Nahum 3

Kahabag-habag ang Nineve

1Kahabag-habag

ang lungsod ng Nineve.

Ito ay puno ng kasakiman

at kasinungalingan,

lungsod ng mamamatay-tao

at hindi nauubusan ng mabibiktima.

2Sasalakayin sila ng mga kalaban nila.

Maririnig nila ang hagupit ng latigo,

ang ingay ng mga gulong ng mga karwahe,

ang yabag ng paa ng mga kabayo,

at ang rumaragasang mga karwahe.

3Makikita nila ang sumusugod

na mga mangangabayo,

ang kumikinang na mga espada

at mga sibat,

at ang nakabuntong mga patay

na di-mabilang.

Matitisod sa mga bangkay

ang mga sundalo.

4Mangyayari ito sa Nineve

dahil para siyang babaeng bayaran,

isa siyang mapang-akit na mangkukulam.

Sa pang-aakit niya,

naaalipin niya ang mga bansa;

sa panggagayuma niya,

nasasakop niya sila.

5Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan,

“Mga taga-Nineve, kalaban ko kayo!

Kaya ipapahiya ko kayo

sa harapan ng mga bansa

at mga kaharian.

Makikita nila kayong huboʼt hubad

katulad sa isang babaeng itinaas

ang palda hanggang ulo.

6Kasusuklaman ko kayo;

hahagisan ko kayo ng dumi

at papanoorin kayo ng mga tao.

7Lahat ng makakakita sa inyo

ay lalayo sa inyo

at sasabihing,

‘Nawasak na ang Nineve.

Sino ang magluluksa para sa kanya?’

Walang mahahanap na aaliw sa kanya.”

8Higit bang mabuti ang Nineve

kaysa sa lungsod ng Tebes

na malapit sa Ilog Nilo?

Ang ilog na ito ang pinakapader ng Tebez

na nagsisilbing proteksyon nito.

9Ang Etiopia at ang buong Ehipto[#3:9 : Sa Hebreo, Cush.]

ang pinanggagalingan ng lakas ng Tebez,

at ang akala niyaʼy mananatili ito

magpakailanman.

Ang Put at ang Libya

ay mga bansang kakampi rin niya.

10Ganoon pa man, naging bihag pa rin

ang kanyang mga mamamayan

at dinala sa ibang lugar.

Ang kanilang mga anak

ay pinagdudurog sa mga lansangan.

Ginapos ng kadena ang kanilang

mga tinitingalang mamamayan

at pinaghiwa-hiwalay para gawing alipin

sa pamamagitan ng palabunutan.

11Kayo ring mga taga-Nineve,

kikilos kayong parang mga lasing.

Magtatago kayo at maghahanap ng kanlungan

mula sa inyong mga kaaway.

12Ang lahat ng inyong mga napapaderang lungsod

ay magiging parang mga puno ng igos

na ang unang bunga ay hinog na;

at kapag inuga ang puno,

malalaglag ang mga bunga

at maaari nang kainin.

13Tingnan ninyo ang inyong mga kawal

para silang mga babae!

Ang tarangkahan ng pintuan

ng inyong lungsod

ay masusunog,

kaya madali na itong mapapasok

ng inyong mga kalaban.

14Humanda na kayo sa pagsalakay

ng inyong kalaban.

Mag-ipon na kayo ng tubig.

Patibayin ninyo ang mga pader

sa palibot ng inyong lungsod.

Gumawa kayo ng mga tisa

at ayusin ninyo ang mga pader na ito.

15Pero mamamatay kayo

sa inyong kinaroroonan

sa pamamagitan ng apoy at espada.

Para kayong halamanang sinalakay

ng mga balang.

Dumami kayo na parang balang!

16Pinarami ninyo ang inyong

mga mangangalakal

na higit pa sa mga bituin sa langit.

Subalit magiging tulad sila ng mga balang

na pagkatapos na maubos

ang mga tanim

ay lumipad nang palayo.

17Ang inyong mga tagapagbantay

at mga opisyal

ay kasindami ng mga balang

na nakadapo sa mga pader

kapag malamig ang panahon.

Ngunit pagsikat ng araw ay nagliliparan

at walang nakakaalam kung saan

sila pumunta.

18Hari ng Asiria,

patay na ang iyong mga pinuno.

Ang mga maharlika moʼy hindi

na magigising kailanman.

Nakakalat sa kabundukan

na parang mga tupa

ang iyong mamamayan,

at wala nang magtitipon sa kanila.

19Ang katulad moʼy

nasugatan nang malubha

na hindi gumagaling.

Ang lahat ng makakabalita

sa sinapit mo

ay magpapalakpakan sa tuwa,

dahil silang lahat ay nakaranas

ng iyong kalupitan.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.