Salmo 71

Salmo 71

1Panginoon , sa inyo ako humihingi ng kalinga.

Huwag nʼyong pabayaang akoʼy mapahiya.

2Tulungan nʼyo ako at iligtas

sapagkat kayo ay matuwid.

Akoʼy inyong dinggin at sagipin.

3Kayo sa akin ay batong kanlungan

na lagi kong malalapitan.

Ipag-utos nʼyo na iligtas ako,

dahil kayo ang aking matibay

na batong pananggalang.

4O Diyos ko, iligtas nʼyo ako

mula sa kamay ng masasama

at malulupit na tao.

5Kayo ang aking pag-asa,

O Makapangyarihang Panginoon .

Mula noong akoʼy bata pa,

sa inyo, ako ay nagtiwala.

6Kayo ay aking kasama,

mula nang akoʼy isilang;

sa sinapupunan ng aking ina,

akoʼy inyong iningatan.

Akoʼy magpupuri sa inyo,

magpakailanman.

7Naging halimbawa ang buhay ko

para sa karamihan,

dahil kayo ang aking naging kalakasan

at tagapag-ingat.

8Maghapon ko kayong pinapupurihan

dahil sa inyong kahanga-hangang kagandahan.

9Huwag po ninyo akong iiwan

kapag akoʼy matanda na.

Huwag po ninyo akong pababayaan

kapag akoʼy mahina na.

10Dahil nag-uusap-usap

ang aking mga kaaway

at nagbabalak na akoʼy patayin.

11Sinasabi nilang, “Pinabayaan

na siya ng Diyos,

kaya habulin natin siya at dakpin

sapagkat wala namang magliligtas sa kanya.”

12O Diyos ko, huwag nʼyo po akong layuan;

at akoʼy agad ninyong saklolohan.

13Nawa silang sa akin ay nagpaparatang

ay mapahiya at mapahamak.

Ang mga nagnanais na akoʼy saktan

ang siya sanang kutyain

at malagay sa kahihiyan.

14Ngunit ako, O Diyos ay palaging aasa

at lalo pang magpupuri sa inyo.

15Maghapon kong sasabihin

na matuwid kayo at nagliligtas,

kahit na hindi ko lubusang maunawaan.

16Ihahayag ko ang inyong mga kahanga-hangang gawa,

O Makapangyarihang Panginoon ;

Ihahayag ko sa mga tao

na kayo ay makatarungan;

Oo, kayo lamang.

17O Diyos, mula pagkabataʼy

itinuro nʼyo na sa akin

ang tungkol sa inyong

mga kahanga-hangang gawa

at hanggang ngayon,

inihahayag ko ito sa mga tao.

18At ngayong akoʼy matanda na

at maputi na ang buhok,

huwag nʼyo akong pabayaan, O Diyos.

Maihayag ko sana ang inyong lakas

at kapangyarihan sa susunod na henerasyon,

at sa lahat ng mga darating sa hinaharap.

19O Diyos, ang inyong katuwiran

ay hindi kayang maunawaan nang lubusan.

Kahanga-hanga ang inyong mga gawa.

Tunay ngang walang sinuman ang tulad ninyo.

20Bagamaʼt pinaranas nʼyo ako

ng maraming hirap,

bibigyan nʼyo akong muli ng bagong buhay.

At mula sa aking pagkakalibing,

akoʼy muli nʼyong bubuhayin.

21Bibigyan nʼyo ako

ng mas higit na karangalan,

at muli akong aaliwin.

22O Diyos ko, dahil sa inyong katapatan

pupurihin ko kayo sa aking

pagtugtog ng alpa.

O Banal na Diyos ng Israel,

aawit ako ng mga papuri sa inyo sa pamamagitan ng pagtugtog ng lira.

23Dahil akoʼy iniligtas nʼyo,

sisigaw ako sa tuwa habang tumutugtog

at umaawit ng papuri sa inyo.

24Lagi kong ipapahayag na kayo ay matuwid

dahil nabigo at nalagay sa kahihiyan

ang mga nagnais na mapahamak ako.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.