The chat will start when you send the first message.
1Nang unang buwan ng ikalawang taon, mula nang inilabas ang mga Israelita sa Ehipto, sinabi ng Panginoon kay Moises doon sa disyerto ng Sinai,
2“Ipagdiriwang ng mga Israelita ang Pista ng Paglampas ng Anghel sa nakatakdang panahon.
3Simula sa paglubog ng araw sa ikalabing-apat na araw ng buwang ito, kailangang sundin ninyo ang lahat ng tuntunin tungkol sa pistang ito.”
4Kaya sinabihan ni Moises ang mga Israelita na ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel,
5at sinunod nila ito doon sa disyerto ng Sinai pagsapit ng takipsilim nang ikalabing-apat na araw ng unang buwan. Ginawa ito ng lahat ng mga Israelita ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
6Ngunit may iba sa kanila na hindi nakapagdiwang ng Pistang ito dahil nang araw na iyon, itinuturing silang marumi dahil nakahipo sila ng patay. Kaya nang mismong araw na iyon, pumunta sila kina Moises at Aaron
7at sinabi nila, “Naging marumi kami dahil nakahipo kami ng patay, ngunit bakit hindi kami pinapayagan sa pagdiriwang ng pistang ito at sa pag-aalay ng mga handog sa Panginoon kasama ng ibang mga Israelita sa naitakdang panahon?”
8Sumagot si Moises sa kanila, “Maghintay muna kayo hanggang sa malaman ko kung ano ang iuutos ng Panginoon sa akin tungkol sa inyo.”
9Sinabi ng Panginoon kay Moises,
10“Sabihin mo sa mga Israelita na kahit sino sa kanila o sa kanilang mga lahi na naging marumi dahil sa paghipo ng patay o dahil bumiyahe siya sa malayo, makakapagdiwang pa rin siya ng Pista ng Paglampas ng Anghel.[#9:10 : Sa literal, Pista ng Paglampas ng Anghel para sa . Ganito rin sa talata 14|NUM 9:14 at Bil. 28:16.]
11Ipagdiriwang nila ito pagkalipas ng isang buwan, simula sa paglubog ng araw sa ika-labing-apat na araw ng ikalawang buwan. Kakain sila ng tupa kasama ng tinapay na walang pampaalsa at ng mapait na halaman.
12Kailangang wala silang iiwanang pagkain kinaumagahan, at hindi rin nila babaliin ang mga buto ng tupa. Kung magdiriwang sila ng Pista ng Paglampas ng Anghel, kailangang sundin ang lahat ng mga tuntunin tungkol dito.
13“Ngunit ang taong itinuturing na malinis at hindi naglakbay sa malayo pero hindi niya ipinagdiriwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel ay ititiwalag sa kanyang sambayanan sapagkat hindi siya nag-alay ng handog para sa Panginoon sa nakatakdang panahon. Pagdurusahan niya ang kanyang kasalanan.
14“Kung may dayuhan na naninirahang kasama ninyo na gustong makipagdiwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel upang parangalan ang Panginoon , kailangang ipagdiwang niya ito ayon sa lahat ng mga tuntunin nito. Magkapareho lang ang mga tuntunin para sa mga katutubong Israelita at sa mga dayuhan.”
15Nang araw na ipinatayo ang Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan, natakpan ito ng ulap. Ang ulap na itoʼy nagliwanag na parang apoy mula gabi hanggang umaga.
16Ganito palagi ang nangyayari – ang ulap ay bumabalot sa Toldang Tipanan kung araw at nagliliwanag naman ito na parang apoy kung gabi.
17Kapag pumapaitaas na ang ulap, umaalis na rin ang mga Israelita at nagpapatuloy sa kanilang paglalakbay, at kung saan tumitigil ang ulap, doon sila nagkakampo.
18Kaya naglalakbay at nagkakampo ang mga Israelita ayon sa utos ng Panginoon . Hindi sila naglalakbay habang nasa ibabaw pa ng Tolda ang ulap.
19Kahit magtagal ang ulap sa ibabaw ng Tolda, naghihintay ang mga Israelita sa utos ng Panginoon at hindi sila umaalis.
20Kung minsan, mga ilang araw lang ang ulap sa ibabaw ng Tolda, kaya nananatili rin doon ang mga tao ng ilang araw. Pagkatapos, aalis ulit sila ayon sa utos ng Panginoon .
21Kung minsan namaʼy nananatili lang ang ulap sa ibabaw ng Tolda ng isang gabi at pumapaitaas na ito kinaumagahan, at nagpapatuloy sila sa paglalakbay. Araw man o gabi, naglalakbay ang mga Israelita sa tuwing pumapaitaas ang ulap.
22Kung nananatili ang ulap sa ibabaw ng Tolda nang dalawang araw o isang buwan o isang taon, ganoon din katagal nananatili ang mga Israelita sa kanilang kampo.
23Kaya nagkakampo at naglalakbay ang mga Israelita ayon sa utos ng Panginoon . At sinunod nila ang mga utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.