Kawikaan 31

Ang mga Kawikaan ni Haring Lemuel

1Ito ang mga kawikaan ni Haring Lemuel na taga-Masa. Ito ang mga itinuro sa kanya ng kanyang ina:

2Makinig ka, aking anak.

Makinig ka, anak ng aking sinapupunan.

Makinig ka, anak, ang sagot

sa aking mga panalangin.

3Huwag mong sasayangin

ang iyong lakas at pera sa mga babae,

sapagkat sila ang dahilan

kung bakit napapahamak ang mga hari.

4Lemuel, hindi dapat uminom

ng alak ang isang hari.

Ang mga namumuno

ay hindi dapat maghangad

ng inumin na nakalalasing.

5Sapagkat kapag nalasing na sila,

kadalasan ay nakakalimutan na nila

ang kanilang tungkulin,

at hindi nila nabibigyan ng katarungan

ang mga nasa kagipitan.

6Hayaan mong mag-inom

ang mga taong nawalan na ng pag-asa

at naghihirap ang kalooban,

7upang makalimutan nila

ang kanilang mga kasawian at kahirapan.

8Ipagtanggol mo ang karapatan

ng mga taong kahabag-habag,

na hindi maipagtanggol

ang kanilang mga sarili.

9Humatol ka nang walang kinikilingan,

at ipagtanggol ang karapatan

ng mga mahihirap at nangangailangan.

Ang Mabuting Asawa

10Mahirap hanapin ang mabuting asawa.

Higit pa sa mamahaling alahas

ang kanyang halaga.

11Lubos ang tiwala sa kanya

ng kanyang asawa,

at wala na itong mahihiling pa sa kanya.

12Kabutihan at hindi kasamaan

ang ginagawa niya

sa kanyang asawa habang siya

ay nabubuhay.

13Masigasig siyang humahabi

ng mga telang lino at lana.

14Tulad siya ng barko

ng mga mangangalakal;

nagdadala siya ng mga pagkain

kahit galing pa siya sa malayong lugar.

15Maaga siyang gumigising

upang ipaghanda ng pagkain

ang kanyang pamilya,

at para sabihan ang mga babaeng katulong

ng mga dapat nilang gawin.

16Marunong siyang pumili ng lupa

na kanyang bibilhin.

At mula sa kanyang sariling ipon,

pinapataniman niya ito ng ubas.

17Malakas, masipag

at mabilis siyang gumawa.

18Magaling siyang magnegosyo,

at matiyagang nagtatrabaho

hanggang gabi.

19Sa kanyang kamay

ay hawak niya ang sinulid,

at nakakapit sa panghabi

ang kanyang mga daliri.

20Matulungin siya sa mahihirap

at mga nangangailangan.

21Hindi siya nag-aalala,

dumating man ang taglamig,

dahil may makakapal siyang tela

para sa kanyang pamilya.

22Siya na rin ang gumagawa

ng mga kobre-kama,

at ang kanyang mga damit

ay gawa sa pinong lino

at lanang kulay ube.

23Kilala ang asawa niya bilang isa

sa mga tagapamahala ng bayan.

24Gumagawa rin siya ng damit at sinturon,

at ipinagbibili sa mga mangangalakal.

25Malakas at iginagalang siya,

at hindi siya nangangamba

para sa kinabukasan.

26Nagsasalita siya nang may karunungan,

at nagtuturo nang may kabutihan.

27Masipag siya,

at inaalagaang mabuti

ang kanyang pamilya.

28Pinupuri siya ng kanyang mga anak,

at pinupuri rin ng kanyang kabiyak

na nagsasabi,

29“Maraming mga babae ang mahuhusay,

subalit sa iyo ay walang makapapantay.”

30Ang pagiging kaakit-akit

ay makapandaraya,

at ang kagandahan

ay kumukupas.

Ngunit ang babaeng may takot sa Panginoon

ay dapat purihin.

31Dapat siyang gantimpalaan

sa kanyang ginawang kabutihan

at parangalan sa karamihan.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.