Kawikaan 15

1Ang malumanay na sagot

ay nakakapawi ng poot,

ngunit lalong nakakapagpagalit

ang pabalang na sagot.

2Ang salita ng taong marunong

ay nagpapahiwatig ng karunungan,

ngunit ang salita ng hangal

ay nagpapakita ng kahangalan.

3Nakikita ng Panginoon

ang lahat ng lugar.

Minamasdan niya ang ginagawa

ng masasama at ng mga matuwid.

4Ang malumanay na pananalita

ay nakapagpapasigla ng kalooban ng tao,

ngunit ang masakit na salita

ay nakakasugat ng puso.

5Hindi pinapansin ng taong hangal

ang pagtutuwid ng kanyang ama,

ngunit ang taong marunong,

sumusunod sa mga paalala sa kanya.

6Dadami ang kayamanan

sa tahanan ng mga matuwid,

ngunit anumang pag-aari ng masasamâ

ay mawawala.

7Ikinakalat ng marunong

ang kanyang karunungan,

ngunit hindi ito magawa ng mangmang.

8Kasuklam-suklam sa Panginoon

ang handog ng masasamâ,

ngunit kalugod-lugod sa kanya

ang panalangin ng mga matuwid.

9Kinamumuhian ng Panginoon

ang taong ang gawain ay masama,

ngunit ang taong nagsusumikap

na gumawa ng matuwid

ay minamahal niya.

10Minamasama ng taong naliligaw ng landas

kapag itinutuwid siya.

Ang taong umaayaw sa mga pagtutuwid

ay mamamatay.

11Kung alam ng Panginoon

ang nangyayari sa daigdig ng mga patay,

lalo namang alam niya

ang nasa puso ng mga taong buháy.

12Ang taong nangungutya

ay minamasama ang pagsaway;

ayaw ding tumanggap ng payo

mula sa taong may karunungan.

13Kapag ang tao ay masaya, nakangiti siya,

ngunit kapag ang tao ay malungkot,

mukha niya ay nakasimangot.

14Ang taong may pang-unawa

ay naghahangad pa ng karunungan,

ngunit ang taong hangal

ay naghahangad pa ng kahangalan.

15Ang buhay ng mga dukha

ay palaging mahirap,

ngunit kung makukuntento lang sila

ay palagi silang magiging masaya.

16Mas mabuti pang maging mahirap

na may takot sa Panginoon ,

kaysa maging mayaman na ang buhay

ay puno ng kaguluhan.

17Mas mabuti pa ang mag-ulam

ng kahit gulay lang

ngunit may pagmamahalan,

kaysa sa mag-ulam

ng pinatabang guya

ngunit may alitan.

18Ang taong mainitin ang ulo

ay nagpapasimula ng gulo,

ngunit ang taong mahinahon

ay tagapamayapa ng gulo.

19Ang daanan ng tamad

ay puno ng dawag,

ngunit ang daanan ng matuwid

ay malinis na kalsada.

20Ang anak na marunong

ay ligaya ng magulang,

ngunit ang anak na hangal

ay hinahamak ang magulang.

21Ang taong walang isip

ay nagagalak sa kahangalan,

ngunit ang taong may pang-unawa

ay namumuhay sa katuwiran.

22Nabibigo ang plano

kapag walang nagpapayo,

ngunit kapag maraming tagapayo,

magtatagumpay ang mga ito.

23Nagagalak ang tao

kapag akma ang sagot niya.

Mas nagagalak siya

kung nakakasagot siya

sa tamang pagkakataon.

24Ang daan patungo sa buhay

ang sinusundan ng taong maalam

at iniiwasan niya ang daan

patungo sa kamatayan.

25Wawasakin ng Panginoon

ang bahay ng hambog,

ngunit iingatan niya

ang lupain ng biyuda.

26Kinasusuklaman ng Panginoon

ang iniisip ng masasamang tao,

ngunit nagagalak siya

sa iniisip ng mga taong

may malinis na puso.

27Ang taong yumaman sa masamang paraan

ay nagdudulot ng kaguluhan

sa kanyang sambahayan.

Mabubuhay naman nang matagal

ang taong hindi nasusuhulan.

28Ang taong matuwid

ay pinag-iisipan muna ang sasabihin,

ngunit ang taong masama

ay basta na lamang nagsasalita.

29Malayo ang Panginoon sa masasamâ,

ngunit malapit siya sa matutuwid

at pinapakinggan niya

ang kanilang dalangin.

30Ang masayang mukha

ay nagbibigay ng tuwa

at nagpapasigla ang magandang balita.

31Ang taong nakikinig

sa mga turo ng buhay

ay maibibilang sa mga marurunong.

32Pinapasama ng tao ang kanyang sarili

kapag binabalewala niya ang pagtutuwid

sa kanyang pag-uugali,

ngunit kung makikinig siya,

lalago ang kanyang kaalaman.

33Ang takot sa Panginoon

ay nagtuturo ng karunungan,

at ang nagpapakumbaba

ay pinaparangalan.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.