Salmo 119

Salmo 119

1Mapalad ang taong namumuhay

nang walang kapintasan,

at naaayon sa utos ng Panginoon .

2Mapalad ang taong sumusunod

sa mga katuruan ng Diyos,

at buong pusong hinahanap

ang kanyang kalooban.

3Hindi sila gumagawa ng masama

sa halip ay sumusunod

sa mga pamamaraan ng Diyos.

4Panginoon , ibinigay ninyo sa amin

ang inyong mga tuntunin

upang itoʼy matapat naming sundin.

5Labis kong ninanais

na maging tapat

sa pagsunod sa inyong

mga tuntunin.

6At hindi ako mapapahiya

kapag sinunod ko

ang inyong mga utos.

7Akoʼy magpupuri sa inyo

nang may malinis na puso,

habang pinag-aaralan ko

ang inyong matuwid na mga utos.

8Susundin ko

ang inyong

mga tuntunin,

kaya huwag ninyo akong pababayaan.

9Paano mapapanatili ng isang kabataan

na dalisay ang kanyang buhay?

Sa pamamagitan ng pamumuhay niya

ayon sa inyong salita.

10Buong puso akong lumalapit sa inyo;

kaya akoʼy tulungan ninyo

na huwag lumihis sa mga utos ninyo.

11Ang salita ninyo ay iningatan ko

sa aking puso

upang hindi ako magkasala sa inyo.

12Purihin kayo Panginoon !

Ituro ninyo sa akin

ang inyong mga tuntunin.

13Ang mga kautusang inyong ibinigay

ay lagi kong sasambitin,

isisigaw ko nang malakas.

14Nagagalak akong sumunod

sa inyong mga katuruan,

higit pa sa kagalakang dulot

ng mga kayamanan.

15Ang inyong mga tuntunin

ay aking pinagbubulay-bulayan

at iniisip kong mabuti

ang inyong pamamaraan.

16Magagalak ako sa inyong mga tuntunin,

at ang inyong mga salitaʼy

hindi ko lilimutin.

17Ipadama ninyo ang inyong kabutihan

sa akin na inyong lingkod,

upang patuloy akong makasunod

at makapamuhay ayon sa inyong salita.

18Buksan ninyo ang aking isipan

upang aking maunawaan

ang kahanga-hangang katotohanan

ng inyong kautusan.

19Akoʼy pansamantala lang dito sa sanlibutan,

kaya ipaliwanag ninyo sa akin

ang inyong mga utos.

20Sa lahat ng oras ay naghahangad ako

na malaman ang kautusan ninyo.

21Ang mga hambog ay sinasaway ninyo

at isinusumpa ang mga lumalabag

sa mga utos ninyo.

22Ilayo ninyo ako sa kanilang panghihiya

at pangungutya,

sapagkat sinusunod ko

ang inyong mga turo.

23Kahit na magtipon ang mga namumuno

at magsalita laban sa akin,

akong lingkod ninyo ay patuloy na magbubulay-bulay

sa inyong mga tuntunin.

24Ang inyong mga turo ay nagbibigay

sa akin ng kagalakan,

at nagsisilbing aking tagapayo.

25Akoʼy parang mamamatay na,

kaya akoʼy panatilihin ninyong buháy

ayon sa inyong pangako.

26Sinabi ko sa inyo ang tungkol

sa aking pamumuhay

at akoʼy pinakinggan ninyo.

Ituro ninyo sa akin

ang inyong mga tuntunin.

27Ipaunawa ninyo sa akin ang inyong

mga tuntunin,

upang pagbulay-bulayan ko

ang inyong kahanga-hangang mga gawa.

28Akoʼy nanlulumo dahil sa kalungkutan,

palakasin ninyo ako

ayon sa inyong pangako.

29Ilayo ninyo ako mula sa paggawa ng masama,

at tulungan ninyo akong sundin

ang inyong kautusan.

30Pinili ko ang tamang daan,

gusto kong sumunod

sa inyong mga utos.

31Panginoon , sinunod ko

ang inyong mga turo,

kaya huwag ninyong papayagang

mapahiya ako.

32Pinagsisikapan kong sundin

ang inyong mga utos,

dahil pinapalawak ninyo

ang aking pang-unawa.

33Panginoon , ituro ninyo sa akin

ang inyong mga tuntunin,

at habang nabubuhay,

itoʼy aking susundin.

34Bigyan ninyo ako ng pang-unawa

sa inyong kautusan,

at itoʼy buong puso kong susundin

at iingatan.

35Pangunahan ninyo ako sa aking pagsunod

sa inyong mga utos,

dahil ito ang aking kasiyahan.

36Bigyan ninyo ako ng pagnanais

na sundin ang inyong mga turo

at hindi ang pagnanais na yumaman.

37Ilayo ninyo ako sa mga bagay

na walang kabuluhan.

Ingatan ninyo ang aking buhay

ayon sa inyong pangako.

38Tuparin ninyo ang inyong ipinangako

sa akin na inyong lingkod,

na ipinangako ninyo

sa mga may takot sa inyo.

39Alisin ninyo ang mga kahihiyan

na aking kinatatakutan,

dahil ang inyong mga tuntunin

ay pawang kabutihan.

40Gusto kong sundin

ang inyong mga tuntunin.

Sa inyong katuwiraʼy,

ingatan ninyo

ang aking buhay.

41Panginoon , ipakita ninyo

ang inyong pag-ibig at pagliligtas sa akin,

ayon sa inyong pangako.

42Pagkatapos sasagutin ko

ang mga kumukutya sa akin,

dahil akoʼy nagtitiwala

sa inyong mga salita.

43Tulungan ninyo akong masabi

ang katotohanan

sa lahat ng pagkakataon,

dahil ang pag-asa ko

ay nakasalalay

sa inyong mga utos.

44Lagi kong susundin

ang inyong kautusan

habang akoʼy nabubuhay.

45Mamumuhay akong may kalayaan,

dahil pinagsisikapan kong sundin

ang inyong mga tuntunin.

46Hindi ko ikakahiyang sabihin

ang inyong mga turo

sa harapan ng mga hari.

47Nagagalak akong sundin

ang inyong mga utos

dahil mahal ko ang mga ito.

48Iginagalang ko ang inyong mga utos

na aking minamahal,

at pinagbubulay-bulayan ko

ang inyong mga tuntunin.

49Alalahanin ninyo ang inyong pangako

sa akin na inyong lingkod,

dahil ito ang nagbibigay sa akin ng pag-asa.

50Ang inyong mga pangako

ang siyang nagpapalakas

at umaaliw sa akin

sa mga paghihirap na aking dinaranas.

51Palagi akong hinahamak

ng mga hambog,

ngunit hindi ako humihiwalay

sa inyong kautusan.

52Panginoon , inaalala ko

ang inyong mga panuntunang

ibinigay noong una,

at silaʼy nagbibigay sa akin

ng kaaliwan.

53Akoʼy galit na galit

sa masasamang tao,

na ayaw sumunod

sa inyong kautusan.

54Umaawit ako tungkol sa inyong

mga tuntunin

kahit saan man ako nanunuluyan.

55Panginoon , sa gabi

ay inaalala ko kayo

at iniisip ko kung paano ko masusunod

ang inyong kautusan.

56Ito ang aking kagalakan:

ang sumunod sa inyong

mga tuntunin.

57Kayo lang Panginoon ,

ang tangi kong kailangan.

Akoʼy nangangakong susundin

ang inyong mga salita.

58Buong puso akong nakikiusap sa inyo

na akoʼy inyong kahabagan

ayon sa inyong pangako.

59Pinag-isipan ko ang aking pamumuhay,

at napagpasyahan kong sumunod

sa inyong mga turo.

60Dali-dali at di ko ipagpapaliban

ang pagsunod sa inyong mga utos.

61Kahit iginagapos ako ng masasama,

hindi ko kinakalimutan

ang inyong kautusan.

62Kahit hatinggabi ay gumigising ako

para kayoʼy pasalamatan

sa inyong matuwid na mga utos.

63Akoʼy kaibigan ng lahat

ng may takot sa inyo

at sumusunod sa inyong mga tuntunin.

64Panginoon , minamahal ninyo

ang lahat ng tao sa buong mundo.

Ituro ninyo sa akin

ang inyong mga tuntunin.

65Panginoon , kabi-kabilang kabutihan

ang ipinaranas ninyo sa akin

na inyong lingkod,

sang-ayon sa inyong pangako.

66Bigyan ninyo ako ng kaalaman

at karunungan,

dahil nagtitiwala ako

sa inyong mga utos.

67Nang akoʼy hindi pa ninyo pinarurusahan,

akoʼy lumayo sa inyo,

ngunit ngayoʼy sinusunod ko na

ang inyong mga salita.

68Napakabuti ninyo at mabuti

ang inyong mga gawa.

Ituro ninyo sa akin ang inyong

mga tuntunin.

69Kahit na akoʼy sinisiraan

ng mga taong mapagmataas,

buong puso ko pa ring tinutupad

ang inyong mga tuntunin.

70Hindi sila nakakaunawa

ng inyong kautusan,

ngunit akoʼy sumusunod sa inyong mga utos

nang may kagalakan.

71Mabuti na pinarusahan ninyo ako,

dahil sa pamamagitan nitoʼy

natutunan ko ang inyong mga turo.

72Para sa akin, ang kautusan

na ibinigay niyoʼy

higit na mahalaga

kaysa sa maraming kayamanan.

73Akoʼy nilikha at hinubog ninyo;

kaya bigyan ninyo ako ng pang-unawa

upang matutunan ko

ang inyong mga utos.

74Matutuwa ang mga may takot sa inyo

kapag akoʼy kanilang nakita,

dahil akoʼy nagtitiwala

sa inyong salita.

75Panginoon alam kong matuwid

ang inyong mga utos.

At dahil kayo ay matapat,

akoʼy inyong dinisiplina.

76Sanaʼy aliwin ninyo ako

ng inyong pagmamahal

ayon sa pangako ninyo sa akin

na inyong lingkod.

77Kahabagan ninyo ako

upang patuloy akong mabuhay,

dahil nagagalak akong sumunod

sa inyong kautusan.

78Mapahiya sana ang mga mapagmataas

dahil sa paninira nila sa akin.

Subalit ako ay magbubulay-bulay

ng inyong mga tuntunin.

79Magsilapit sana sa akin

ang mga may takot sa inyo

at nakakaalam ng inyong mga turo.

80Sanaʼy masunod ko

nang buong puso

ang inyong mga tuntunin

upang hindi ako mapahiya.

81Napapagod na ako sa paghihintay

ng inyong pagliligtas sa akin,

ngunit umaasa pa rin ako

sa inyong mga salita.

82Lumalamlam na ang aking paningin

sa paghihintay ng katuparan

ng pangako ninyo sa akin.

Ang tanong koʼy, “Kailan pa ninyo ako

palalakasin at aaliwin?”

83Kahit na akoʼy tulad ng sisidlang-balat

na hindi na mapakinabangan,

hindi ko pa rin nakakalimutan

ang inyong mga tuntunin.

84Hanggang kailan pa kaya

ang aking paghihintay?

Kailan ninyo parurusahan

ang mga umuusig sa akin

na inyong lingkod?

85Ang mga mapagmataas na hindi sumusunod

sa inyong mga kautusan

ay naghukay ng mga patibong

upang akoʼy hulihin.

86-87Kaya tulungan ninyo ako

dahil akoʼy kanilang inuusig

nang walang dahilan,

hanggang sa akoʼy nabingit na

sa kamatayan.

Ngunit hindi ko tinalikuran ang inyong mga tuntunin

dahil maaasahan ang inyong mga utos.

88Ingatan ninyo ang aking buhay

ayon sa inyong pag-ibig sa akin,

upang masunod ko ang mga turo

na ibinigay ninyo.

89Panginoon , ang salita nʼyo

ay mananatili magpakailanman;

hindi ito magbabago tulad ng kalangitan.

90Ang inyong katapatan ay magpapatuloy

sa lahat ng salinlahi.

Matibay ninyong itinatag ang mundo,

kaya itoʼy nananatili.

91Ang lahat ng bagay ay nananatili

hanggang ngayon ayon sa inyong nais.

Dahil ang lahat ng bagay

ay sumusunod sa inyo.

92Kung ang inyong kautusan ay hindi

nagbibigay sa akin ng kaaliwan,

namatay na sana ako

dahil sa paghihirap na dinanas ko.

93Hindi ko kailanman lilimutin

ang inyong mga tuntunin,

dahil sa pamamagitan nitoʼy

patuloy ninyo akong binubuhay.

94Akoʼy inyo, kaya akoʼy iligtas ninyo!

Dahil pinagsisikapan kong sundin

ang inyong mga tuntunin.

95Nag-aabang ang masasama

upang akoʼy patayin,

ngunit iisipin ko ang inyong mga turo.

96Nakita kong ang lahat ng bagay

ay may katapusan,

ngunit ang inyong mga utos

ay mananatili magpakailanman.

97Labis kong iniibig ang inyong kautusan.

Palagi ko itong pinagbubulay-bulayan.

98Ang inyong mga utos ay nasa puso ko,

kaya akoʼy mas marunong

kaysa sa mga kaaway ko.

99Mas marami ang aking naunawaan

kaysa sa aking mga guro,

sapagkat lagi kong pinagbubulay-bulayan

ang inyong mga katuruan.

100Higit pa ang aking pang-unawa

kaysa sa matatanda,

sapagkat sumusunod ako sa mga tuntunin ninyo.

101Iniiwasan ko ang masamang pag-uugali,

upang masunod ko

ang inyong mga salita.

102Hindi ako lumihis sa inyong mga utos,

dahil kayo ang nagturo sa akin.

103Kay tamis ng inyong mga salita,

mas matamis pa ito kaysa sa pulot.

104Sa inyong mga tuntunin,

pang-unawa koʼy lumalawak,

kaya kinamumuhian ko

ang lahat ng gawaing masama.

105Ang salita ninyo ay ilaw

sa aking paanan,

nagbibigay-liwanag sa aking daraanan.

106Nanumpa ako at muling nangangako

na susundin ko ang mga matuwid

na utos ninyo.

107Hirap na hirap na po ako Panginoon ;

panatilihin ninyo akong buháy

ayon sa inyong pangako.

108Tanggapin ninyo Panginoon

ang taos-puso kong pagpupuri,

at ituro ninyo sa akin ang inyong mga utos.

109Kahit na akoʼy palagiang

nasa bingit ng kamatayan,

hindi ko kinakalimutan

ang inyong mga kautusan.

110Ang masasamaʼy naghanda

ng patibong para sa akin,

ngunit hindi ako humihiwalay

sa inyong mga tuntunin.

111Ang inyong mga turo

ang mana kong walang hanggan,

sapagkat itoʼy nagbibigay

sa akin ng kagalakan.

112Aking napagpasyahan

na susundin ko

ang inyong mga tuntunin

hanggang dulo.

113Kinamumuhian ko ang mga taong

hindi tapat sa inyo,

ngunit iniibig ko ang inyong mga kautusan.

114Kayo ang kanlungan

at pananggalang ko;

sa inyong mga salitaʼy umaasa ako.

115Lumayo kayo sa akin,

kayong mga gumagawa ng masama,

upang masunod ko ang mga utos

ng aking Diyos.

116Panginoon , bigyan po ninyo ako

ng kalakasan

ayon sa inyong pangako

upang ako ay patuloy na mabuhay;

at huwag ninyong hayaan

na mabigo ako

sa aking pag-asa sa inyo.

117Tulungan ninyo ako upang akoʼy maligtas;

at nang lagi kong maituon

sa inyong mga tuntunin

ang aking isipan.

118Itinatakwil ninyo ang lahat

na lumalayo

sa inyong mga tuntunin.

Ang kanilang panlilinlang

ay walang kabuluhan.

119Basura ang tingin ninyo

sa lahat ng masasama rito sa mundo,

kaya naman iniibig ko

ang inyong mga turo.

120Nanginginig ako sa takot sa inyo;

sa hatol na inyong gagawin

ay natatakot ako.

121Ginawa ko ang matuwid

at makatarungan,

kaya sa aking mga kaaway,

huwag ninyo akong pababayaan.

122Ipangako ninyong akoʼy tutulungan

huwag pabayaang apihin ako

ng mga mayayabang.

123Nagdidilim na ang aking paningin

sa paghihintay sa inyong pangako

na ililigtas ako.

124Gawin ninyo sa akin na inyong lingkod

ang naaayon sa inyong pagmamahal,

at ituro ninyo sa akin

ang inyong mga tuntunin.

125Ako ay inyong lingkod, kaya bigyan ninyo ako

ng pang-unawa,

upang maunawaan ko

ang inyong mga katuruan.

126Panginoon , ito na ang panahon

para kayo ay kumilos,

dahil nilalabag ng mga tao

ang inyong kautusan.

127Pinahahalagahan ko

ang inyong mga utos,

nang higit pa kaysa sa ginto

o pinakadalisay na ginto.

128Sinusunod ko ang lahat

ng inyong mga tuntunin,

kaya kinamumuhian ko

ang lahat ng masamang gawain.

129Kahanga-hanga ang inyong mga turo,

kaya sinusunod ko ito

nang buong puso.

130Ang pagpapahayag ng inyong mga salita

ay nagbibigay-liwanag sa isipan ng tao

at karunungan sa mga kulang

sa kaalaman.

131Labis kong hinahangad ang inyong mga utos.

132Masdan ninyo ako at kahabagan,

gaya ng lagi ninyong ginagawa

sa mga umiibig sa inyo.

133Patnubayan ninyo ako ng inyong mga salita,

at huwag ninyong hayaang akoʼy pagharian

ng kasamaan.

134Iligtas ninyo ako sa mga nang-aapi sa akin,

upang masunod ko ang inyong

mga tuntunin.

135Ipakita ninyo sa akin na inyong lingkod

ang inyong kabutihan,

at turuan ninyo ako ng inyong

mga tuntunin.

136Labis akong umiiyak

dahil hindi sinusunod ng mga tao

ang inyong kautusan.

137Matuwid kayo, Panginoon ,

at tama ang inyong mga paghatol.

138Ang inyong ibinigay na mga turo

ay matuwid at mapagkatiwalaan.

139Labis ang aking galit

dahil binalewala ng aking

mga kaaway

ang inyong mga salita.

140Napatunayan na maaasahan

ang inyong mga pangako,

kaya napakahalaga nito sa akin

na inyong lingkod.

141Kahit mahirap lang ako at inaayawan,

hindi ko kinakalimutan ang inyong

mga tuntunin.

142Walang katapusan ang inyong katuwiran,

at ang inyong kautusan

ay batay sa katotohanan.

143Dumating sa akin ang mga kaguluhan

at kahirapan,

ngunit ang inyong mga utos

ay nagbigay sa akin ng kagalakan.

144Ang inyong mga turo ay matuwid

at walang hanggan.

Bigyan ninyo ako ng pang-unawa

upang patuloy akong mabuhay.

145Panginoon , buong puso akong

tumatawag sa inyo;

sagutin ninyo ako, at susundin ko

ang inyong mga tuntunin.

146Tumatawag ako sa inyo;

iligtas ninyo ako, at susundin ko

ang inyong mga tuntunin.

147Gising na ako bago pa sumikat ang araw

at humihingi ng tulong sa inyo,

dahil nagtitiwala ako

sa inyong pangako.

148Akoʼy nagpuyat nang buong magdamag,

upang pagbulay-bulayan

ang inyong mga pangako.

149Panginoon , dinggin ninyo ako

ayon sa inyong pagmamahal;

ingatan ninyo ang aking buhay

ayon sa inyong paghatol.

150Palapit na nang palapit

ang masasamang umuusig sa akin,

ang mga taong tumatanggi

sa inyong kautusan.

151Ngunit malapit kayo sa akin,

Panginoon ;

at ang inyong mga utos

ay maaasahan.

152Sa pag-aaral ko ng inyong mga turo,

naunawaan ko noon pa man

na ang inyong mga katuruan

ay magpapatuloy magpakailanman.

153Masdan ninyo ang dinaranas kong

paghihirap at akoʼy inyong iligtas,

dahil hindi ko kinakalimutan

ang inyong kautusan.

154Ipagtanggol ninyo ako at iligtas,

ingatan ninyo ang aking buhay

ayon sa inyong pangako.

155Hindi maliligtas ang masasamâ,

dahil hindi nila ipinamumuhay

ang inyong mga tuntunin.

156Napakamaawain ninyo Panginoon ;

ingatan ninyo ang aking buhay

ayon sa inyong paghatol.

157Marami ang umuusig sa akin,

ngunit hindi ako lumayo

sa inyong mga turo.

158Kinasusuklaman ko

ang mga hindi tapat sa inyo,

dahil hindi nila sinusunod

ang inyong salita.

159Tingnan ninyo Panginoon

kung paano ko sinusunod

ang inyong mga tuntunin.

Ingatan ninyo ang aking buhay

ayon sa inyong tapat na pag-ibig.

160Totoo ang lahat ng inyong salita,

at ang inyong mga utos

ay makatuwiran magpakailanman.

161Inuusig ako ng mga namumuno

nang walang dahilan,

ngunit salita lamang ninyo

ang aking kinatatakutan.

162Nagagalak ako

sa inyong mga pangako,

tulad ng isang taong nakatuklas

ng malaking kayamanan.

163Namumuhi ako at nasusuklam

sa kasinungalingan,

ngunit iniibig ko ang inyong kautusan.

164Pitong beses akong nagpupuri sa inyo[#119:164 : O Paulit-ulit o Maingat.]

bawat araw dahil matuwid

ang inyong mga utos.

165Magiging payapaʼt tiwasay

ang kalagayan ng mga umiibig

sa inyong kautusan,

at silaʼy hindi mabubuwal.

166Panginoon umaasa ako

na akoʼy inyong ililigtas,

at sinusunod ko ang inyong mga utos.

167Buong puso kong iniibig

ang inyong mga turo,

at itoʼy sinusunod ko.

168Ang lahat kong ginagawa

ay inyong nalalaman,

kaya sinusunod ko ang inyong

mga tuntunin at katuruan.

169Panginoon , pakinggan sana ninyo

ang aking hinaing.

Bigyan ninyo ako ng pang-unawa

ayon sa inyong pangako.

170Sanaʼy dinggin ninyo

ang aking dalangin,

at iligtas ako katulad ng inyong ipinangako.

171Lagi akong magpupuri sa inyo,

dahil tinuturuan ninyo ako

ng inyong mga tuntunin.

172Akoʼy aawit tungkol sa inyong mga salita,

dahil matuwid ang lahat

ng inyong mga utos.

173Palagi sana kayong maging handa

na akoʼy tulungan,

dahil pinili kong sundin

ang inyong mga tuntunin.

174Panginoon , nananabik ako

sa inyong pagliligtas.

Ang kautusan ninyo ay nagbibigay

sa akin ng kagalakan.

175Panatilihin ninyo ang aking buhay

para kayoʼy aking mapapurihan,

at sanaʼy tulungan ako

ng inyong mga utos na masunod

ang inyong kalooban.

176Para akong tupang naligaw at nawala,

kaya hanapin ninyo ako

na inyong lingkod,

dahil hindi ko kinakalimutan

ang inyong mga utos.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.