The chat will start when you send the first message.
1Panginoon , hindi kami ang dapat na parangalan,
kundi kayo, dahil sa inyong pag-ibig at katapatan.
2Bakit kami kinukutya ng ibang bansa
at sinasabi nilang,
“Nasaan na ang inyong Diyos?”
3Ang aming Diyos ay nasa langit,
at ginagawa niya ang kanyang nais.
4Ngunit ang kanilang mga diyos
ay yari sa pilak at ginto
na gawa lang ng tao.
5May bibig sila, ngunit hindi nakakapagsalita;
may mga mata, ngunit hindi nakakakita.
6May mga tainga, ngunit hindi nakakarinig;
may ilong, ngunit hindi nakakaamoy.
7May mga kamay, ngunit hindi nakakahawak;
may mga paa, ngunit hindi nakakalakad,
at kahit munting tinig ay wala kang marinig.
8Ang mga gumawa ng mga diyos-diyosan
at nagtitiwala rito
ay matutulad sa mga ito.
9-10Kayong mga mamamayan ng Israel
at kayong mga angkan ni Aaron,
magtiwala kayo sa Panginoon .
Siya ang tutulong at mag-iingat sa inyo.
11Kayong mga may takot sa Panginoon ,
magtiwala kayo sa kanya.
Siya ang tutulong
at mag-iingat sa inyo.
12Hindi tayo kinakalimutan ng Panginoon ,
pagpapalain niya ang mga mamamayan
ng Israel at ang mga angkan ni Aaron.
13Pagpapalain niya ang lahat
ng may takot sa kanya,
dakila man o aba.
14Paramihin sana kayo ng Panginoon ,
kayo at ang inyong mga angkan.
15Sanaʼy pagpalain kayo ng Panginoon
na lumikha ng langit at ng lupa.
16Ang kalangitan ay sa Panginoon ,
ngunit ang mundo
ay ipinagkatiwala niya sa mga tao.
17Ang mga patay ay hindi na
makakapuri sa Panginoon ,
dahil sila ay nananahimik na.
18Tayong mga buháy ang dapat magpuri
sa Panginoon
ngayon at magpakailanman.
Purihin ang Panginoon !