The chat will start when you send the first message.
1Nang mabalitaan ni Sanbalat na itinatayo naming muli ang pader, nagalit siya ng husto at hinamak kaming mga Hudyo.
2Sa harap ng mga kasama niya at ng mga sundalo ng Samaria, sinabi niya, “Ano ba ang ginagawa ng mga kawawang Hudyong ito? Akala ba nila, maitatayo nila ulit ang pader ng Jerusalem sa loob lang ng isang araw at makapaghahandog uliʼt sila? Akala siguro nila, magagamit pa nila ang mga nasunog at nadurog na mga bato!”
3Sinabi pa ng Amonitang si Tobias na nasa tabi ni Sanbalat, “Kahit asong-gubat lang ang sumampa sa pader na iyan, mawawasak na iyan!”
4Agad akong nanalangin, “O aming Diyos, pakinggan nʼyo po kami dahil hinahamak kami. Sa kanila po sana mangyari ang mga panunuya nilang ito sa amin. Madala sana sila sa ibang lugar bilang bihag.
5Huwag nʼyo pong patawarin ang pagkakasala nila, at huwag nʼyo rin pong kalimutan ang ginawa nila, dahil hinamak nila kayo sa harap naming mga manggagawa.”[#4:5 : O ginalit.]
6Patuloy ang aming pagtatayo ng pader at nangangalahati na ang taas nito dahil ang mga tao ay talagang masigasig na gumagawa.
7Ngunit nang mabalitaan nina Sanbalat, Tobias, at ng mga taga-Arabia, Amonita, at mga taga-Asdod na patuloy ang pagtatayo ng pader ng Jerusalem at natakpan na ang mga butas nito, galit na galit sila.
8Binalak nilang lahat na salakayin ang Jerusalem upang guluhin kami.
9Subalit nanalangin kami sa aming Diyos at naglagay ng mga guwardiya araw at gabi upang maprotektahan ang mga sarili namin.
10Sinabi ng mga taga-Juda, “Pagod na kami sa pagtatrabaho. Napakarami pang guho na dapat hakutin, hindi namin ito makakayang tapusin.”
11Samantala, sinabi ng mga kalaban namin, “Biglain natin sila, bago nila mapansin, napasok na natin ang lugar nila. Pagpapatayin natin sila, at mahihinto na ang pagtatrabaho nila.”
12Ang mga Hudyo na nakatira malapit sa kanila ay palaging nagbabalita sa amin ng balak nilang pagsalakay.
13Kaya naglagay ako ng mga tao upang magbantay sa pinakamababang bahagi ng pader na madaling pasukin. Pinagbantay ko sila roon na magkakagrupo sa bawat pamilya, at may mga armas silang mga espada, sibat at palaso.
14Habang pinag-iisipan ko ang kalagayan namin, ipinatawag ko ang mga pinuno, mga opisyal at ang mga mamamayan, at sinabi ko sa kanila, “Huwag kayong matakot sa mga kalaban. Alalahanin natin ang makapangyarihan at kamangha-manghang Panginoon. Makipaglaban tayo upang mailigtas natin ang ating mga kamag-anak, mga anak, mga asawa, pati ang ating mga bahay.”
15Nang mabalitaan ng aming mga kalaban na nalaman namin ang balak nilang pagsalakay at naisip nilang sinira ng Diyos ang balak nila, bumalik kaming lahat sa ginagawa naming pader.
16Ngunit mula nang araw na iyon, kalahati lang sa mga tauhan ko ang gumagawa ng pader, dahil ang kalahati ay nagbabantay na may mga sibat, pananggalang, palaso, at panangga sa dibdib. Ang mga opisyal ay nakatayo sa likod ng mga mamamayan ng Juda
17na gumagawa ng pader. Ang isang kamay ng mga nagtatrabaho ay may hawak na mga gamit sa paggawa at ang isa namang kamay ay may hawak na sandata,
18at nakasukbit sa baywang nila ang espada. Ang tagapagpatunog ng trumpeta ay nasa tabi ko.
19Sinabi ko sa mga pinuno, mga opisyal, at sa mga mamamayan, “Malawak ang ginagawa nating pader at magkakalayo tayo sa isaʼt isa
20kaya kapag narinig nʼyo ang tunog ng trumpeta, pumunta kayo agad dito sa akin. Ang Diyos natin ang siyang makikipaglaban para sa atin.”
21Kaya patuloy ang paggawa namin mula madaling-araw hanggang magtakip-silim, at ang kalahati ng mga tao ay nagbabantay na may dalang sandata.
22Nang panahong iyon, sinabi ko rin sa mga taong naninirahan sa labas ng Jerusalem na sila at ang mga alipin nila ay papasok sa lungsod kapag gabi upang magbantay, at kinabukasan naman ay magtatrabaho sila.
23Kaya ako at ang aking mga kamag-anak, mga tauhan, at mga guwardiya ay hindi nakapagpapalit ng damit. Dala-dala namin ang aming mga sandata kahit na kukuha lang ng tubig.