Kawikaan 19

1Mas mabuti pa ang mahirap

na namumuhay nang matuwid

kaysa sa hangal na sinungaling.

2Maging masigasig ka man

ngunit walang nalalaman,

wala rin itong kabuluhan.

Kapag ikaw naman ay pabigla-bigla

madali kang magkakasala.

3Kamangmangan ng tao

ang nagpapahamak sa kanyang sarili,

at pagkatapos sa Panginoon

ibinabaling ang sisi.

4Ang mayaman ay maraming kaibigan,

ngunit ang mahirap namaʼy

iniiwanan ng kaibigan.

5Ang saksing sinungaling ay parurusahan,

at ang nagsisinungaling

ay hindi makakatakas sa kaparusahan.

6Marami ang lumalapit sa pinunong mabait,

at sa mapagbigay ang lahat

ay nakikipagkaibigan.

7Ang mahihirap ay iniiwasan

ng mga kamag-anak,

at lalo na ng mga kaibigan.

Kapag sila ay kailangan,

hindi sila matagpuan.

8Ang taong nagsisikap na magkaroon

ng karunungan

ay nagmamahal sa sarili,

at ang nagpapahalaga

sa pang-unawa ay uunlad.

9Ang hindi tapat na saksi ay parurusahan,

at ang sinumang nagsisinungaling

ay mapapahamak.

10Hindi bagay sa taong mangmang

ang mamuhay sa karangyaan,

at mas lalong hindi bagay sa isang alipin

ang mamuno sa mga pinuno.

11Ang karunungan ng isang tao

ay nagbubunga ng kahinahunan;

ang pagbabalewala sa kasalanan ng iba

ay karangalan niya.

12Ang galit ng hari ay parang atungal ng leon,

ngunit ang kanyang kabutihan

ay tulad ng hamog na bumabasa

sa mga halaman.

13Ang anak na hangal

ay kapahamakan

sa kanyang ama.

Ang bungangerang asawa

ay tulad ng tulo na walang tigil.

14Bahay at kayamanan sa magulang

ay namamana,

ngunit ang Panginoon lang

ang nagbibigay ng maalam na asawa.

15Kung ikaw ay tamad

at tulog lang nang tulog,

magugutom ka.

16Mabubuhay nang matagal

ang taong sumusunod sa kautusan,

ngunit ang suwail ay hahantong

sa kamatayan.

17Ang tumutulong sa mahirap

ay parang nagpapautang sa Panginoon ,

dahil ang Panginoon ang magbabayad

sa kabutihang ginawa niya.

18Ituwid mo ang iyong anak

habang may panahon pa.

Kung hindi mo siya itutuwid,

ikaw na rin ang nagpahamak sa kanya.

19Hayaan mong maparusahan

ang taong magagalitin,

dahil kapag tinulungan mo

siya nang minsan,

paulit-ulit mo lang siyang tutulungan.

20Dinggin mo at sundin ang mga payo

at pagtutuwid sa iyong pag-uugali,

at sa bandang huli

ay magiging marunong ka.

21Marami tayong mga pinaplano,

ngunit ang kalooban pa rin

ng Panginoon ang masusunod.

22Ang gusto natin sa isang tao

ay matapat.

Mas mabuti pang maging mahirap

kaysa maging sinungaling.

23Ang pagkatakot sa Panginoon

ay magdudulot ng mahabang buhay,

kasapatan, at kaligtasan

sa kapahamakan.

24May mga taong sobrang batugan

na kahit ang kumain ay kinatatamaran.

25Parusahan mo ang mapanuya

upang matutong mag-ingat

ang wala sa katinuan.

Pagsabihan mo ang may unawa

at lalo siyang magiging marunong.

26Sinumang nagmamalupit

sa kanyang ama

o di kayaʼy nagpapalayas

sa kanyang ina

ay isang anak na sumisira

sa kanyang pangalan

at nagdudulot ng kahihiyan sa bayan.

27Anak, kung hindi ka makikinig

sa mga pangaral

upang maituwid ang iyong pag-uugali,

tinatanggihan mo ang mga turo

na nagbibigay ng karunungan.

28Ang saksing sinungaling

ay humahamak sa katarungan,

at ang bibig ng masama

ay lumalamon ng kasamaan.

29Sa mga mapanuya

ay may hatol na nakalaan,

at hagupit naman ang nakahanda

para sa mga hangal.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.