The chat will start when you send the first message.
1Kumilos nawa ang Diyos,
at ikalat ang kanyang mga kaaway.
Magsitakas nawa palayo
ang mga galit sa kanya.
2Itaboy sana sila ng Diyos
gaya ng usok na tinatangay ng hangin.
Mamatay sana sa harapan niya
ang mga masasamâ,
gaya ng kandilang natutunaw sa apoy.
3Ngunit ang matutuwid ay sisigaw sa galak sa kanyang harapan.
4Awitan ninyo ang Diyos,
awitan ninyo siya ng mga papuri.
Purihin nʼyo siya, na siyang may hawak sa mga ulap.
Ang kanyang pangalan ay Panginoon .
Magalak kayo sa kanyang harapan!
5Ang Diyos na nasa kanyang banal na tahanan
ang siyang nangangalaga sa mga ulila
at tagapagtanggol ng mga biyuda.
6Ang mga nag-iisa sa buhay
ay ihinahanap niya ng pamilyang kabibilangan.
Ang mga bihag
ay kanyang binibigyan ng kalayaan
upang silaʼy magkaroon ng kagalakan.
Ngunit ang mga taong ang uloʼy may katigasan,
sa mainit at tigang na lupa maninirahan.
7O Diyos, nang pangunahan ninyo sa ilang
ang inyong mga mamamayan,
8nayanig ang lupa at bumuhos ang ulan
sa inyong harapan,
O Diyos ng Israel na nagpahayag sa Sinai.
9Nagpadala kayo ng masaganang ulan
at ang lupang tigang na ipinamana nʼyo
sa inyong mga mamamayan
ay naginhawahan.
10Doon sila nanirahan, at sa inyong kagandahang-loob
ay binigyan nʼyo ang mga mahihirap
ng kanilang mga pangangailangan.
11Panginoon, nagpadala kayo ng mensahe,
at itoʼy ibinalita ng maraming kababaihan:
12“Nagsisitakas ang mga hari at ang kanilang mga hukbo!
Ang mga naiwan nilang kayamanan
ay pinaghati-hatian ng mga babaeng
nasa mga kabahayan.
13Kahit na ang mga tagapag-alaga ng hayop
ay nakakuha ng mga naiwang bagay gaya ng imahen ng
kalapati, na ang mga pakpak ay nababalutan ng pilak
at ang dulo nito ay nababalutan ng purong ginto.”
14Nang ikalat ng Diyos na Makapangyarihan ang mga haring iyon,
pinaulanan niya ng yelo ang lugar ng Zalmon.
15Napakataas at napakaganda ng bundok ng Bashan;
maraming taluktok ang bundok na ito.
16Ngunit bakit ito nainggit sa bundok ng Zion na pinili ng Panginoon
bilang maging tahanan niya magpakailanman?
17Dumating ang Panginoong Diyos
sa kanyang banal na lugar
mula sa Sinai
kasama ang libu-libo niyang karwahe.
18Nang umakyat siya sa mataas na lugar,[#68:18 : O langit.]
marami siyang dinalang bihag.
Tumanggap siya ng regalo mula sa mga tao,
pati na sa mga naghimagsik sa kanya.
At doon maninirahan ang Panginoong Diyos.
19Purihin ang Panginoon,
ang Diyos na ating Tagapagligtas na tumutulong
sa ating mga suliranin sa bawat araw.
20Ang ating Diyos
ang siyang Diyos na nagliligtas!
Siya ang Makapangyarihang Panginoon na nagliligtas
sa atin sa kamatayan.
21Tiyak na babasagin ng Diyos ang ulo
ng kanyang mga kaaway na patuloy sa pagkakasala.
22Sinabi ng Panginoon,
“Pababalikin ko ang aking mga kaaway
mula sa Bashan;
pababalikin ko sila
mula sa kailaliman ng dagat,
23upang patayin sila at tapak-tapakan ninyo ang kanilang dugo
at magsasawa ang inyong mga aso
sa paghimod ng kanilang dugo.”
24O Diyos na aking Hari,
nakita ng lahat ang inyong parada ng tagumpay
papunta sa inyong santuwaryo.
25Nasa unahan ang mga mang-aawit
at nasa hulihan ang mga tumutugtog;
at sa gitna naman ay ang mga babaeng
tumutugtog ng tamburin.
26Sumisigaw sila,
“Purihin ang Diyos sa inyong mga pagtitipon!
Purihin ninyo ang Panginoon ,
kayong mula sa lahi ng Israel.”
27Nauuna ang maliit na lahi ni Benjamin,
kasunod ang mga pinuno ng Juda
kasama ang kanilang lahi,
at sinusundan ng mga pinuno ng Zebulun at Neftali.
28O Diyos, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan,[#68:28 : Ito ang nasa tekstong Septuagint, Syriac at sa ibang tekstong Hebreo. Ngunit sa tekstong Masoretic, Binigyan kayo ng kapangyarihan ng inyong Diyos.]
katulad ng ginawa nʼyo sa amin noon.
29Dahil sa inyong Templo sa Jerusalem
magkakaloob ng mga regalo
ang mga hari para sa inyo.
30Sawayin nʼyo ang bansang kaaway
na parang mabagsik na hayop sa talahiban.
Pati na rin ang mga taong tila
mga torong kasama ng mga guya
hanggang sa silaʼy sumuko at maghandog
ng kanilang mga pilak sa inyo.
Ikalat nʼyo ang mga taong natutuwa
kapag may digmaan.
31Magpapasakop ang mga taga-Ehipto sa inyo.
Ang mga taga-Etiopia
ay magmamadaling magbigay ng kaloob sa inyo.
32Umawit kayo sa Diyos, kayong mga mamamayan
ng mga kaharian sa mundo.
Umawit kayo
ng mga papuri sa Panginoon,
33na naglalakbay sa kalangitan mula pa
nang pasimula.
Pakinggan ninyo
ang kanyang dumadagundong na tinig.
34Ipahayag ninyo ang kapangyarihan
ng Diyos na naghahari sa buong Israel.
Ang kalangitan ang nagpapakita
ng kanyang kapangyarihan.
35Kahanga-hanga ang Diyos ng Israel
habang siyaʼy lumalabas
sa kanyang banal na tahanan.
Binibigyan niya ng kapangyarihan at kalakasan
ang kanyang mga mamamayan.
Purihin ang Diyos!