Kawikaan 13

1Ang matalinong anak ay nakikinig

sa pangaral ng kanyang ama,

ngunit ang mapangkutyang anak

ay hindi nakikinig kapag sinasaway siya.

2Ang taong nagsasalita ng mabuti

ay gagantihan ng mabuting bagay,

ngunit ang salita ng taong hindi tapat

ay gagantihan ng karahasan.

3Ang taong maingat sa pagsasalita

ay nag-iingat ng kanyang buhay.

Ngunit ang taong madaldal,

dulot sa sarili ay kapahamakan.

4Ang puso ng tamad

ay puno ng hangarin,

na hindi niya makakamtan,

ngunit ang inaasam ng masipag

ay tiyak na matutugunan.

5Ang taong matuwid

ay namumuhi sa kasinungalingan,

ngunit ang taong masama

ay gumagawa ng mga bagay

na kahiya-hiya.

6Ang taong walang kapintasan

ay iingatan dahil sa kanyang

matuwid na pamumuhay,

ngunit ang makasalanan

ay mapapahamak

dahil sa kanyang kasamaan.

7May mga taong nagkukunwaring mayaman

ngunit mahirap naman,

at may mga nagkukunwaring mahirap

ngunit mayaman naman.

8Ang taong mayaman

ay may pantubos ng kanyang buhay,

ngunit ang taong mahirap

ay hindi man lang pinagtatangkaan.

9Ang buhay ng taong matuwid

ay parang ilaw na maliwanag,

ngunit ang buhay ng masama

ay parang ilaw na namatay.

10Ang kayabangan ay humahantong

sa kaguluhan at pagtatalo,

ngunit ang nakikinig sa payo

ay nagpapahiwatig ng karunungan.

11Ang kayamanang nakuha

sa pandaraya

ay madaling nawawala,

ngunit ang kayamanang pinaghirapan

ay pinagpapala.

12Ang hangaring naantala

ay nakapanghihina,

ngunit ang hangaring natupad

ay nakapagpapalakas at nakapagpapasigla.

13Ang taong tumatanggi

sa turo at utos sa kanya

ay mapapahamak,

ngunit ang sumusunod dito

ay gagantimpalaan.

14Ang mga turo ng taong matalino

ay bukal ng buhay,

ilalayo ang tao sa bitag ng kamatayan.

15Ang taong may mabuting pang-unawa

ay iginagalang,

ngunit ang taong taksil

ay kapahamakan ang kahahantungan.

16Ang taong maalam,

itinatago ang karunungan

ngunit ang taong hangal,

inilalantad ang kanyang kahangalan.

17Ang masamang sugo

ay lumilikha ng kaguluhan,

ngunit ang mapagkakatiwalaang sugo

ay nagpapabuti ng ugnayan.

18Ang taong ayaw tumanggap ng pangaral

ay daranas ng kahirapan at kahihiyan,

ngunit ang tumatanggap nito

ay pararangalan.

19Ang pangarap na natupad

ay nagdudulot ng ligaya;

subalit ang taong hangal

ay hindi tumitigil sa paggawa ng masama.

20Kapag ang lagi mong kasama

ay isang taong marunong,

magiging marunong ka rin,

ngunit kapag hangal

ang lagi mong kasama

ay mapapahamak ka.

21Ang kapahamakan ay darating

sa mga makasalanan

saanman sila magpunta,

ngunit ang mga matuwid

ay gagantimpalaan

ng mabubuting bagay.

22Ang kayamanan ng mabuting tao

ay mamanahin ng kanyang mga apo,

ngunit ang kayamanan ng makasalanan

ay mapupunta sa matutuwid.

23Umani man ng sagana ang lupain ng mahihirap,

hindi rin sila makikinabang dito

dahil sa hindi makatuwirang

patakaran ng iba.

24Ang mapagmahal na magulang

ay nagdidisiplina ng kanyang anak.

Sapagkat kung mahal mo ang iyong anak

itutuwid mo ang kanyang ugali.

25Ang taong matuwid

ay makakakain ng sapat,

ngunit ang masasamâ

ay magugutom.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.