The chat will start when you send the first message.
1Sinabi ng Panginoon kay Moises,
2“Sabihin mo sa mga Israelita na kung ang isang lalaki o babae ay gagawa ng isang panata na itatalaga niya ang kanyang sarili sa paglilingkod sa Panginoon bilang Nazareo,[#6:2 : Ang ibig sabihin, itinalaga.]
3hindi siya dapat uminom ng alak na mula sa ubas o ng kahit na anong nakalalasing na inumin. Hindi rin siya gagamit ng suka na galing sa anumang inuming nakalalasing. Hindi rin siya dapat uminom ng alak, o kumain ng ubas o pasas.
4Habang isa siyang Nazareo, hindi siya dapat kumain ng kahit anong galing sa ubas, kahit na buto o balat nito.
5“Hindi rin niya pagugupitan ang kanyang buhok habang hindi pa natatapos ang kanyang panata sa Panginoon . Kailangang maging banal siya hanggang sa matapos ang panahon ng kanyang panata. Kaya hahayaan lang niyang humaba ang kanyang buhok.
6“At habang hindi pa natatapos ang kanyang panata sa Panginoon , hindi siya dapat lumapit sa patay,
7kahit na ama pa niya ito, ina o kapatid. Hindi niya dapat dungisan ang kanyang sarili dahil lang sa kanila. Dahil ang kanyang buhok ay tanda ng pagtatalaga niya ng kanyang buhay sa Panginoon .[#6:7 Kaugalian na noon ang pagpapakalbo bilang pagluluksa sa namatay. Hindi ito maaaring gawin ng isang Nazareo.]
8Kaya sa buong panahon ng pagtatalaga niya ng kanyang buhay, ibinukod siya para sa Panginoon .
9“Kung may biglang namatay sa kanyang tabi, at dahil ditoʼy nadumihan ang kanyang buhok na tanda ng kanyang pagkakatalaga sa Panginoon , kailangang ahitin niya ito sa ikapitong araw, iyon ang araw ng kanyang paglilinis.[#6:9 : Sa Hebreo, ulo.]
10Sa ikawalong araw, kailangang magdala siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato sa pari doon sa pintuan ng Toldang Tipanan.
11Ihahandog ng pari ang isa bilang handog para sa kasalanan at ang isa bilang handog na sinusunog. Sa pamamagitan nito, mapapatawad siya sa kasalanan niya na paghipo sa patay. Sa mismong araw na iyon, itatalaga niyang muli ang kanyang sarili at muli niyang pahahabain ang kanyang buhok.[#6:11 : Sa Hebreo, ulo.]
12Ang lumipas na mga araw ng kanyang paglilingkod sa Panginoon ay hindi kabilang sa pagtupad niya sa kanyang panata, dahil nadungisan siya nang nakahipo siya ng patay. Kailangang italaga niyang muli ang kanyang sarili hanggang sa matapos ang kanyang panata, at magdala siya ng lalaking tupa bilang handog na pambayad ng kanyang kasalanan.
13“Ito ang kanyang dapat gawin kapag natapos na niya ang kanyang panata bilang Nazareo: Kailangang dalhin siya sa pintuan ng Toldang Tipanan.
14Doon, maghahandog siya sa Panginoon ng mga sumusunod na hayop na walang kapintasan: isang lalaking tupa na isang taóng gulang bilang handog na sinusunog, isang babaeng tupa na isang taóng gulang din bilang handog para sa kasalanan at isang lalaking tupa bilang handog pangkapayapaan.
15Bukod pa rito, maghahandog din siya ng mga handog na pagkaing butil para sa Panginoon , mga handog na inumin at isang basket ng tinapay na walang pampaalsa, na ginawa mula sa magandang klaseng harina. Ang ibang tinapay ay makapal na hinaluan ng langis, at ang iba naman ay manipis na pinahiran ng langis.
16“Ang pari ang maghahandog nito sa Panginoon : Ihahandog niya ang handog para sa kasalanan at ang handog na sinusunog;
17pagkatapos, ihahandog din niya ang lalaking tupa bilang handog pangkapayapaan kasama ang isang basket na tinapay na walang pampaalsa. At ihahandog din niya ang mga handog na pagkaing butil sa Panginoon at ang mga handog na inumin.
18“At doon sa pintuan ng Toldang Tipanan aahitin ng Nazareo ang kanyang buhok na simbolo ng pagtatalaga niya ng kanyang buhay sa Panginoon . Susunugin niya ito sa apoy na pinagsusunugan ng handog pangkapayapaan.
19“Pagkatapos nito, ilalagay ng pari sa kamay ng Nazareo ang balikat ng nilagang tupa at ang manipis at makapal na mga tinapay na walang pampaalsa na galing sa basket.
20Pagkatapos, kukunin ito ng pari at itataas sa presensya ng Panginoon bilang handog na handog na itinataas. Banal ang bahaging ito ng handog, at ito ay nakatalaga para sa pari, pati ang dibdib at paa ng tupa na itinaas din sa Panginoon . Pagkatapos nito, maaari nang makainom ng alak na ubas ang Nazareo.
21“Ito ang tuntunin para sa isang Nazareo. Subalit kung mangangako ang isang Nazareo na maghahandog siya sa Panginoon nang sobra sa ipinapatupad sa kanyang panata, dapat niya itong sundin.”
22Sinabi ng Panginoon kay Moises,
23“Sabihin mo kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki na ito ang kanilang sasabihin kapag magbabasbas sila sa mga Israelita:
24‘Pagpalain nawa kayo ng Panginoon .
25Ipakita nawa ng Panginoon
ang kanyang kabutihan
at awa sa inyo.
26At malugod nawa
ang Panginoon sa inyo
at bigyan niya kayo ng kapayapaan.’
27“Sa pamamagitan nitoʼy maipapahayag nila sa mga Israelita kung sino ako, at pagpapalain ko sila.”