Salmo 116

Salmo 116

1Mahal ko ang Panginoon ,

dahil dinidinig niya ang paghingi ko

ng tulong sa kanya.

2Dahil pinakikinggan niya ako,

patuloy akong tatawag sa kanya habang akoʼy nabubuhay.

3Natakot ako dahil nararamdaman kong

malapit na akong mamatay.

Ang kamatayan ay parang tali

na pumupulupot sa akin.

Nag-aalala ako at naguguluhan,

4kaya tumawag ako sa Panginoon ,

“Panginoon , iligtas nʼyo po ako.”

5Ang Panginoon nating Diyos

ay mabuti, matuwid at mahabagin.

6Iniingatan ng Panginoon

ang mga kulang sa kaalaman.

Nang wala na akong magawa,

akoʼy iniligtas niya.

7Magpapakatatag ako,

dahil ang Panginoon

ay mabuti sa akin.

8Sapagkat iniligtas niya ako sa kamatayan,

sa kalungkutan at kapahamakan.

9Kaya mamumuhay ako na malapit sa Panginoon dito sa mundo ng mga buháy.

10Kahit na sinabi kong,

“Sukdulan na ang paghihirap ko,”

nagtitiwala pa rin ako sa kanya.

11Sa aking pagkabalisa ay nasabi kong,

“Wala ni isang taong mapagkatiwalaan.”

12Ano kaya ang maigaganti ko sa Panginoon

sa lahat ng kabutihan niya sa akin?

13Sasambahin ko ang Panginoon ,

at maghahandog ako sa kanya ng pasasalamat

sa kanyang pagliligtas sa akin.

14Tutuparin ko ang aking

mga pangako sa Panginoon

sa harap ng kanyang mga mamamayan.

15Nasasaktan ang Panginoon

kung mamatay ang kanyang

mga tapat na mga mamamayan.

16Panginoon , ako nga ay inyong lingkod.[#116:16 : O ako nga ay inyong lingkod tulad ng aking ina na inyo ring lingkod.]

Iniligtas nʼyo ako sa pagkabihag.

17Sasamba ako sa inyo

at mag-aalay ng handog bilang pasasalamat.

18Tutuparin ko ang aking mga pangako

sa inyo Panginoon

sa harap ng inyong mga mamamayan,

19doon sa inyong templo sa Jerusalem.

Purihin ang Panginoon !

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.