Kawikaan 20

1Ang alak ay nagbubunga ng panunuya,

inuming matapang na dulot ay kaguluhan,

kaya ang taong naglalasing ay salat

sa karunungan.

2Ang poot ng hari ay nakakasindak

tulad ng atungal ng leon.

Manganganib ang buhay

ng gumagalit sa kanya.

3Ang pag-iwas sa gulo

ay tanda ng karangalan;

ang hangal lang ang may gusto

ng kaguluhan.

4Ang taong tamad mag-araro

sa panahon ng pagtatanim

ay walang makukuha

pagdating ng anihan.

5Ang isipan ng tao ay tulad ng tubig

sa balong malalim,

kaya itong igibin ng taong marunong.

6Marami ang nagsasabing sila ay tapat,

ngunit ang totooʼy mahirap makahanap

ng taong tunay na mapagkakatiwalaan?

7Ang taong matuwid

ay walang kapintasan.

Mapalad ang mga anak niya

kung siya ang kanilang tinutularan.

8Kapag ang hari ay humahatol,

tinitiyak muna niya kung sino

ang gumawa ng masama.

9Sino ang makapagsasabing,

“Napanatili kong malinis ang aking puso.

Busilak ito at walang kasalanan.”

10Ang madadayang timbangan at sukatan,

sa paningin ng Panginoon

ay kasuklam-suklam.

11Ang mga ginagawa ng isang kabataan

ay nagpapakita ng kanyang

tunay na pag-uugali,

kung siya ba ay matuwid o hindi.

12Ang taingang nakakarinig

at matang nakakakita

ay ang Panginoon

ang siyang gumawa.

13Kung tulog ka nang tulog

maghihirap ka,

ngunit kung magsisikap ka,

ang iyong pagkain ay sasagana.

14Pinipintasan ng mamimili ang kanyang

binibili upang makatawad siya.

Ngunit kung itoʼy nabili na

ay ipinagyayabang pa.

15Marami ang ginto at mamahaling bato,

ngunit iilan lamang ang nakapagsasalita

nang may karunungan.

16Kung may taong nangako

na babayaran niya sa iyo

ang utang ng taong hindi niya kilala,

tiyakin mong makakakuha ka

sa kanya ng garantiya,

upang makatiyak kang babayaran ka niya.

17Ang pagkaing nakuha sa pandaraya

sa una ay matamis ang lasa,

ngunit sa huli ay lasang buhangin na.

18Humingi ka ng payo

sa iyong pagpaplano

o bago makipaglaban sa digmaan.

19Ang taong masalita nagbubunyag ng sikreto,

kaya iwasan mo ang ganyang uri ng tao.

20Mamamatay ang sinumang sumumpa

sa kanyang magulang,

para siyang ilaw na namatay

sa gitna ng kadiliman.

21Ang mana na kinuha ng maaga

sa bandang huliʼy hindi magiging pagpapala.

22Huwag kang maghiganti.

Magtiwala ka sa Panginoon ,

at tutulungan ka niya.

23Nasusuklam ang Panginoon

sa mga nandadaya sa timbangan.

Hindi ito mabuting gawain.

24Ang Panginoon ang nagkaloob

nitong ating buhay,

kaya hindi natin alam

ang ating magiging kapalaran.

25Bago mangako sa Diyos

ay isiping mabuti,

baka magsisi ka sa bandang huli.

26Tinitiyak ng isang matalinong hari

na malaman kung sino

ang gumagawa ng kasamaan

at pagkatapos, silaʼy parurusahan.

27Ang espiritu ng tao[#20:27 : O, mga salita ng tao.]

ay parang ilaw ng Panginoon

na sumisiyasat sa kaloob-looban ng pagkatao.

28Ang haring mabuti at tapat

ay hindi mapapahamak,

at magtatagal siya sa kanyang luklukan.

29Karangalan ng kabataan

ang kanilang kalakasan,

at karangalan naman ng matatanda

ang kanilang katandaan.

30Kung minsan ang parusa

ay nagdudulot ng mabuti

upang magbago tayo.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.