Kawikaan 25

Iba pang mga Kawikaan ni Solomon

1Narito pa ang ilang kawikaan ni Solomon na kinopya ng mga tauhan ni Haring Ezequias ng Juda.

2Karangalan ng Diyos

na ilihim ang isang bagay,

at karangalan naman ng hari

na tuklasin ang isang bagay.

3Kung gaano kataas ang langit

at kalalim ang lupa,

ganoon din ang puso ng hari

na hindi kayang saliksikin.

4Ang dumi sa pilak ay tanggalin

upang ang panday

ay magawa itong gamitin.

5Kailangang alisin ang masasamang

tauhan ng hari

upang magpatuloy ang katuwiran

sa kanyang kaharian.

6Kung nasa harapan ka ng hari,

huwag mong ipagyabang ang iyong sarili

o di kayaʼy ilugar ang sarili

sa mga dakilang nanunungkulan.

7Mas mabuti kung siya ang magsabi,

“Halika dito sa aking tabi,”

kaysa ipahiya ka sa harap

ng mga maharlika.

8Huwag kang magpabigla-biglang magsabi

sa korte ng iyong nakita.

Kung mapatunayan ng isang saksi na mali ka,

ano na lang ang gagawin mo?

9Kung may alitan kayo ng iyong kapwa,

itoʼy inyong pag-usapan muna.

At ang lihim ng bawat isa

ay huwag sasabihin sa iba.

10Baka makarating sa kaalaman ng madla

at kayoʼy maging kahiya-hiya.

11Kapag ang salitang binigkas

ay angkop sa pagkakataon,

itoʼy parang gintong mansanas

na nakalagay sa isang lalagyang pilak.

12Tulad ng gintong hikaw

o mamahaling hiyas na ginto

ang pagsaway ng matalino

sa nakikinig na tao.

13Ang mapagkakatiwalaang sugo

ay nagbibigay ng kasiyahan

sa kanyang pinaglilingkuran,

tulad ng malamig na tubig

sa panahon ng tag-init.

14Ang taong hindi tumutupad

sa kanyang pangako

ay parang ulap at hangin

na walang dalang ulan.

15Ang mapagpasensya

at ang mahinahon magsalita

ay makapanghihikayat ng mga pinuno

at kahit na ng may matitigas na puso.

16Huwag kang kakain ng labis na pulot

at baka magsuka ka.

17Huwag kang dadalaw ng madalas sa iyong kapitbahay,

baka magalit siya at sa iyo ay magsawa.

18Ang taong sumasaksi

sa kasinungalingan laban

sa kanyang kapwa

ay nakakapinsala tulad ng espada,

pamalo at pana.

19Ang pagtitiwala sa taong

hindi mapagkakatiwalaan

sa oras ng pangangailangan

ay walang kuwenta

tulad ng paang pilay o ngiping umuuga.

20Kung aawitan mo ng masasayang

himig ang taong labis ang hinagpis,

para mong binuhusan

ng suka ang kanyang sugat,

o di kayaʼy inalisan siya

ng balabal sa taglamig.

21Kapag nagugutom ang iyong kaaway,

pakainin mo;

kapag nauuhaw,

painumin mo.

22Kapag ginawa mo ito

mahihiya siya sa iyo

at ang Panginoon

ang magpapala sa iyo.

23Kung paanong ang hanging habagat

ay nagdadala ng ulan,

nagdadala naman ng galit

ang naninira ng kapwa.

24Mas mabuting tumira nang mag-isa

sa bubungan ng bahay

kaysa sa loob ng bahay na kasama

ang asawang palaaway.

25Ang magandang balita

mula sa malayong lugar

ay parang malamig na tubig

sa taong nauuhaw.

26Ang matuwid na umaayon

sa gawain ng masamang tao

ay parang maruming balon

at malabong bukal.

27Kung paanong masama

ang pagkain ng labis na pulot,

ganoon din ang paghahangad

ng sariling kapurihan.

28Ang taong walang pagpipigil sa sarili

ay tulad ng isang bayan

na nasira ang pader.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.