Salmo 89

Salmo 89

1Panginoon , aawitin ko

ang tungkol sa inyong tapat

na pag-ibig magpakailanman.

Ihahayag ko sa lahat ng salinlahi

ang inyong katapatan.

2Ipapahayag ko na hindi matitinag

ang inyong walang hanggang pag-ibig,

at itoʼy mananatili tulad ng kalangitan.

3Ang sabi ninyoʼy,

“Gumawa ako ng kasunduan

sa aking lingkod na si David

na aking pinili upang maging hari.

Ito ang ipinangako ko sa kanya:

4Ang bawat hari ng Israel

ay manggagaling sa iyong lahi;

ang iyong kaharian

ay magpapatuloy magpakailanman.”

5Panginoon , maging ang mga nilalang

sa langit ay nagpupuri

dahil sa inyong katapatan

at mga kahanga-hangang gawa.

6Walang sinuman doon sa kalawakan

ang makakapantay sa ninyo, Panginoon .

Walang sinuman sa mga naroon

ang katulad nʼyo, Panginoon .

7Iginagalang kayo sa pagtitipon

ng mga banal sa langit.

Higit kayong kahanga-hanga

kaysa sa sinuman

sa mga nakapalibot sa inyo.

8O Panginoong Diyos ng mga Hukbo,

wala kayong katulad.

Makapangyarihan kayo Panginoon

at tapat sa lahat ng inyong ginagawa.

9Nasa ilalim ng kapangyarihan nʼyo

ang nagngangalit na dagat,

pinatatahimik ninyo

ang mga malalaking alon.

10Dinurog nʼyo ang dragon

na si Rahab,

at namatay ito.

Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan

ay ikinalat nʼyo ang inyong mga kaaway.

11Sa inyo ang langit at lupa;

ang mundo at ang lahat ng narito

ay inyong nilikha.

12Nilikha nʼyo ang hilaga

at ang timog.

Ang mga bundok ng Tabor at Hermon

ay parang mga taong umaawit sa inyo

nang may kagalakan.

13Ang lakas nʼyo ay walang kapantay;

ang inyong kanang kamay ay nakataas

at makapangyarihan!

14Katuwiran at katarungan ang pundasyon

ng inyong paghahari

na pinangungunahan ng tapat na pag-ibig

at katotohanan.

15Panginoon , mapalad ang mga taong

nakaranas na sumigaw sa kagalakan

dahil sa inyo.

Namumuhay sila sa liwanag

na nagmumula sa inyo.

16Buong araw silang nagsasaya

at nagpupuri sa inyo.

Ikinagagalak nila ang inyong katuwiran.

17Sapagkat ikaw ang kanilang karangalan

at kalakasan,

at dahil sa inyong kabutihan kami ay magtatagumpay.

18Panginoon , Banal na Diyos ng Israel,

ikaw ang humirang sa hari

na sa amin ay nagtatanggol.

19Noon, nagsalita kayo sa inyong

mga tapat na lingkod

sa pamamagitan ng pangitain.

Sinabi nʼyo, “May hinubog akong

isang mandirigma.

Pinili ko siya mula

sa mga karaniwang tao,

at ginawang hari.

20Si David na aking lingkod

ang pinili kong hari

sa pamamagitan ng pagpahid sa kanya

ng banal na langis.

21Ang kapangyarihan ko ang makakasama niya,

at magpapalakas sa kanya.

22Hindi siya malilinlang ng kanyang mga kaaway.

Hindi magtatagumpay laban sa kanya

ang masasamâ.

23Dudurugin ko sa kanyang harapan

ang kanyang mga kaaway,

at lilipulin ang mga may galit sa kanya.

24Mamahalin ko siya at dadamayan.

At sa pamamagitan ng aking

kapangyarihan

ay magtatagumpay siya.

25Paghahariin ko siya mula sa Dagat

ng Mediteraneo

hanggang sa Ilog ng Eufrates.

26Sasabihin niya sa akin,

‘Kayo ang aking Ama,

ang aking Diyos, ang Bato na aking kanlungan

at kaligtasan.’

27Ituturing ko siyang panganay kong anak,

ang pinakamakapangyarihan

sa lahat ng hari.

28Ang pag-ibig ko sa kanyaʼy magpakailanman

at ang kasunduan ko sa kanyaʼy mananatili.

29Ang bawat hari ng Israel

ay magmumula sa kanyang angkan;

ang kanyang paghahari

ay magiging matatag tulad ng kalangitan

at mananatili magpakailanman.

30Ngunit kung ang mga anak niya

ay tumalikod sa aking kautusan

at hindi mamumuhay ayon sa aking pamamaraan,

31at kung lalabagin nila

ang aking mga tuntunin

at kautusan,

32parurusahan ko sila sa kanilang

mga kasalanan.

33Ngunit mamahalin ko pa rin

at dadamayan si David.

34Hindi ko sisirain ang aking kasunduan sa kanya,

at hindi ko babawiin ang aking ipinangako sa kanya.

35Nangako na ako kay David

ayon sa aking kabanalan

at hindi ako maaaring magsinungaling.

36Ang bawat hari ng Israel

ay magmumula sa kanyang lahi

magpakailanman,

gaya ng araw,

37at magpapatuloy ito magpakailanman

katulad ng buwan na itinuturing

na tapat na saksi sa kalangitan.”

38Ngunit, Panginoon , nagalit kayo

sa inyong piniling hari;

itinakwil nʼyo siya at iniwanan.

39Binawi nʼyo ang kasunduan

sa inyong lingkod

at kinuha sa kanya ang kapangyarihan

bilang hari.

40Winasak ninyo ang mga pader

ng kanyang lungsod

at ginuho ang mga pinagtataguan nila.

41Kaya lahat ng dumadaan

sa kanyang kaharian ay nananamantala,

pinagsasamsam ang mga kagamitan sa lungsod.

Pinagtatawanan siya ng mga katabing bansa.

42Pinagtagumpay nʼyo ang kanyang mga kaaway

at pinasaya silang lahat.

43Winalang kabuluhan ninyo

ang kanyang mga sandata

at ipinatalo siya sa labanan.

44Winakasan nʼyo ang kanyang katanyagan

pati na ang kanyang kapangyarihan

bilang hari.

45At dahil ditoʼy, nagmukha siyang matanda

sa bata niyang edad.

Inilagay nʼyo siya sa kahihiyan.

46Panginoon , hanggang kailan

nʼyo kami pagtataguan?

Wala na ba itong katapusan?

Hanggang kailan mag-aapoy

ang inyong galit sa amin?

47Alalahanin nʼyo kung gaano kaiksi

ang buhay ng tao.

Alalahanin nʼyong nilikha nʼyo ang tao

na may kamatayan.

48Sinong tao ang hindi mamamatay?

Maiiwasan ba ng tao ang kamatayan?

49Panginoon, nasaan na ang dati ninyong pag-ibig?

Ang pag-ibig na ipinangako nʼyo kay David

ayon sa inyong katapatan sa kanya?

50Alalahanin nʼyo, Panginoon,

kung paanong hiniya ng maraming bansa

ang iyong lingkod at ito ay aking tiniis.

51Ang mga kaaway nʼyo, Panginoon ,

ang siyang kumukutya

sa pinili nʼyong hari, saan man siya magpunta.

52Purihin ang Panginoon magpakailanman!

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.