The chat will start when you send the first message.
1Panginoon kong Diyos, nanganganlong ako sa inyo.
Iligtas nʼyo ako sa mga umuusig sa akin.
2Baka patayin nila ako,
katulad ng pagluray ng leon
sa kanyang biktima,
kung walang magliligtas sa akin.
3Panginoon kong Diyos,
kung totoong ginawa ko
ang kasalanang ito,
4kung ginantihan ko nga ng masama
ang mabuting ginawa ng aking kaibigan,
o kung sinamsam ko ang mga ari-arian
ng aking mga kaaway
nang walang dahilan,
5hayaan nʼyong akoʼy usigin
at talunin ng aking mga kaaway.
Hayaan nʼyong akoʼy tapak-tapakan
hanggang sa mamatay,
at pabayaan sa lupa ang aking bangkay.
6O Panginoon kong Diyos,
ipakita nʼyo ang inyong galit
sa aking mga kaaway
na sobrang nagngingitngit.
Ipakita ninyo ang inyong pagiging makatarungan.
7Tipunin nʼyo ang lahat ng bansa sa palibot nʼyo,
at pamahalaan nʼyo sila mula sa langit.
8Kayo Panginoon ang humahatol sa lahat ng tao.
Patunayan nʼyo sa kanila
na mali ang kanilang mga paratang
laban sa akin.
Sapagkat alam nʼyo
na akoʼy matuwid,
at namumuhay nang wasto.
9Pigilan nʼyo ang kasamaang
ginagawa ng mga tao,
at pagpalain nʼyo ang mga matuwid,
dahil kayo ay Diyos na matuwid,
at sinisiyasat nʼyo ang aming mga pusoʼt isipan.
10Kayo, O Diyos, ang nag-iingat sa akin.
Inililigtas nʼyo ang mga namumuhay nang matuwid.
11Kayo ang matuwid na hukom,
at sa araw-araw ay ipinapakita nʼyo
ang inyong galit sa masasamâ.
12-13Kung ayaw nilang magsisi
sa kanilang mga kasalanan,
ikaw namaʼy nakahandang silaʼy parusahan.
Katulad nʼyo ay isang sundalo
na handa na ang mga nakamamatay na sandata.
Nahasa na niya ang kanyang espada,
at nakaumang na ang palasong nagbabaga.
14Mapag-isip sila ng gulo at kasamaan,
kaya nakakapanloko sila ng kapwa.
15-16Ngunit sila mismo ang mapapahamak
sa panggugulo at karahasang binabalak.
Ang katulad nila ay humuhukay ng bitag
upang mahulog ang iba,
pero sila rin ang mahuhulog
sa hinukay nila.
17Pinasasalamatan ko kayo Panginoon ,
sapagkat matuwid kayo.
Aawitan ko kayo ng mga papuri,
Kataas-taasang Panginoon .