Salmo 74

Salmo 74

1O Diyos, hanggang kailan mo kami itatakwil?

Bakit kayo nagagalit sa mga taong

inyong kinakalinga?

2Alalahanin nʼyo ang mga mamamayan

na inyong pinili,

ang lahing tinubos nʼyo,

mula pa noong una

at ginawa nʼyong pinakanatatanging kayamanan.

Alalahanin nʼyo rin ang bundok ng Zion

na inyong tahanan.

3Puntahan nʼyo ang lugar na sira pa rin

hanggang ngayon;

tingnan nʼyo kung paanong sinira

ng mga kaaway ang lahat sa Templo.

4Sumigaw sila sa loob ng inyong Templo.

Nagtaas pa sila roon ng mga bandila

bilang simbolo ng kanilang tagumpay.

5Sinibak nila ang Templo

na parang pumuputol ng punongkahoy

sa gubat gamit ang palakol.

6Winasak nila ang mga inukit na mga kagamitan

sa pamamagitan ng mga palakol.

7Nilapastangan at sinunog nila

ang inyong tahanan.

8Sinabi nila sa kanilang sarili,

“Lipulin natin silang lahat!”

Sinunog nila ang lahat ng lugar

na pinagsasambahan sa inyo, O Diyos.

9Wala nang palatandaan

na kasama namin kayo.

Wala nang propetang naiwan

at walang nakakaalam kung hanggang kailan

matatapos ang mga nangyayaring ito sa amin.

10O Diyos, hanggang kailan kayo kukutyain

ng aming mga kaaway?

Papayagan nʼyo ba silang lapastanganin

ang inyong pangalan habambuhay?

11Bakit wala kayong ginagawa?

Kumilos na kayo!

Puksain nʼyo na sila!

12Kayo, O Diyos, ang aming Hari

mula pa noong una.

Paulit-ulit nʼyo nang iniligtas

ang mga tao sa mundo.

13Hinati nʼyo ang dagat sa pamamagitan

ng inyong kapangyarihan

at dinurog ang ulo ng mga dambuhalang hayop sa dagat.

14Dinurog nʼyo ang ulo

ng dragong Leviatan

at ipinakain ang bangkay nito

sa mga hayop sa ilang.

15Kayo ang nagpapadaloy ng mga bukal

at mga batis,

at ang ilog na hindi natutuyo

ay pinapatuyo ninyo.

16Kayo ang gumawa ng araw at ng gabi

at naglagay ng araw at ng buwan

sa kanilang kinalalagyan.

17Kayo rin ang naglagay

ng mga hangganan sa mundo

at lumikha ng tag-araw at taglamig.

18Alalahanin nʼyo Panginoon ,

kung paano kayo pinahiya

at kinutya ng mga hangal na kaaway.

Kung paano nilapastangan

ng mga mangmang na ito

ang inyong pangalan.

19Huwag nʼyong ibigay sa kanilang mga kaaway

na parang mababangis na hayop

ang inyong mga mamamayan

na parang kalapati.

Huwag nʼyong lubusang kalimutan

ang inyong mga mamamayan

na laging inaapi.

20Alalahanin nʼyo ang kasunduan

ninyo sa amin,

dahil laganap ang kalupitan sa madidilim na lugar ng lupaing ito.

21Huwag nʼyong payagang mapahiya

ang mga mahihirap at nangangailangan.

Purihin sana nila kayo.

22Sige na po, O Diyos, ipagtanggol nʼyo

ang inyong karangalan.

Alalahanin nʼyo kung paano kayo laging hinihiya

ng mga hangal na ito.

23Huwag nʼyong balewalain

ang walang tigil na paghiyaw

ng inyong mga kaaway dahil sa galit.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.