Salmo 90

ikaapat na Aklat

Salmo 90

1Panginoon, kayo ang aming naging tahanan

sa lahat ng salinlahi.

2Bago nʼyo pa likhain ang mga bundok,

ang mundo, at ang sanlibutan,

kayoʼy nariyan na,

sapagkat kayoʼy Diyos

magpakailanman.

3Kayo ang nagpapasya kung kailan mamamatay

ang isang tao.

Ibinabalik nʼyo siya sa lupa

dahil sa lupa siya nagmula.

4Ang isang libong taon sa amin

ay parang isang araw lang

na lumipas sa inyo,

o parang ilang oras lang sa gabi.

5Winawakasan nʼyo ang aming buhay

na parang isang panaginip

na biglang nawawala,

6o para ding damong tumutubo

at lumalago sa umaga,

ngunit kinahapunaʼy natutuyo

at nalalanta.

7Dahil sa inyong galit

kami ay natutupok.

Sa tindi ng inyong poot

kami ay natatakot.

8Nakikita nʼyo ang aming

mga kasalanan,

kahit ang mga kasalanang

lihim naming ginawa

ay inyong nalalaman.

9Totoong sa galit nʼyo

kami ay mamamatay;

matatapos ang aming buhay

sa isang buntong hininga lamang.

10Ang buhay namin ay hanggang pitumpung taon lang,

o kung malakas pa ay aabot

ng walumpung taon naman.

Ngunit kahit ang aming pinakamagandang mga taon

ay puno ng paghihirap at kaguluhan.

Talagang hindi magtatagal

ang buhay namin

at kami ay mawawala.

11Walang lubos na nakakaunawa

ng inyong matinding galit.

Matindi nga kayong magalit,

kaya nararapat kayong katakutan.

12Ipaunawa nʼyo sa amin

na ang buhay namin ay maiksi lang,

upang matuto kaming mamuhay

nang may karunungan.

13Panginoon , hanggang kailan kayo

magagalit sa amin?

Dinggin nʼyo kami at kahabagan,

kami na inyong mga lingkod.

14Tuwing umagaʼy ipadama nʼyo sa amin

ang inyong tapat na pag-ibig,

upang umawit kami nang may kagalakan

at maging masaya habang nabubuhay.

15Bigyan nʼyo kami ng kagalakan

na kasintagal ng panahon na kami

ay inyong pinarusahan at pinahirapan.

16Ipakita nʼyo sa amin na inyong mga lingkod,

at sa aming mga salinlahi,

ang inyong kapangyarihan

at mga dakilang gawa.

17Panginoon naming Diyos,

pagpalain nʼyo sana kami

at pagtagumpayin ang aming mga gawain.

Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™  Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.  Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.  Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.  ――――――― Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™  Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.  Used with permission. All rights reserved worldwide. 
Published by: Biblica, Inc.