1Huwag mong ipagyabang
ang gagawin mo bukas,
sapagkat hindi mo alam
kung anong mangyayari
sa araw na iyon.
2Huwag mong purihin ang iyong sarili;
pabayaan mong iba ang sa iyo ay pumuri.
3Ang buhangin at bato ay mabigat,
ngunit mas mabigat na problema
ang idudulot ng taong hangal.
4Mapanganib ang taong galit,
ngunit ang taong seloso
ay higit na mapanganib.
5Mas mabuti ang pagsaway
na lantaran,
kaysa sa pag-ibig
na hindi ipinapaalam.
6Ang masakit na pagsaway ng isang
tunay na kaibigan ay may katuturan,
ngunit ang halik ng kaaway ay hindi maaasahan.
7Kahit pulot ay tinatanggihan
ng taong busog,
ngunit sa taong gutom
kahit pagkaing mapait ang lasa
ay matamis sa kanya.
8Ang taong lumayas
sa kanyang bahay
ay parang ibong lumayas
sa kanyang pugad.
9Ang langis at pabango
ay gaya ng tapat na payo
ng isang kaibigan na nagdudulot
ng kaligayahan.
10Huwag mong talikuran
ang iyong kaibigan
o ang kaibigan ng iyong pamilya.
Kapag may sakunang nangyari,
huwag kang pupunta
sa bahay ng iyong kapatid;
mas nakakatulong pa
ang malapit na kapitbahay
kaysa kapatid na nasa malayo.
11Anak, magpakatalino ka
upang ako ay maging maligaya,
at upang may maisagot ako
sa nagpapahiya sa akin.
12Ang taong maalam ay umiiwas
sa paparating na panganib,
ngunit ang taong wala sa katinuan
ay sumusuong sa panganib,
kaya siya ay napapahamak.
13Tiyakin mong makakuha ng garantiya
sa sinumang nangakong managot
sa utang ng hindi mo kilala,
upang matiyak mong mababayaran ka.
14Kapag may bumati
nang pasigaw sa umaga,
kahit na itoʼy isang pagpapala,
ituturing itong sumpa.
15Ang asawang bungangera
ay parang tumutulong bubungan
sa panahon ng tag-ulan.
16Hindi siya mapatigil,
tulad ng hanging hindi mapigilan
o kaya ng langis na hindi mahawakan.
17Kung paanong pinatatalas
ng bakal ang kapwa-bakal,
ang tao namaʼy matututo
sa kanyang kapwa-tao.
18Kapag inalagaan mo ang puno ng igos,
makakakain ka ng bunga nito.
Ganoon din kapag pinagmalasakitan mo
ang iyong amo,
ikaw naman ay kanyang pararangalan.
19Kung paanong ang mukha ng tao
ay naaaninaw sa tubig,
ang pagkatao naman
ay makikita sa iyong puso.
20Ang kapahamakan at kamatayan
ay walang kasiyahan,
gayon din ang hangarin ng tao.
21Pilak at ginto sa apoy sinusubok,
ang tao naman ay nasusubok
sa pamamagitan ng papuring
kanyang natatanggap.
22Tadtarin mo man ng parusa
ang taong hangal,
ang kahangalan niya
ay hindi mo pa rin maiaalis sa kanya.
23Mga hayop mo ay iyong alagaan
at ang kawan mo ay pakabantayan.
24Sapagkat ang kayamanan
ay hindi mamamalagi magpakailanman.
Maging ang korona ay lilipas
at hindi magtatagal sa habang panahon.
25Kapag ang dayami ay nawala
at bago na ang mga usbong,
at ang mga damo sa parang
ay natapos nang natipon,
26ang mga tupa ay magbibigay
saʼyo ng kasuotan,
at ang mga kambing namaʼy maipagbibili mo
sa halaga ng isang bukid.
27Mula sa mga kambing, makakakuha ka
ng maraming gatas
na sapat sa pangangailangan
ng iyong pamilya
at mga babaeng utusan.