Nehemias 2

Nagtungo si Nehemias sa Jerusalem

1Noong buwan ng Nisan, nang ikadalawampung taon ng paghahari ni Artaherhes, sinilbihan ko ng inumin ang hari. Noon lang niya ako nakitang malungkot.

2Kaya tinanong niya ako, “Bakit ka nalulungkot, mukha ka namang walang sakit? Parang may problema ka.”

Labis akong kinabahan,

3pero sumagot ako sa hari, “Humaba po nawa ang buhay ng Mahal na Hari! Nalulungkot po ako dahil ang lungsod na pinaglibingan ng aking mga ninuno ay nagiba at ang mga pintuan nito ay nasunog.”

4Nagtanong ang hari, “Ano ang gusto mo?”

Kaya nanalangin ako sa Diyos ng langit,

5at pagkatapos, sumagot ako sa hari, “Kung maaari po, Mahal na Hari, at kung nalulugod po kayo sa akin, gusto ko sanang umuwi sa Juda, upang muling ipatayo ang lungsod kung saan inilibing ang aking mga ninuno.”

6Tinanong ako ng hari habang nakaupo ang reyna sa tabi niya, “Gaano ka katagal doon at kailan ka babalik?” Sinabi ko kung kailan ako babalik, at pinayagan niya ako.

7Humiling din ako sa hari, “Kung maaari po, Mahal na Hari, bigyan nʼyo po ako ng mga sulat para sa mga gobernador ng probinsya sa kanluran ng Ilog Eufrates, na payagan nila akong dumaan sa nasasakupan nila sa pag-uwi ko sa Juda.

8At kung maaari, bigyan nʼyo rin po ako ng sulat para kay Asaf na tagapagbantay ng mga halamanan ninyo, upang bigyan ako ng mga kahoy na gagamitin sa paggawa ng pintuan ng matatag na kuta malapit sa Templo, at sa pagpapatayo ng pader ng lungsod at ng bahay na titirhan ko.” Pinagbigyan ng hari ang mga kahilingan ko sa kanya dahil sa kabutihan ng Diyos sa akin.

9Sa pag-alis ko, pinasamahan pa ako ng hari sa mga opisyal ng sundalo at sa mga mangangabayo. Pagdating ko sa kanluran ng Ilog Eufrates, ibinigay ko sa mga gobernador ang sulat ng hari.

10Ngunit nang marinig nina Sanbalat na taga-Horon at Tobias na isang opisyal ng mga Amonita na dumating ako upang tulungan ang mga Israelita, labis silang nagalit.

Tiningnan ni Nehemias ang Pader ng Jerusalem

11Pagkalipas ng tatlong araw mula nang dumating ako sa Jerusalem,

12umalis ako nang hatinggabi na may ilang kasama. Hindi ko sinabi kahit kanino ang gustong ipagawa sa akin ng Diyos tungkol sa Jerusalem. Wala kaming dalang ibang hayop maliban sa sinasakyan kong asno.

13Lumabas kami sa pintuang nakaharap sa lambak at pumunta sa Balon ng Dragon hanggang sa may pintuan ng pinagtatapunan ng basura. Pinagmasdan kong mabuti ang mga nagibang pader ng Jerusalem at ang mga pintuan nitong nasunog.[#2:13 : O ahas o asong-gubat.]

14Nagpatuloy ako sa Pintuan ng Bukal hanggang sa Paliguan ng Hari, pero hindi makaraan doon ang asno ko.

15Kaya tumuloy na lang ako sa Lambak ng Kidron, at siniyasat ang mga pader nang gabing iyon. Pagkatapos, bumalik ako at muling dumaan sa pintuang nakaharap sa lambak.

16Hindi alam ng mga opisyal ng lungsod kung saan ako nanggaling at kung ano ang ginawa ko. Sapagkat wala pa akong pinagsabihang Hudyo tungkol sa balak ko, kahit ang mga pari, mga pinuno, mga opisyal, at ang iba pang nasa pamahalaan.

17Ngunit ngayon ay sinabi ko sa kanila, “Nakita nʼyo ang nakakaawang kalagayan ng lungsod natin. Giba ang Jerusalem at sunog ang mga pintuan nito. Muli nating itayo ang pader ng Jerusalem upang hindi na tayo mapahiya.”

18Sinabi ko rin sa kanila kung gaano kabuti ang Diyos sa akin at kung ano ang sinabi ng hari sa akin.

Sumagot sila, “Sige, muli nating itayo ang pader.” Kaya naghanda sila upang simulan ang mabuting gawaing ito.

19Ngunit nang mabalitaan ito ni Sanbalat na taga-Horon, ni Tobias na isang opisyal na Amonita, at ni Gesem na isang Arabo, nilait nila kami at pinagtawanan. Sinabi nila, “Ano ang ginagawa nʼyong ito? Nagbabalak ba kayong maghimagsik laban sa hari?”

20Sinagot ko sila, “Magtatagumpay kami sa pamamagitan ng tulong ng Diyos sa langit. Kami na mga lingkod niya ay magsisimula na sa pagpapatayo ng pader na ito. Ngunit kayo ay hindi kabilang at walang karapatan sa Jerusalem, at hindi kayo bahagi ng kasaysayan nito.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.