Salmo 85

Salmo 85

1Panginoon , naging mabuti kayo sa inyong lupain.

Ibinalik nʼyo sa magandang kalagayan ang Israel.

2Pinatawad nʼyo ang kasamaan

ng inyong mga mamamayan;

inalis nʼyo ang lahat

ng aming kasalanan.

3Inalis nʼyo na rin ang inyong

matinding galit sa amin.

4Minsan pa, O Diyos,

na aming Tagapagligtas,

ibalik nʼyo kami sa magandang kalagayan.

Kalimutan nʼyo na ang inyong

galit sa amin.

5Habang buhay na ba kayong

magagalit sa amin,

hanggang sa aming mga salinlahi?

6Hindi nʼyo na ba kami ibabalik

sa magandang kalagayan

upang kami ay magalak sa inyo?

7Panginoon , ipakita nʼyo sa amin

ang inyong pag-ibig

at kami ay iligtas.

8Pakikinggan ko ang sasabihin ng Panginoong Diyos,

dahil mangangako siya ng kapayapaan sa atin

na kanyang mga tapat na mamamayan;

iyan ay kung hindi na tayo babalik

sa ating mga kamangmangan.

9Tunay na ililigtas niya

ang may takot sa kanya,

upang ipakita na ang kapangyarihan niya

ay mananatili sa ating lupain.

10Ang pag-ibig at katapatan ay magkasama

at ganoon din ang katarungan

at kapayapaan.

11Ang katapatan ng tao sa mundo

ay alam ng Diyos sa langit,

at ang katarungan ng Diyos sa langit

ay matatanggap ng tao sa mundo.

12Tiyak na ibibigay sa atin ng Panginoon ang mabuti

at magkakaroon ng ani

ang ating lupain.

13Ang katarungan ay parang tagapagbalita

na mauunang dumating

upang ihanda ang daan ng Panginoon .

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.