
o sa inyong mga kaibigan.
At mag-ingat kayo sa inyong sinasabi
kahit na sa inyong mahal na asawa.
6Sapagkat ang anak na lalaki
ay hindi na gumagalang
sa kanyang ama,
ang anak na babae
ay nagrerebelde sa kanyang ina,
at ang manugang na babae
ay nagrerebelde rin
sa kanyang biyenang babae.
Ang kaaway ng isang tao
ay ang kanya mismong kapamilya.
7Subalit para sa akin,
magtitiwala ako
sa Panginoon na aking Diyos.
Maghihintay ako sa kanya
na magliligtas sa akin,
at tiyak na ako ay kanyang diringgin.
8Sinabi ng mga Israelita,
“Hindi tayo dapat kutyain
ng ating mga kaaway.
Kahit na nadapa tayo,
muli tayong babangon.
At kahit na nasa kadiliman tayo,
ang Panginoon ang ating ilaw.
9Dahil sa nagkasala tayo sa Panginoon ,
dapat nating tiisin
ang kanyang parusa sa atin
hanggang sa ipagtanggol niya tayo
at bigyan ng katarungan.
Makikita natin ang pagliligtas niya sa atin
sa pamamagitan ng pagdala niya
sa atin sa kaliwanagan.
10Makikita ito ng ating mga kaaway
at mapapahiya sila.
Sapagkat kinukutya nila tayo noon
na nagsasabi,
‘Nasaan na ang Panginoon
na inyong Diyos?’
Hindi magtatagal at makikita natin
ang kapahamakan nila.
Magiging tulad sila ng putik
na tinatapak-tapakan sa lansangan.”
11Darating ang araw
na muli ninyong itatayo
ang mga pader ninyo
at sa panahong iyon lalong lalawak
ang inyong teritoryo.
12Sa panahon ding iyon, pupunta sa inyo
ang mga tao mula sa Asiria
at sa mga lungsod ng Ehipto,
at mula sa Ehipto hanggang sa Ilog Eufrates,
at mula sa malalayong lugar.
13Magiging mapanglaw na lugar
ang mga bansa sa mundo
dahil sa kasamaan
ng mga naninirahan doon.
14Patnubayan nawa ninyo
ang inyong mamamayan
katulad ng pastol sa kanyang kawan.
Ang mga lupain sa aming paligid
ay may masaganang pastulan,
ngunit kami ay namumuhay
sa kaparangan na kami-kami lang.
Palawakin nʼyong muli
ang aming teritoryo
hanggang sa Bashan
at sa Gilead katulad noon.
15Sinabi ng Panginoon,
“Magpapakita ako sa kanila
ng mga himala,
katulad noong inilabas ko kayo
sa Ehipto.”
16Makikita ito ng mga bansa
at mapapahiya sila sa kabila
ng kanilang kapangyarihan.
At hindi na sila makikinig
o magsasabi ng mga panlalait sa amin.
17Gagapang sila sa lupa
na parang ahas dahil sa sobrang hiya.
Lalabas sila sa kanilang lungga
na nanginginig sa takot sa inyo,
Panginoon naming Diyos.
18Walang ibang Diyos na katulad ninyo!
Pinapatawad ninyo ang kasamaan
at kinakalimutan ang kasalanan
ng nalalabing lahi ng inyong mamamayan.
Hindi kayo nananatiling galit
magpakailanman
dahil ikinagagalak nʼyong mahalin kami.
19Kamiʼy muli ninyong kahabagan,
ang aming mga kasalanaʼy inyong yurakan,
at ihagis ito sa ilalim ng karagatan.
20Ipakita ninyo ang inyong pag-ibig
at katapatan
sa amin na mga lahi ni Abraham
at ni Jacob,
gaya ng iyong ipinangako sa kanila
noong unang panahon.