The chat will start when you send the first message.
1Ang Panginoong Diyos na makapangyarihan
ay nagsasalita at nananawagan
sa lahat ng tao sa buong mundo.
2Nagliliwanag siya mula sa Zion,
ang magandang lungsod na walang kapintasan.
3Darating ang Diyos at hindi lang siya basta mananahimik.
Sa unahan niyaʼy may apoy na nagngangalit,
at may bagyong ubod ng lakas sa kanyang paligid.
4Tinawag niya ang buong langit at mundo upang sumaksi
sa paghatol niya sa kanyang mga mamamayan.
5Sinabi niya, “Tipunin sa aking harapan
ang mga tapat kong pinili
na nakipagkasundo sa akin
sa pamamagitan ng paghahandog.”
6Inihahayag ng kalangitan na ang Diyos ay matuwid,
dahil siya nga ang Diyos
na may karapatang mamuno at humatol.
7Sinabi pa ng Diyos, “Kayong mga mamamayan ko,
pakinggan ninyo ang aking sasabihin!
Ako ang Diyos, na inyong Diyos.
Sasaksi ako laban sa inyo, mga taga-Israel!
8Hindi dahil sa inyong mga sinusunog na handog
na palagi ninyong iniaalay sa akin.
9Hindi ko kailangan ang inyong mga baka at mga kambing.[#50:9 : Sa literal, toro.]
10Sapagkat akin ang lahat ng hayop:
ang mga hayop sa gubat
at ang mga baka sa libu-libong mga burol.
11Kilala ko rin ang lahat ng ibon sa mga bundok,
at ang lahat ng hayop sa parang ay akin.
12Kung magutom man ako,
hindi ako hihingi sa inyo ng pagkain,
dahil ang daigdig at ang lahat
ng nasa loob nito ay akin.
13Kumakain ba ako ng karne ng toro?
Hindi!
Umiinom ba ako ng dugo ng kambing?
Hindi!
14“Ang kailangan kong handog ay ang inyong pasasalamat
at ang pagtupad sa mga ipinangako ninyo
sa akin na Kataas-taasang Diyos.
15Tumawag kayo sa akin sa oras ng inyong kagipitan.
At ililigtas ko kayo at akoʼy pararangalan ninyo.”
16Ngunit sinabi ng Diyos sa mga masama,
“Wala kayong karapatang banggitin
ang aking mga kautusan at kasunduan!
17Namumuhi kayo sa aking pagdidisiplina.
Hindi ninyo pinapansin ang mga sinasabi ko.
18Kapag nakakita kayo ng magnanakaw,
nakikipagkaibigan kayo sa kanya
at nakikisama rin kayo sa mga nakikiapid.
19Lagi kayong nagsasalita ng masama
at kay dali para sa inyong magsinungaling.
20Handa kayong manira ng puri ng inyong mga kaanak,
kahit ng sarili ninyong kapatid.
21Hindi ako kumibo nang gawin ninyo ang mga bagay na ito,
kaya inakala ninyong katulad din ninyo ako.
Ngunit sasawayin ko kayo
at ipapakita ko sa inyo kung gaano kayo kasama.
22Pakinggan ninyo ito, kayong mga nakalimot sa Diyos,
dahil kung hindi ay lilipulin ko kayo
at walang makapagliligtas sa inyo.
23Ang naghahandog sa akin ng pasasalamat
ay pinaparangalan ako
at ang nag-iingat sa kanyang pag-uugali
ay ililigtas ko.”