The chat will start when you send the first message.
1Nasa tao ang pagpaplano,
ngunit ang Panginoon ang nagpapasya
kung magaganap ito o hindi.
2Ang akala ng taoʼy mabuti
ang kanyang mga ginagawa,
ngunit sinusuri ng Panginoon
ang tunay na hangarin niya.
3Ipagkatiwala mo sa Panginoon
ang mga gagawin mo,
at magtatagumpay ka
sa iyong mga plano.
4Ang lahat ay nilikha ng Panginoon
na mayroong layunin,
kahit na nga ang masasamâ,
itinalaga sila para sa kapahamakan.
5Kinasusuklaman ng Panginoon
ang mayayabang
at tiyak na silaʼy parurusahan.
6Kung minamahal natin ang Panginoon
nang may katapatan,
patatawarin niya
ang ating mga kasalanan.
Kung may takot tayo sa kanya
nang may paggalang,
makakalayo tayo sa kasamaan.
7Kapag kinalulugdan ng Panginoon
ang ating pamumuhay,
kahit na ang ating kaaway
ay gagawin niyang ating kaibigan.
8Mas mabuti pa ang kaunting halaga
na kinita sa matuwid na paraan,
kaysa sa malaking halaga na kinita
nang hindi makatarungan.
9Ang tao ang nagpaplano,
ngunit nasa Panginoon
ang kaganapan nito.
10Ang haring pinapatnubayan
ng karunungan ng Panginoon ,
ay palaging tama ang paghatol.
11Matapat na timbangan
at walang dayang sukatan
ang nais ng Panginoon sa kalakalan.
Ang tamang bigat
ang kanyang pamantayan.
12Sa mga hari ay kasuklam-suklam
ang paggawa ng kasamaan,
dahil magpapatuloy lamang
ang kanilang pamamahala
kung sila ay makatuwiran.
13Nalulugod ang mga hari
sa mga taong hindi nagsisinungaling;
minamahal nila ang mga taong
nagsasabi ng katotohanan.
14Kapag ang hari ay nagalit
maaaring may masawi,
kaya sinisikap ng taong matalino
na malugod ang hari.
15Kapag ang hari ay ngumingiti,
katumbas nito ay buhay.
Kapag ang hari ay nalulugod,
katulad nitoʼy ulan sa tagsibol.
16Higit na mabuti ang magkaroon
ng karunungan at pang-unawa,
kaysa sa magkaroon ng pilak at ginto.
17Ang daan ng matuwid
ay lumilihis sa kasamaan;
silang maingat sa kanilang landas
ay naililigtas ang kanilang buhay.
18Ang kayabangan ay humahantong
sa kapahamakan,
at ang nagmamataas
ay ibabagsak.
19Mas mabuti pang magpakumbaba
kasama ng mga mahihirap
kaysa makibahagi sa kayamanang kinamkam
ng mga mayayabang.
20Ang taong nakikinig
kapag tinuturuan ay uunlad,
at ang taong nagtitiwala
sa Panginoon ay mapalad.
21Ang marunong ay kinikilalang
may pang-unawa,
at kung siyaʼy magaling magsalita
marami ang matututo sa kanya.
22Kapag may karunungan ka,
buhay moʼy bubuti at hahaba;
ngunit kung hangal ka, parurusahan ka
dahil sa iyong kahangalan.
23Ang taong maalam ay nag-iingat
sa kanyang mga sinasabi,
kaya natututo ang iba sa kanya.
24Ang matatamis na salita
ay parang pulot-pukyutan,
nakakapagpasaya at nakakapagpasigla
ng katawan.
25Maaaring iniisip mo
na ikaw ay nasa tamang daan,
ngunit ang dulo pala nito
ay kamatayan.
26Ang gutom ng mga manggagawa
ang dahilan ng kanilang pagsisikap,
ito ang nagtutulak
upang silaʼy magtrabaho.
27Ang taong masama
ay nag-iisip ng kasamaan,
at ang bawat sabihin niya
ay parang apoy na nakakapaso.
28Ang taong nanlilibak ng kapwa
ay nagsisimula ng away,
at ang matalik na magkaibigan
ay kanyang pinaghihiwalay.
29Ang taong nabubuhay sa karahasan
ay nanghihikayat ng kanyang kapwa
sa kasamaan.
30Mag-ingat sa taong ngingiti-ngiti
at kikindat-kindat
dahil maaaring masama
ang kanyang binabalak.
31Ang katandaan ay tanda ng karangalan[#16:31 : Sa literal, Ang mga uban ay korona ng karangalan.]
na matatanggap ng taong
namumuhay sa katuwiran.
32Higit na mabuti ang taong mapagpasensya
kaysa sa taong makapangyarihan.
Higit na mabuti ang taong
nakakapagpigil sa sarili
kaysa sa taong nakakasakop
ng isang lungsod.
33Ang mga taoʼy nagpapalabunutan
subalit nasa Panginoon ang kapasyahan.