1Tumatakbo ang masama
kahit walang humahabol,
ngunit ang matuwid
ay matapang tulad ng leon.
2Kapag suwail ang isang bayan,
ang kanilang pinuno ay madalas napapalitan.
Ngunit kung ang pinuno
ay may pang-unawa at karunungan,
mananatiling matatag ang kalagayan.
3Ang taong mahirap na gumigipit
sa kapwa niya mahirap
ay tulad ng rumaragasang ulan
na sumisira sa pananim.
4Pinupuri ng masama
ang mga taong lumalabag sa utos,
ngunit ang sumusunod dito,
kinakalaban ang masama.
5Hindi maintindihan ng masasama
ang katarungan,
ngunit lubos itong nauunawaan
ng mga lumalapit sa Panginoon .
6Mas mabuti pa ang mahirap
na namumuhay nang matuwid
kaysa sa mayamang
namumuhay sa kasalanan.
7Ang anak na may pang-unawa
ay sumusunod sa kautusan,
ngunit ang anak na sa
matatakaw nakikipagkaibigan
ang magulang niyaʼy binibigyan
ng kahihiyan.
8Kung yumaman ka
sa pamamagitan ng patubuan,
ang iyong kayamanan
ay mapupunta sa matulungin
sa mga nangangailangan.
9Ang taong hindi sumusunod
sa kautusan,
kahit ang kanyang panalangin
ay kasuklam-suklam.
10Ang taong inililigaw ang matuwid
upang magkasala
ay mabibiktima ng sarili niyang mga pakana.
Ngunit ang taong namumuhay nang matuwid
ay tatanggap ng maraming kabutihan.
11Iniisip ng mayayaman
na napakarunong na nila,
ngunit alam ng taong mahirap
na may pang-unawa
kung anong klaseng tao talaga sila.
12Kapag matuwid ang namumuno
nagdiriwang ang mga tao,
ngunit kapag ang pumalit ay masama,
mga taoʼy nagtatago.
13Hindi ka uunlad
kung hindi mo ipapahayag
ang iyong mga kasalanan,
ngunit kung ipapahayag mo ito at tatalikdan,
kahahabagan ka ng Diyos.
14Mapalad ang taong laging
may takot sa Panginoon ,
ngunit mapapahamak
ang taong matigas ang ulo.
15Para sa mahihirap,
ang masamang pinuno,
ay katulad ng mabangis na leon
o nagngangalit na oso.
16Ang pinunong walang pang-unawa
ay lubhang malupit.
Hahaba naman ang buhay ng pinunong
sa kasakiman ay galit.
17Ang taong hindi pinatatahimik ng kanyang budhi
dahil sa pagpatay sa kanyang kapwa
ay tatakas kahit saan
hanggang sa siya ay mamatay.
Huwag ninyo siyang tulungan.
18Ang namumuhay nang matuwid
ay ligtas sa kapahamakan,
ngunit mahuhulog sa hukay
ang namumuhay sa maling pamamaraan.
19Ang masipag magsaka ng kanyang lupain
ay laging sagana sa pagkain,
ngunit ang naghahabol sa mga bagay
na walang saysay
ay masasadlak sa kahirapan.
20Ang taong tapat
ay sasagana sa pagpapala,
ngunit ang taong nagmamadaling yumaman
ay parurusahan.
21Hindi mabuti ang may kinikilingan,
ngunit may mga gumagawa nito
dahil sa kaunting suhol.
22Nagmamadaling yumaman
ang taong sa pera ay gahaman,
ngunit ang hindi niya alam
patungo pala siya sa kahirapan.
23Pasasalamatan ka pa ng tao sa huli
kapag sinaway mo siya nang tapat
kaysa panay ang papuri mo sa kanya
kahit hindi nararapat.
24Ang taong nagnanakaw sa magulang
at sasabihing hindi iyon kasalanan
ay walang pinagkaiba sa isang kriminal.
25Ang taong sakim
ay nagpapasimula ng kaguluhan,
ngunit ang taong nagtitiwala sa Panginoon
ay magtatamo ng kasaganaan.
26Hangal ang taong nagtitiwala
sa kanyang sariling kakayahan.
Ang taong namumuhay na may karunungan
ay ligtas sa kapahamakan.
27Ang taong mapagbigay sa mahihirap
ay hindi kukulangin,
ngunit ang nagbubulag-bulagan
ay tiyak na susumpain.
28Kapag masama ang mga pinuno,
mga tao ay nagtatago.
Ngunit kapag namatay sila,
ang matutuwid ang mamumuno.