Kawikaan 6

Babala Laban sa Kahangalan

1Anak, kung nangako kang panagutan

ang pagkakautang ng iba,

kung nakipagkasundo ka

sa isang hindi mo kilala,

2kung ikaw ay naipit sa iyong mga sinabi

at nabitag ng iyong mga salita,

3ito ang gawin mo upang ikaw ay lumaya

dahil tuluyan ka nang nahulog

sa kamay ng iyong kapwa:

Puntahan mo siya at ikaw

ay magpakumbaba,

pakiusapan mo siya

hanggang sa palayain ka.

4Huwag mo nang ipagpaliban,

gawin mo na ngayon.

Huwag mong hayaang

ikaʼy makatulog.

5Palayain mo ang iyong sarili

tulad ng isang ibon o usa

na nakawala sa bitag

ng isang mangangaso.

6Kayong mga tamad, tingnan ninyo at pag-aralan

ang pamumuhay ng mga langgam

upang matuto kayo sa kanila.

7Kahit na walang namumuno

at nag-uutos sa kanila,

8nag-iipon sila ng pagkain kapag tag-araw

at panahon ng anihan,

upang may makain sila

pagdating ng tag-ulan.

9Kayong mga tamad,

hanggang kailan kayo mahihiga dʼyan?

Kailan kayo babangon

mula sa inyong pagtulog?

10Kaunting tulog, kaunting pahinga

at ang paminsan-minsang paghalukipkip

ng mga kamay,

11at hindi ninyo mamamalayang

darating ang kahirapan

na para kayong ninakawan ng tulisan.

12Ang taong walang kuwenta

at masama ay puro kasinungalingan

ang sinasabi.

13Kumikindat at sumisenyas siya

gamit ang kanyang mga kamay at paa.

14Ang puso niya ay puno ng pandaraya,

laging nagbabalak na gumawa ng masama

at sa mga gulo siya ang nagpapasimula.

15Kaya biglang darating sa kanya

ang kapahamakan

at hindi na siya matutulungan.

16May anim na bagay na kinamumuhian ang Panginoon ,

pito na kinasusuklaman niya:

Babala Laban sa Pakikiapid

20Anak, sundin mo ang itinuturo

at iniuutos ng iyong mga magulang.

21Itanim mo ito sa iyong isipan

upang hindi mo makalimutan.

22Ito ang papatnubay, mag-iingat

at magpapaalala sa iyong pamumuhay,

kahit ano pa ang iyong ginagawa.

23Sapagkat ang mga turo

at utos ng iyong mga magulang

ay katulad ng isang ilaw

na tatanglaw sa iyo.

At ang kanilang pagsaway sa iyo

upang ituwid ang ugali mo

ay ikabubuti at ikahahaba ng buhay mo.

24Ilalayo ka rin nito

sa masamang babaeng nakakaakit

ang pananalita.

25Huwag kang magnanasa

sa kanyang kagandahan.

Huwag kang patutukso

sa kanyang pang-aakit.

26Ang pakikipagsiping sa babaeng bayaran

ay puwedeng bayaran sa halaga ng tinapay,

ngunit ang pakikipagsiping sa asawa ng iba

ay pagbabayaran mo ng iyong buhay.

27Kung maglalaro ka ng apoy

sa iyong kandungan

tiyak na masusunog ang damit mo.

28At kung tatapak ka sa baga,

mapapaso ang mga paa mo.

29Kaya kung mayroong sumiping

sa asawa ng iba,

ang sinumang humawak sa kanya

ay tiyak ang parusa.

30Hindi hinahamak ng tao ang magnanakaw

kung ginagawa niya iyon

upang maibsan ang kanyang gutom.

31Subalit, sa sandaling siyaʼy mahuli,

pitong ulit siyang magbabayad,

kahit na maubos pa ang lahat

ng kayamanan niya.

32Ang taong nangangalunya ay salat sa karunungan.

Ang kanyang sariliʼy dinadala sa kapahamakan.

33Masasaktan at mapapahiya siya

at hindi maaalis habambuhay

ang kahihiyan niya.

34Sapagkat ang asawang seloso ay labis kung magalit

at maghihiganti siya nang walang awa.

35Kahit magkano pa ang ibayad,

hindi niya ito tatanggapin.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.