Kawikaan 26

1Kung paanong hindi nababagay

na mag-nyebe sa tag-araw

at umulan sa panahon ng tag-ani,

hindi rin nababagay na parangalan

ang taong hangal.

2Ang sumpa ay hindi tatalab

sa walang kasalanan.

Tulad ito ng ibong hindi dumadapo

at lilipad-lipad lamang.

3Kailangan ang latigo para sa kabayo,

bokado para sa asno, at pamalo

para sa hangal na tao.

4Huwag mong sagutin ang hangal

kung nakikipag-usap siya sa iyo

ng kahangalan,

at baka matulad ka rin sa kanya.

5Sagutin mo ang hangal

ayon sa kanyang kahangalan

para hindi niya akalaing siyaʼy matalino.

6Kapag nagpadala ka ng mensahe

sa pamamagitan ng isang mangmang,

para mo na ring pinutol ang iyong mga paa,

at para ka na ring gumawa

ng sariling kapahamakan.

7Tulad ng walang silbing mga paa ng isang lumpo

ang kawikaang sinasabi ng isang hangal.

8Ang pagpaparangal sa isang hangal

ay parang batong nakatali sa tirador.

9Ang kawikaan sa bibig ng isang hangal

ay walang silbi katulad ng tinik

sa kamay ng isang lasing.

10Kahangalan ang pumana ng kahit sino;

gayon din ang pagkuha sa hangal

o sa sinumang dumadaan

upang upahan.

11Inuulit ng hangal ang kanyang kahangalan,

tulad ng asong binabalikan

ang kanyang suka upang kainin.

12Mas mabuti pa ang hinaharap

ng isang taong mangmang

kaysa sa taong nagmamarunong.

13Ang batugan ay hindi lumalabas ng tahanan,

ang kanyang dahilan

ay may leon sa lansangan.

14Gaya ng pintuang pumipihit sa bisagra

ang batugan na papihit-pihit

sa kanyang kama.

15May mga taong sobrang tamad

na kahit ang kumain

ay kinatatamaran.

16Ang akala ng batugan

mas marunong pa siya

kaysa sa pitong tao na

tamang mangatuwiran.

17Mapanganib ang nanghihimasok

sa gulo ng may gulo,

ito ay tulad ng pagdakma

sa tainga ng aso.

18-19Ang taong nandaraya

sa kanyang kapwa

at saka sasabihing,

“Nagbibiro lamang ako,”

ay tulad ng isang baliw na

pumapana sa mga tao

gamit ang kanyang umaapoy

at nakamamatay na palaso.

20Namamatay ang apoy

kung ubos na ang panggatong,

natitigil ang away kung wala nang tsismisan.

21Kung uling ang nagpapabaga at kahoy

ang nagpapaliyab ng apoy,

ang taong palaaway naman

ang nagpapasimula ng gulo.

22Ang tsismis ay parang pagkaing

masarap nguyain at lunukin;

at nakakarating sa kaloob-looban ng tao.

23Maaaring itago ng magandang pananalita

ang masamang isipan,

tulad nito ay mumurahing banga

na pininturahan ng pilak.

24Maaaring ang kaaway

ay magandang magsalita,

ngunit ang nasa isip niya

ay makapandaya.

25Kahit masarap pakinggan

ang kanyang pananalita

ay huwag kang maniwala,

sapagkat ang iniisip niya

ay napakasamâ.

26Maaaring ang galit

ay kanyang maitago,

ngunit malalantad din sa karamihan

ang masama niyang gawa.

27Ang humuhukay ng patibong

ay siya rin ang mahuhulog doon.

Ang nagpapagulong ng malaking bato

ay siya rin ang magugulungan nito.

28Ang sinungaling ay nagagalit

sa nabiktima niya ng kasinungalingan,

at ang taong nambobola

ay ipapahamak ka.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.