Mga Bilang 19

Ang Tubig na Panglinis

1Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron,

2“Ito pa ang isang tuntunin na gusto kong tuparin ninyo: Sabihan ninyo ang mga Israelita na dalhan kayo ng isang pulang dumalagang baka na walang kapintasan at hindi pa nagagamit sa pag-aararo.[#19:2 : Sa literal, hindi pa ito nakakabitan ng pamatok.]

3Ibigay ninyo ito sa paring si Eleazar at dalhin ninyo sa labas ng kampo at katayin sa kanyang harapan.

4Pagkatapos, kukuha si Eleazar ng dugo nito sa pamamagitan ng kanyang daliri, at iwiwisik ito ng pitong beses sa harapan ng Toldang Tipanan.

5At habang nakatingin si Eleazar, susunugin ang buong baka – ang balat, ang laman, dugo at mga bituka nito.

6Pagkatapos, kukuha si Eleazar ng isang putol ng punong sedro, isang sanga ng halamang isopo at pulang panali na ihahagis lahat sa sinusunog na baka.

7Pagkatapos, kailangang labhan ni Eleazar ang kanyang damit at maligo siya. At pagkatapos, makakapasok na siya sa kampo, ngunit ituturing siyang marumi buong maghapon.

8Ang taong nagsunog ng baka ay kailangang maglaba rin ng kanyang damit at maligo, at ituturing din siyang marumi buong maghapon.

9“Ang taong itinuturing na malinis ang siyang kukuha ng abo ng baka, at ilalagay niya ito sa isang lugar na itinuturing na malinis sa labas ng kampo. Itatago ito ngunit gagamitin ng mamamayan ng Israel na panghalo sa tubig na gagamitin sa paglilinis. Ginagawa ang seremonyang ito para mawala ang kasalanan.

10Kailangang labhan ng taong kumuha ng abo ng baka ang kanyang damit, at ituturing din siyang marumi buong maghapon. Ang tuntuning itoʼy dapat tuparin ng mga Israelita at ng mga dayuhang naninirahan kasama ninyo magpakailanman.

11“Ang sinumang hahawak sa bangkay ay ituturing na marumi sa loob ng pitong araw.

12Kailangang linisin niya ang kanyang sarili ng tubig na panglinis sa ikatlo at ikapitong araw. Pagkatapos, ituturing na siyang malinis. Ngunit kung hindi siya maglilinis sa ikatlo at ikapitong araw, hindi siya ituturing na malinis.

13Ang sinumang makakahawak ng bangkay na hindi naglinis ng kanyang sarili ay para na rin niyang dinungisan ang Tolda ng Panginoon . Kailangang itiwalag ninyo sila mula sa sambayanan ng Israel dahil hindi siya nawisikan ng tubig na ginagamit sa paglilinis, marumi pa rin siya.[#19:13 : Ang ibig sabihin, hindi ginawa ang seremonya upang maging karapat-dapat sa Diyos.]

14“Ito ang tuntunin kung may taong mamamatay sa loob ng tolda: Ang sinumang pumasok sa tolda o kayaʼy naroon na sa loob nang mamatay ang tao ay ituturing na marumi sa loob ng pitong araw.

15At ituturing ding marumi ang anumang mga lalagyan sa tolda na walang takip.

16“Ituturing ding marumi sa loob ng pitong araw ang sinumang nasa labas ng kampo na nakahawak ng bangkay, pinatay man ito o namatay sa natural na paraan. Ganoon din sa nakahawak sa buto ng tao o nakahawak ng libingan.

17“Para mawala ang pagiging marumi, ilagay sa lalagyan ang ibang mga abo ng baka na inihahandog para sa kasalanan at pagkatapos, dadagdagan ito ng tubig.

18Pagkatapos, kukuha ang taong itinuturing na malinis ng isang sanga ng halamang isopo, at isasawsaw niya ito sa nasabing tubig, at iwiwisik sa tolda na may namatay at sa lahat ng kagamitan dito, at sa mga tao na nasa tolda. Wiwisikan din ang taong nakahipo ng buto ng tao o ng libingan, o ang sinumang pinatay o namatay sa natural na kamatayan.

19Sa ikatlo at ikapitong araw, wiwisikan ng malinis na tao ang maruming tao. At sa ikapitong araw, kailangang labhan ng taong nilinisan ang kanyang damit at maligo siya, at sa gabing iyoʼy ituturing na siyang malinis.

20Ngunit kung ang taong marumi ay hindi maglilinis, huwag nʼyo na siyang ituring na kababayan ninyo, dahil para na rin niyang dinungisan ang Tolda ng Panginoon . At dahil hindi siya nawisikan ng tubig na ginagamit sa paglilinis, marumi pa rin siya.

21Ang tuntuning ito ay dapat nilang sundin magpakailanman.

“Ang taong nagwisik ng tubig na ginagamit sa paglilinis ay kailangang maglaba ng kanyang damit, at ang sinumang humipo ng tubig na panglinis ay ituturing na marumi buong maghapon.

22Ang sinuman o anumang hahawak o hihipo sa maruming tao ay magiging marumi rin hanggang hapon.”

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.