The chat will start when you send the first message.
1Sinabi ng Panginoon kay Moises,
2“Magpagawa ka ng dalawang trumpetang pilak, at gamitin mo ito para tipunin ang mga tao at ihanda sila sa paglalakbay.
3Kapag pinatunog na nang sabay ang dalawang trumpeta, magtitipon ang lahat ng mga mamamayan sa pintuan ng Toldang Tipanan.
4Kapag isa lang ang pinatunog, ang mga pinuno lang ng bawat lahi ng Israel ang magtitipon sa iyong harapan.
5Kapag pinatunog ang trumpeta para ihanda ang mga tao sa paglalakbay, ang mga lahi sa silangang bahagi ng Tolda ang mauunang lumakad.
6Kapag pinatunog ang trumpeta ng dalawang beses, ang lahi naman sa gawing timog na bahagi ng Tolda ang mauunang lumakad. Ang pagpapatunog na ito ang magiging hudyat ng kanilang paglakad.
7Ngunit iba ang pagpapatunog ng trumpeta kapag titipunin sila.
8“Ang mga angkan ni Aaron na mga pari ang magpapatunog ng mga trumpeta. Ang mga tuntuning ito ay dapat ninyong tuparin at ng susunod pang mga henerasyon.
9“Kapag naroon na kayo sa inyong lupain, at makikipaglaban na sa inyong mga kaaway na umaapi sa inyo, patunugin ninyo ang trumpeta, at ako, ang Panginoon na inyong Diyos, ay aalalahanin kayo at ililigtas kayo sa inyong mga kaaway.
10At sa panahon ng inyong pagdiriwang, tulad ng mga nakatakdang pista at mga pista tuwing simula ng bagong buwan, patutunugin din ninyo ang mga trumpeta kung mag-aalay kayo ng mga handog na sinusunog at handog pangkapayapaan. Ang mga trumpetang ito ang magpapaalala sa akin na inyong Diyos ng aking kasunduan sa inyo. Ako ang Panginoon na inyong Diyos.”
11Nang ikadalawampung araw ng ikalawang buwan, nang ikalawang taon mula nang inilabas ang mga Israelita sa Ehipto, pumaitaas ang ulap mula sa Toldang Tipanan kung saan nakalagay ang Kasunduan.
12Pagkatapos, umalis ang mga Israelita sa disyerto ng Sinai at nagpatuloy sa paglalakbay hanggang sa tumigil ang ulap sa disyerto ng Paran.
13Ito ang unang pagkakataon na naglakbay sila ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
14Ang unang grupo na naglakbay dala ang kanilang bandila ay ang grupong pinangungunahan ng lahi ni Juda. Ang pinuno nila ay si Naason na anak ni Aminadab.
15Ang lahi ni Isacar ay pinamumunuan ni Netanel na anak ni Zuar,
16at ang lahi ni Zebulun ay pinamumunuan ni Eliab na anak ni Helon.
17Pagkatapos kalasin ang Toldang Tipanan, dinala ito ng mga angkan ni Gerson at ng mga angkan ni Merari, at sumunod sila sa paglalakad.
18Ang nakasunod sa paglalakad dala ang kanilang bandila ay ang grupong pinangungunahan ng lahi ni Ruben. Ang kanilang pinuno ay si Elizur na anak ni Sedeur.
19Ang lahi ni Simeon ay pinangungunahan ni Selumiel na anak ni Zurishadai,
20at ang lahi ni Gad ay pinamumunuan ni Eliasaf na anak ni Deuel.
21At ang sumunod ay ang mga angkan ni Kohat na nagdadala ng mga banal na kagamitan ng Tolda. Kailangang naiayos na ang Tolda bago sila dumating sa susunod na lugar na kanilang pagkakampuhan.
22Ang sumunod na lumakad dala ang kanilang bandila ay ang grupo na pinangungunahan ng lahi ni Efraim. Ang kanilang pinuno ay si Elisama na anak ni Amihud.
23Ang lahi ni Manases ay pinamumunuan ni Gamaliel na anak ni Padazur,
24at ang lahi ni Benjamin na pinamumunuan ni Abidan na anak ni Gideoni.
25Ang kahuli-hulihang lumakad dala ang kanilang bandila ay ang grupo na pinangungunahan ng lahi ni Dan. Sila ang mga guwardiya sa likod ng lahat ng mga grupo. Ang kanilang pinuno ay si Ahiezer na anak ni Amishadai.
26Ang lahi ni Asher ay pinamumunuan ni Pagiel na anak ni Ocran,
27at ang lahi ni Neftali ay pinamumunuan ni Ahira na anak ni Enan.
28Ito ang pagkakasunod-sunod ng paglalakbay ng mga lahi ng Israel na magkakagrupo.
29Ngayon, sinabi ni Moises kay Hobab na kanyang bayaw na anak ni Reuel na Midianita, “Maglalakbay na kami sa lugar na sinabi ng Panginoon na ibibigay niya sa amin. Kaya sumáma ka sa amin at hindi ka namin pababayaan, dahil nangako ang Panginoon na pagpapalain niya ang Israel.”
30Sumagot si Hobab, “Ayaw ko! Babalik ako sa aking bayan at sa aking mga kamag-anak.”
31Sinabi ni Moises, “Kung maaari, huwag mo kaming iwan. Ikaw ang nakakaalam kung saan ang mabuting lugar sa disyerto na maaari naming pagkakampuhan.
32Kung sasáma ka sa amin, babahaginan ka namin ng lahat ng pagpapalang ibibigay sa amin ng Panginoon .”
33Kaya umalis sila sa bundok ng Panginoon at naglakbay nang tatlong araw. Nasa unahan nila palagi ang Kahon ng Kasunduan para humanap ng lugar na kanilang mapagpapahingahan.
34Kung araw, ang ulap ng Panginoon ay nasa itaas nila kapag naglalakbay sila.
35SA tuwing dadalhin ang Kahon ng Kasunduan, sinasabi ni Moises,
“O Panginoon , manguna po kayo.
At nawaʼy magkawatak-watak
ang mga kaaway ninyo.
Nawaʼy magsilayas sila
sa harapan mo.”
36At kapag inihihinto na nila sa paglalakbay ang Kahon ng Kasunduan, sinasabi ni Moises,
“Panginoon , bumalik na po kayo
dito sa libu-libong mamamayan
ng Israel.”