The chat will start when you send the first message.
1Purihin ang Panginoon !
Purihin ninyo siya, kayong mga lingkod niya,
2na naglilingkod sa bahay ng Panginoon ,
sa bakuran ng Templo ng ating Diyos.
3Purihin ninyo ang Panginoon ,
dahil siya ay mabuti.
Umawit kayo ng mga papuri sa kanya,
dahil ito ay kaaya-aya.
4Purihin ninyo siya!
Sapagkat pinili niya ang lahi ni Jacob
na maging kanya,
at ang mga mamamayan ng Israel
na mga lahi ni Jacob
na maging kanyang mahalagang ari-arian.
5Alam kong ang Panginoon
ay higit na dakila kaysa
sa alin mang diyos-diyosan.
6Ginagawa ng Panginoon
ang anumang nais niya
sa langit, sa lupa, sa dagat
at sa kailaliman.
7Dinadala niya paitaas ang mga ulap
mula sa malalayong dako ng mundo,
at ipinadala ang kidlat
na may kasamang ulan.
Inilabas din niya ang hangin mula
sa kinalalagyan nito.
8Pinatay niya ang mga anak na panganay
ng mga Ehipsiyo;
pati na ang mga panganay
ng kanilang mga hayop.
9Gumawa rin siya dito ng mga himala
at mga kahanga-hangang bagay
upang parusahan ang Faraon
at ang lahat niyang mga lingkod.
10Winasak niya ang maraming bansa,
at pinatay ang kanilang makapangyarihang mga hari,
11katulad nina Sihon na hari ng Amoreo,
Haring Og ng Bashan,
at ang lahat ng hari ng Canaan.
12Kinuha niya ang kanilang mga lupain
at ibinigay sa mga mamamayan niyang Israelita
upang maging kanilang pag-aari.
13Panginoon , ang inyong pangalan
at katanyagan
ay hindi malilimutan sa lahat ng salinlahi.
14Dahil patutunayan nʼyo, Panginoon ,
na ang inyong lingkod
ay walang kasalanan,
at silaʼy inyong kahahabagan.
15Ang mga diyos ng ibang mga bansa
ay mga yari sa pilak at ginto
na gawa ng tao.
16May mga bibig,
ngunit hindi nakakapagsalita;
may mga mata,
ngunit hindi nakakakita.
17May mga tainga,
ngunit hindi nakakarinig,
at hindi sila humihinga.
18Ang mga gumawa ng diyos-diyosan
at ang lahat ng nagtitiwala rito
ay matutulad sa mga ito.
19-20Kayong mga mamamayan ng Israel,
pati kayong mga angkan ni Aaron
at ang iba pang mga angkan ni Levi,
purihin ninyo ang Panginoon !
Kayong mga may takot sa Panginoon ,
purihin ninyo siya!
21Purihin ninyo ang Panginoon
na nasa Zion,
ang lungsod ng Jerusalem
na kanyang tahanan.
Purihin ang Panginoon !