Salmo 75

Salmo 75

1O Diyos, nagpapasalamat kami sa inyo.

Nagpapasalamat kami

dahil malapit kayo sa amin.

Ipinapahayag ng mga tao

ang inyong mga kahanga-hangang gawa.

2Sinabi nʼyo O Diyos, “May itinakda akong

panahon ng paghatol

at hahatol ako nang walang kinikilingan.”

3Kapag yumanig ang mundo

at ang mga taoʼy magkagulo sa takot,

ako ang magpapatibay ng pundasyon ng mundo.

4Sinasabi ko sa mga hambog,

“Huwag kayong magyabang”

at sa masasama,

“Huwag ninyong ipagmalaki

ang inyong kakayahan.

5Tigilan nʼyo na ang pagmamalaki

na kayo ay nanalo

at magpakumbaba na kayo.”

6Dahil ang tagumpay ng taoʼy

hindi nagmumula sa kung saan-saan,

7kundi sa Diyos lamang.

Siya ang humahatol;

kung sino ang ibababa

at kung sino ang itataas.

8Dahil ang Panginoon ang humahawak ng kopa

na puno ng bumubulang matapang na alak.

Ibinubuhos niya ito at ipinaiinom sa masasama

hanggang sa huling patak.

9Ngunit ako, walang tigil kong ipahahayag

ang tungkol sa Diyos ni Jacob,

aawit ako ng mga papuri para sa kanya.

10Aalisin niya ang kakayahan ng masasama,[#75:10 : Sa Hebreo, ko.; #75:10 : Sa Hebreo, Puputulin ko ang lahat ng sungay ng masasamâ.]

ngunit dadagdagan niya

ang kapangyarihan ng matutuwid.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.