Kawikaan 29

1Ang taong matigas ang ulo

kahit maraming beses pinagsasabihan

ay mapapahamak nang biglaan

at hindi na malulunasan.

2Kapag matutuwid ang namamahala,

nagdiriwang ang madla.

Ngunit kapag ang nangunguna

ay masama,

silaʼy lumuluha.

3Ang naghahangad ng karunungan

ay nagdudulot ng kasiyahan

sa magulang.

Ang nakikisama sa babaeng bayaran

ay nagwawaldas ng kayamanan.

4Kapag ang layunin ng hari ay katarungan,

pinatatatag niya ang kanyang kaharian,

ngunit kapag ang layunin niya

ay humingi ng suhol,

winawasak niya ang kanyang kaharian.

5Ang taong nagkukunwaring pumupuri

sa kanyang kapwa

ay may pinaplanong masama.

6Ang taong masama ay mahuhuli

sa sarili niyang kasalanan,

ngunit ang matuwid

ay aawit nang may kagalakan.

7Kinikilala ng taong matuwid

ang karapatan ng mahihirap,

ngunit hindi nauunawaan ng taong

masama ang mga bagay na ito.

8Ang mga taong nangungutya

ay nagpapasimula ng gulo

sa mga bayan,

ngunit ang matatalino

ang nagpapatigil nito.

9Kapag inihabla ng matalino ang hangal,

hindi titigil ang hangal

sa pagwawala at panunuya,

at hindi magkakaroon ng kapayapaan.

10Kinamumuhian at gustong patayin

ng mamamatay-tao

ang mga taong namumuhay nang matuwid

at walang kapintasan.

11Ang taong hangal

ay hindi makapagpigil sa kanyang galit,

ngunit ang taong marunong

ay nakapagpipigil ng kanyang sarili.

12Kapag ang pinuno

ay naniniwala sa kasinungalingan,

lahat ng lingkod niyaʼy

mabubuyo sa kasamaan.

13Ang mahirap at ang mapang-api

ay parehong binigyan ng Panginoon ng paningin.

14Kung ang paghatol ng isang hari sa mahihirap

ay makatarungan,

ang paghahari niyaʼy magiging matatag

magpakailanman.

15Ang pagpalo at pagsaway sa bata

upang siyaʼy ituwid

ay magtuturo sa kanya ng karunungan,

ngunit kung siya ay pababayaan,

ipapahiya niya ang kanyang ina.

16Kapag masama ang namumuno,

nadadagdagan ang kasamaan.

Ngunit sila ay mapapahamak

at makikita ito ng mga matuwid.

17Disiplinahin mo ang iyong anak

at bibigyan ka niya ng kapayapaan

at kaligayahan.

18Kapag walang pahayag mula sa Diyos,

nagkakagulo ang mga tao,

subalit mapalad ang taong

sumusunod sa kautusan.

19May mga utusang hindi mo maturuan

sa pamamagitan ng salita lamang,

sapagkat kahit na ikaʼy

kanilang nauunawaan,

hindi ka nila pakikinggan.

20Nakita mo ba ang taong

padalos-dalos magsalita?

Mas may pag-asa pa

ang mangmang kaysa sa kanila.

21Kung mula pagkabata ng iyong utusan

ay sinusunod mo ang layaw niya,

sa huli ay magiging problema mo siya.

22Ang taong galit

ay nagsisimula ng gulo

at laging nagkakasala

ang mainitin ang ulo.

23Ang kayabangan ng tao

ang magbibigay sa kanya ng kahihiyan,

ngunit ang pagpapakumbaba

ang magbibigay sa kanya ng karangalan.

24Ang taong nakikipagsabwatan

sa magnanakaw

ay ipinapahamak ang kanyang sarili.

Kahit sumumpa siyang

magsasabi ng totoo,

hindi pa rin niya gagawin ito.

25Ang natatakot sa kanyang kapwa at nasa

mapanganib na bitag,

subalit ang nagtitiwala sa Panginoon

ay magiging panatag.

26Marami ang lumalapit sa pinuno

upang silaʼy mapakinggan

ngunit tanging ang Panginoon lamang

ang nagbibigay ng katarungan.

27Kinasusuklaman ng matutuwid

ang masasamâ,

at kinasusuklaman din naman

ng masasama ang matutuwid.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.